Kung noong 2010 at 2011 ay may tinawag na Arab Spring, mukhang nakikita natin ang isang bersyon nito sa Timog-Silangan at Katimugang Asya sa kasalukuyan.

Nagsimula ang Arab Spring sa bansang Tunisia noong Disyembre 2010 at tuluyang lumawak sa tagsibol ng 2011 sa buong Kanlurang Asya at Hilagang Aprika sa mga bansa at kahariang Tunisia, Algeria, Jordan, Oman, Saudi Arabia, Egypt, Syria, Yemen, Djibouti, Sudan, Palestine, Iraq, Bahrain, Libya, Kuwait, Morocco at Mauritania.

Sa kasalukuyan naman, nagaganap ang malawakang protesta sa mga bansang Nepal, Indonesia, Thailand at Pilipinas. Nitong nakaraang taon, nauna na ang malawakang protesta sa Bangladesh.

Kahirapan, korupsyon

Tingnan natin ang sinasabing mga dahilan ng Arab Spring:

  1. Sama ng loob ng mamamayan sa kanilang pamahalaan dahil sa kahirapan at korupsyon;
  2. Masidhing pagnanais para sa pagbabago;
  3. Malulupit na rehimen;
  4. Pagiging mayorya na ng kabataan sa populasyon; at
  5. Banta mula sa labas.

Ang Arab Spring ay nagresulta ng pagpapalit ng rehimen sa mga bansang Tunisya, Ehipto, Libya, Yemen, Bahrain, at Syria sa kagyat o matagalan. Sa kaso ng Libra at Syria, sinamantala ng imperyalistang US ang pagkakataon upang patayin si Moammar Qaddafi at patalsikin si Bashar al-Assad nito lamang taon matapos ang isa’t kalahating dekadang pangingialam. Sa kabila ng kanilang sinapit, popular sila sa kanilang mga kababayan subalit pinalabas na masama ng mga pakialamerong ‘Kano. Napapatuloy ang giyera sibil sa mga naturang bansa.

Maihahalintulad sa maraming aspeto ang nangyari sa mga Arabo sa nagaganap sa ating rehiyon sa kasalukuyan.

Muli: Kahirapan, korupsyon

Nito lamang umaga, nagising tayo sa balitang nagbitiw kagabi ang punong ministro ng Nepal na si K.P. Sharma Oli matapos singilin ng mga kabataang galit na galit na sa kahirapan ng mamamayan at kabulukan ng pamahalaan. Tulad sa atin dito sa Pilipinas, nagagalit din sila sa nepo babies and nepo wives ng mga kurakot nilang politiko.

Kahapon, sinugod ng mga kabataan ang  kanilang parlamyento. Dinahas sila ng pulisya na ginantihan nila ng pagsalakay sa mga gusali ng pamahalaan. Isang daan ang naiulat na nasaktan at 19 ang namatay sa mga nagpo-protesta. Ngayong umaga, naiulat ding namatay ang asawa ng isang dating punong ministro dahil sa kaganapan. Mayroon ding mapapanood sa internet na kinukuyog ang kanilang ministro sa pananalapi na si Bishnu Paudel sa lansangan ng mga nagpupuyos na Nepali.

Ilang linggo nang balita ang nangyayari sa Indonesia. Nagpo-protesta ang mga kabataang Indones sa malaking alawans sa pabahay na ibinigay ng parliyamento sa kanilang mga sarili na katumbas ng isang libong porsyento ng batayang sahod sa Jakarta. Lalong sumiklab ang kanilang galit nang sinagasaan ng pulis ang isang manggagawa na kanyang ikinamatay. Sampu na ang nagbuwis ng buhay sa nagpapatuloy na protesta sa maraming bahagi ng ating kalapit-bansa.

Kahapon, sinibak ni presidente Prabowo Subianto ang lima sa kanyang ministro sa tangkang pahupain ang mamamayang Indones. Wala itong epekto sa galit ng mamamayan.

