Ni Raymund B. Villanueva
MARAMING SALAMAT sa imbitasyon, The La Sallian. Isang karangalan na maimbitahan ng isang pahayagang pang-kampus na kasama-kasama ko noong ako rin ay isang estudyanteng mamamahayag ilang dekada na ang nakakaraan.
Binabati ko kayo sa topiko ng ating palihan. Ipinapakita nito ang inyong pagnanais hindi lamang upang maging mahusay na mamamahayag kundi maging matuwid din. Sinasang-ayunan ko ang inyong banayad na pakahulugang mayroon hindi etikong gawi sa pamamahayag, lalo na sa midyang komersyal, sa ating bansa.
Kung nakikita ninyo ang di-matuwid na kalakaran sa mas midya, tiyak kong alam niyong higit ang kabulukan sa lipunan, partikular sa pamahalaan. Hindi nga naman maisisiwalat ang mga suliraning ito ng tapat at epektibo kung hindi isinasabuhay ang etika sa pamamahayag.
Natipuhan ko ang pamagat nitong ating pagsasanay na Buhay sa Lagda: Etika at Panamdam sa Pamamahayag. Itinuturing nito na ang pamamahayag ay maaring maging bahagi ng inyong buhay, at ang pamamahayag ay marapat na may buhay. Ang anumang may buhay ay may pagkakataong magkaroon ng at marapat na may kabuluhan. Magkagayon, itinatanong ninyo kung ano ang kabuluhan ng pamamahayag at sa pamamagitan ng ating pagsasanay ay kung paano ito maaring isabuhay. Manapa, akong nakatatandang mamamahayag ay may sapat na karanasan at kredibilidad upang maipaunawa sa halimbawa at salita kung paano ko isinaalang-alang ang pamagat ng ating aktibidad at layunin nito.
Ligal at ligalidad
Ang kalayaan sa pamamahayag – na hindi lamang tumutukoy sa dyornalismo kundi sa literatura, arte, pagra-rali, at iba pa – ay karapatang may sariling probisyon sa Bill of Rights ng 1987 Constitution. Naisatitik ito sa Article III, Section 4 na nagsasabing, “No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and to petition the government for redress of grievances.”
Magkagayon – dahil ang Saligang Batas ang siyang dapat pinaka-makapangyarihang batas ng bansa – binubura’t sinasapawan nito dapat ang mga nauna at sumasalungat na mga batas, at walang dapat na maipatupad na batas na kontra rito kalaunan.
Dito ko inuumpisahan ang diskusyon hinggil sa hangganan ng pamamahayag sa batas upang ihapag ang sa aking palagay ay dapat na turing rito.
Ginagarantiyahan ng Saligang Batas ang kalayaan sa pamamahayag na kasing-halaga ng batayang mga karapatan, tulad ng buhay, kalayaan, seguridad, pagkain, tubig, hangin, pabahay, edukasyon, ang mag-aliw, at iba pa. Kumakaskada ito sa mas marami pang karapatan, katulad ng mabilis na wi-fi, latte na karampatan ang sarap sa halaga ng ibinayad, magpalipad-hangin sa napupusuan, maging ang karapatan ninyong matalo ng Ateneo sa basketbol.
Subalit kahit ipinapangako ng Konstitusyon ang mga karapatang ito, sa tunay na buhay ay hindi naman iginagalang ng namamayaning kaayusang panlipunan ang mga ito.
Sa isang lipunang may uri, mayroong inhustisya. Kapag mayroong inhustisya, maraming karapatan ang ipinagkakait ng namamayaning mga uri sa mga pinagkakaitang uri.
Dito pumapasok ang pinakamahalagang papel ng dyornalismo sa aking palagay. Kailangan ang kalayaan sa pamamahayag upang mapag-usapan ang mga karapatan, lalo na ang mga ipinagkakait, upang ang mga ito ay makilala. Kung batid ng mamamayan ang kanilang mga karapatan, saka lamang naipaglalaban, naigigiit, at, harinawa, ay matamasa. Walang karapatang buong-buong natatamasa kung walang kalayaan sa pamamahayag.
