Batas militar sa Mindanao, muling binatikos

Isang Black Friday Protest ang isinagawa ng mga progresibong grupo sa ikalawang taong anibersaryo ng batas militar sa Mindanao noong Mayo 24 sa Mendiola sa Maynila.

Ayon sa kanila, ang patuloy na pag-iral ng batas militar sa Mindanao ay nagdulot ng malaking pinsala sa kabuhayan ng mamamayan.

Nanawagan sila na itigil na ito.

Batay sa tala ng grupong Karapatan, umaabot sa 93 ang kaso ng extra-judicial killings, 35 na torture, 348, 081 bombings sa mga komunidad at 423,538 na forced evacuations sa loob ng dalawang taong pag-iral ng batas militar sa isla.

May kaso naman nang 79 na paaralang Lumad ang pwersahang ipinasara ng mga militar kung saan apektado ang 2,728 na mga mag-aaral at guro batay sa tala ng Save Our Schools network.

Ayon naman sa Moro Christian Peoples Alliance, ang tunay na layunin ng martial law lalo na sa Marawi City ay pagpapasok ng mga malalaking negosyanteng dayuhan tulad ng China at US.

Matatandaan na noong Mayo 23, 2017 ay idineklara ni Presidente Rodrigo Duterte ang martial law sa Mindanao sa pag-uumpisa ng labanan ng militar at grupong Maute.

Pinalawig ito sa mga sumunod na taon ng mababang kongreso at pinayagan din ng Korte Suprema. (Bidyo ni: Joseph Cuevas/ Kodao)