Nagkakagulo rin sa kaharian ng Thailand matapos matanggal sa pwesto si Paetongtarn Shinawatra bilang punong ministro samantalang hiniling na ng tumatayong punong ministro Phumtham Wechayachai na lusawin ang parliyamento upang magbuo ng panibago.

Bisyo na ng mga magkakatunggaling partido politikal sa Thailand ang magsalit-salitan sa pamunuan. Subalit lumalaki ang papel ng mamamayan sa kanilang panawagan ng pagbabago. Sa katunayan, iginiit nila ang pagbitiw ni Paetongtarn matapos mabistong ipinagkanulo niya ang Thailand sa Cambodia sa kalagitnaan ng tensyon sa pagitan ng dalawang bansa nitong mga nakaraang buwan.

Ang mga protestang ito sa Nepal, Indonesia at Thailand ay pinangunahan ng pagpapatalsik sa diktador ng Bangladesh na si Sheikh Hasina noong Agosto 2024. Iginiit ng mga kabataang Bangladesi ang paglikha ng trabaho at tunay na kaunlaran ngunit sinuklian sila ng malawakang patayan at karahasan ng pulisya. Nagresulta ito sa kamatayan ng hindi bababa sa 1,400 na mamamayan at pagkasugat ng libo-libo pa. Subalit matagumpay nilang pinatalsik ang diktador na ang turing sa Bangladesh ay kanyang kareynahan.

Minsan pa: Kahirapan, korupsyon

Dito sa Pilipinas, pintura’t putik pa lamang ang ipinupukol sa tarangkahan ng mga magnanakaw na taga-Pasig at mga kagalang-galang na kawatan sa Kongreso. Subalit mabilis na ang banta ng paghihiganti ng makapangyarihan. Siyempre, nangunguna ang pulisya sa pagsasabing kakasuhan nila ang mga nagpo-protesta sa walang kahihiyang pagnanakaw sa kaban ng bayan. Hindi nila nakikita ang kabalintunaan na ang nananawagan ng hustisya ang kanilang tinatakot, imbes na ang mga kawatan.

Ang mabilis na pagbabanta nina Pasig mayor Vico Sotto at Manila mayor Isko Domagoso laban sa mga aktibista ay disintunado rin. “Mob rule” ang tawag nila sa pambabato ng putik at pagpipuntura ng bakod samantalang “sinungaling at magnanakaw” lamang ang tangi nilang bansag sa mga pahirap sa bayan.

Hindi siyempre magpapatalo sa pagka-dispalinghado si senador Ronald dela Rosa (Kailan ba ito mahahapagan ng mandamiyento de aresto ng ICC?) ng “takutin” ang mga Discaya na baka raw saktan sila ng mga Komunista. Sinegundahan naman nitong si palace spokesperson Claire Castro ang kabobohan ni Bato sa pagnanais na palabasing ang mga Kaliwa ang nakikinabang sa kasalukuyang free-for-all ng mga dorobo sa gobyerno.

Hindi pa kasing-lawak ang mga protesta sa Pilipinas kumpara ng sa Bangladesh, Nepal at Indonesia. Kung ganyan, palilipasin lamang ng mga magnanakaw ang ating galit subalit walang mababago sa gobyerno. Walang ibang layunin ang galit-galitan ni pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang panayam at pagsibak sa mangilan-ngilang sacrificial lambs kundi ang ilibre ang kanyang sarili sa pananagutan.

Paano ba natin mapupwersa ang makabuluhang pagbabago sa lipunan? Asian summer? Bakit hindi?

Screenshot of HOR slides

Malasin natin ang bundok-bundok na salapi na ibinuyangyang sa Kamara kahapon. At habang aking tinitipa ito ay walang tigil ang ulan. Nagbabantay na naman ang marami nating kababayan sa pinangangambahang malawakang baha. # (Raymund B. Villanueva)