Ipinagtatanggol at iginigiit din ang kalayaan sa pamamahayag bilang isang karapatan sa bawat pagkakataong ito ay napagbabantaan at nasasapanganib. Ito ang dapat nating unang mabatid sa anumang diskusyon hinggil sa pamamahayag.
Ang kabilang pisngi ng diskusyon sa ligalidad sa pamamahayag ay mga halimbawa ng kung paano ipinagkakait ng estadong namamahala sa isang lipunang kinakatangian ng uri’t inhustisya. Sa Pilipinas, ang isang matandang batas hinggil sa pamamahayag ay libelo na simulang ipinataw noong kolonyalismong Estados Unidos at ang isa sa pinaka-bago ang cybercrime law ng 2012 ng mapagmalinis at mapagkunwaring rehimeng dilaw ng mga sosyal demokrata. Proteksiyon daw ng mamamayan ang ganitong mga uri ng batas laban sa pang-aabuso ng panulat.
Subalit ayon sa isang pag-aaral ng National Union of Journalists of the Philippines, animnapu’t-isang porsyento (61%) ng mga kasong libelo na isinasampa ay ng mga politiko laban sa mga mamamahayag. Halimbawa, matapos ang May 2022 elections, sinampahan ni Gubernadora Helan Tan ng Quezon at asawang DPWH director Ronel Tan sina Darcie de Galicia ng Radio City 97.5 FM at Noel Alamar ng ABS-CBN Teleradyo ng siyam na raan at apatnapu’t isang reklamo (941 counts!) ng cyberlibel. Malinaw na panindak at pang-uupat ang mga batas na ito at hindi proteksiyon. Anong proteksiyon ba ang kailangan ng isang gubernadora na may asawang DPWH regional director laban sa dalawang brodkaster?
Hindi pa nakukuntento ang mga buhong na politiko at makapangyarihang negosyante, mayroon pa silang nalalaman na mga resolusyon na nagdedeklarang persona non grata ang hindi nila kursunadang mamamahayag. Maari rin nilang ipatupad ang mga kautusang pagbabawal ng coverage gamit ang kanilang mga hiram na kapangyarihan, katulad ng ginagawa ni Rodrigo Duterte kay Pia Ranada ng Rappler. At sa ilalim ng anti-terror, anti-terrorism financing at executive orders tulad ng lumikha sa NTF-ELCAC, ang mga mamamahayag tulad ni Frenchie Mae Cumpio ay ikinulong samantalang ipinapasara ng pamahalaan ang news websites tulad ng Bulatlat at Pinoy Weekly. Wasiwas ang kanilang kapangyarihan at mga batas, ginagamit nila ang mga institusyon upang gipitin ang mga impresa ng midya, tulad ng ginawa ng Kamara de Representantes sa ABS-CBN. Mayroong pang mga ispesipikong batas na kanilang gamit-gamit upang sikilin ang karapatan at kalayaan, tulad ng mga executive at administrative orders, maging pagkakait ng permits at licenses para hindi makapagtayo ng community radio stations at independent media outfits. Maging ang Campus Journalism Act of 1991 na naggagarantiya ng kagalingan ng campus press ay ginagamit upang isara ang mga student publication. Kahit anong kapangyarihan at batas ay maari nilang gamitin para lamang mabusalan ang karapatan sa malayang pamamahayag.
Sa aking karanasan, hindi ang ibang mga batas ang tangi at, sa maraming pagkakataon, ang pinaka-mabisang tugon sa panggigipit sa kalayaan sa pamamahayag. Pushed against the wall, ang pinaka-mabisang paraan ay ang kilalanin na ang malayang pamamahayag ay isang batayang karapatan at, magkagayon, ay magpasyang ipagtatanggol ito sa ibang mga paraan, sukdulang talikdan natin ang mga batas-batasang mapaniil sa ngalan ng higit na mataas na aspirasyon. Hindi lamang sa ligal at sa ligalidad ipinagtatanggol ang mga karapatan. Ang pinakamahusay na paraan ay ang nagkakaisang politikal na pagkilos dahil ang mga karapatan mismo ay iniluwal ng politikal na pakikibaka ng mamamayan. Ang politikal na pagkakaisa ng mamamayan ang siyang pinakamalakas na batas ng lipunan at kasaysayan.
Mga pamantayan
Hindi lamang upang mabigo ang anumang banta laban sa malayang pamamahayag kumbakit tayo dapat maalam sa mga pamantayan ng etikong dyornalismo. Tumpak, ang etikong pamamahayag ay napakabisang paraan upang sagutin ang anumang kritisismo sa ating dyornalismo. Subalit ang etikong pamamahayag, sa pangunahin ,ay para sa mas mataas na layuning paglingkuran ang sambayanan.
Para lamang mabanggit natin, ang mga pamantayan para sa etikong dyornalismo, ayon sa pedagohiya sa mga pamantasan at alok ng Google AI, ay ang sumusunod:
Katotohanan at Katumpakan (Truth and Accuracy): Nangangailangan ito ng beripikasyon at fact-checking. Huwag agad maniwala, lalo na kung galing sa press release ng may kapangyarihan.
Pagsasarili (Independence): Ang ibig sabihin nito ay hindi pagpapadala sa di ninais at di kanais-nais na mga impluwensiya. Mainam din na walang conflicts of interest ang mamamahayag. Subalit sinasabi rin nila na dapat daw ay walang political influence sa isang mamamahayag. May kasunod akong pasubali rito.
Pagiging patas (Fairness): Ang aking pakahulugan rito ay subukang iprisinta ang mga nauugnay na impormasyon sa ulat, hindi ang palaging gumitna kahit na tagibang na ang timbangan para o kontra sa isang panig. Magbigay palagi ng konteksto. May pasubali ako sa susunod hinggil sa “balance, impartiality and presenting all relevant sides of a story without bias” na magbibigay umano ng tiwala (trust) sa ating pamamahayag sa pamamagitan ng hindi pagpanig sa ninuman at anuman.
Pananagutan (Accountability): Dapat ay panindigan ng mamamahayag ang kanyang sulatin, umamin at itama ang pagkakamali at maging bukas sa kritisismo. Mainam din na may transparency at disclosure kung kailangan.
Huwag puminsala (Minimizing Harm): Maging sensitibo sa maaring epekto ng inyong ulat sa mga tao at sa madla. Compassion is a virtue. Respect privacy, subalit timbangin ito sa prinsipyo ng public/common good.
Integridad (Integrity): Maging matapat at gabayan tayo ng matatag na moralidad, kabilang ang hindi pagtanggap ng suhol na magkokompromiso sa ating pag-uulat. Huwag manipulahin ang mga imahe. Magpa-alam at magsabi kung gagamit ng gawa ng iba.
Salungat na tesis
Tulusin natin ang usapin ng ‘no politics’ at balance and impartiality sa journalism bilang set-up sa aking main thesis hinggil sa ethical journalism at dyornalismo sa pangkalahatan.
Naniniwala akong walang supra-politikal sa lipunan. Ang pamahalaan, ang ating pagka-Pilipino, pagbabayad ng buwis, paggasta ng pondo publiko, pagnanakaw, ang ating pamilya, pagkapanganak, pag-aaral, pagbili ng milk tea, ang panliligaw, ang pag-ibig, pagkabigo, pagluha, at lahat-lahat ay politika. Ang ekonomiya ay politika. Ang karapatan at kalayaan ay politika. Ang konsepto ng at paniniwala sa isang dakilang Manlilikha at kung paano Niya ipinapakita ang Kanyang pagmamahal sa sangnilikha ay batbat ng politika. Ano’t ipinamamarali na sa pagtuturo, pagsusulat at sa pagkonsumo ng balita ay dapat raw na walang politika?
At anong politika ang walang pinapanigan? Ang politika ay pagpanig sa isa o maraming bagay. Ang hindi pagpanig sa anuman ay politika, kadalasan ay sa politika ng naghahari-harian. Anong kabalintuan kung gayon ang pagsasabi na ang dyornalismo ay dapat walang pinapanigan?
Ang dyornalismo ay luwal ng asawahang pangangailang makipagtalastasan at tungkuling maglingkod sa kapwa. Ang serbisyo publiko ay naglalayon ng common good. Ang isang mamamahayag kung ganon ay dapat may politika na dapat ay politika ng paglilingkod at kagalingan ng madla. Ang kung madla ang pinag-uusapan, sila yaong nakararami. At sa ating lipunan, ang nakararami ay pinagsasamantalahan at pinagnanakawan.
Sinong mamamahayag ang walang kinakampihan, ang hindi kumakampi sa nakararami, ang walang politika ang marapat pagkatiwalaan? Tama ba kung gayon ang islogang “Walang kinakampihan”o “Walang pinapanigan?”
Bangkarote ang ganitong kaisipan sa dyornalismo, walang silbi sa kapwa at sa lipunan.
BASAHIN: Ang hindi maiiwasang tungkulin ng kabataang maging pag-asa ng bayan
Para kanino?
Sa ganang akin, ang pamamahayag ay dapat may politika’t kinakampihan. At kampi dapat ito sa pinagsasamantalahang nakararami sa ating lipunan.
Malasin niyo ang mga balita’t produksiyon ng Altermidya Network. Ang aming mga ulat ay kwento ng mahihirap, ng magsasaka, manggagawa,kababaihan, kabataan, katutubo, OFW, aktibista at iba pang pinagsasamantalahan subalit lumalabang sektor. Madalang na ang aming punto de bista ay sa gubyerno, negosyo, dayuhang mapagsamantala, militar at pulisya. Kami ay pulitikal at biased. Anti-thesis kami ng mga hibang na nagsasabing dapat ay wala politika at kinakampihan ang pamamahayag.
Alamin ngayon natin kung para saan ang ating byline.
Hindi dyornalismo ang kampi sa namamayaning panlipunang kaayusang walang hustisya. Hindi dyornalismo ang panig sa makapangyarihan, mayayama’t namumunini samantalang napapalibutan ng kahirapa’t pighati ng kapwa. Hindi dyornalismo ang kumukondena sa pag-aaklas ng mga api sa ngalan lamang ng law and order nang hindi isisiwalat ang dahilan ng kanilang pag-aaklas. Hindi dyornalismo ang hindi nagsusulong ng pagbabago’t kapayapaang nakabatay sa at naghahangad ng panlipunang katarungan.
Para lamang ba sa “glory of the byline” o “journalism for journalism’s sake?” Postura lamang ang mga iyan! Kung hindi para sa nakararami, para saan? Kung hindi para sa makabuluhang pagbabago, bakit pa?
Sa kabilang banda, kung panig sa mahihirap ang ating panulat, hindi lamang ito tunay na dyornalismo kundi ito ang halimbawa ng etikong pamamahayag. Ito ang pamamahayag na hindi lamang nagbibigay ng impormasyon, impormasyong kapaki-pakinabang sa nakararami sa mundo. Ito ang pamamahayag na umaagapay sa pangangailangang baguhin ang dapat baguhin, usigin ang dapat usigin at palitan ang dapat palitan. Ito ang pamamahayag na itinatanghal ang walang maliw na pagsisikap ng taumbayan na lumikha ng lipunang may katarungan, hindi man natin masabi sa ngayon kung kailan ito magaganap.
Ang isang matuwid na mamahayag at ang tunay na etikal na dyornalismo ay yaong may pakinabang sa bayan at sa kasaysayan. #
= = = = = = =
Ang may akda ay ang tagapangulo ng Altermidya (People’s Alternative Media Network). Ang talumpating ito ay binasa sa palihan ng pahayagang The LaSallian ng De La Salle University-Manila noong Nobyembre 22.








