Kontra-SONA ng isang karaniwang mamamayan

Ni Nuel M. Bacarra

Dalawang beses rin akong nakatanggap ng bagsak na grado noong ako’y estudyante pa. Isa noong hayskul at isa noong nasa kolehiyo. Ang una ay dahil sa kapilyuhan ng kabataan, subalit ang ikalawa ay dahil sa kahirapan.

Aminado ako sa una dahil pumasok akong lasing at naabutan kami ng barkada na nakatihaya na sa damuhan dahil sa kalasingan. Suspendido kami ng barkada ng tatlong araw at nang ibigay ang report card para sa third grading period, lumalagapak na 65 ang grado sa asignaturang character education. Ipinakiusap lamang ng tiyahin ko na baka pwedeng gawing 70 na lamang naman ang grado at pumayag naman ang administrasyon. Pero pula pa rin ang kulay ng marka sa halip na karaniwang itim.

Noong kolehiyo naman, dahil walang pambili ng uniporme para sa Reserve Officer Training Course o ROTC, 70 rin ang grado ko sa MS 11. Isang bagay na nabatid ko lamang noong ilang taon na ako sa kolehiyo at nang kinuha ko ang transcript of records pagka-gradweyt. Nabuno ko rin ang ROTC dahil hiniram ko ang uniporme ng pinsan ko na nagtreyning bilang sundalo. Bagamat kaiba ito sa unipormeng pang-estudyante, ipinasa na rin ako.

Pangakong napako

Tanggap ko ang kapilyuhan ko pero hindi ko kailanman ikinahiya ang pagiging maralita. Maraming dapat mahiya pero ang kakapal ng mukha na ipinangalandakan ang kasinungalingan para makaamot ng simpatiya tulad ng mga pulitikong nagpapalapad ng papel para sa bentahe ng kapangyarihan.

Tulad ng tipikal na pulitikong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nangako ng langit at lupa—halimbawa ang P20 na kilo ng bigas—noong nangangampanya para maging presidente. Ngunit hindi niya tinupad at tulad ng isang tandisang burukarata kapitalista, inuna ang dikta ng dayuhan at iilang namumuhunang mayayaman sa kaniyang dalawang taon sa poder. Ang ekonomya sa kanyang gubyerno ay umiinog sa pagpapalaki ng kanilang sariling yaman samantalang ang pulitika nito ay nakahulma sa kung paano pananatilihing atrasado ang bayan. Anumang gawin nitong pagpapabango sa taumbayan, hindi ito naging o magiging epektibo dahil walang substansyal na pagbabago ang kabuhayan ng mamamayan. Ang masaklap, palala pa ito nang palala.

Ang pinakasimpleng isyu ng pangangailan ng murang bigas ang ginamit ng rehimeng Marcos na pambudol sa mamamayan ay usapin ng “kalam ng sikmura.” Ito ang iwinagayway na isyung ginamit sa kampanya noong eleksyong pampanguluhan at ito rin ang larawan ng mga pangakong hindi natugunan at di kayang tugunan ng rehimeng Marcos Jr. Ito ay dahil isang pakana lamang para masilo ang poder.

“Umento” sa sahod o barat na abuloy? (Larawan ni N. Bacarra/Kodao)

Sa isang sarkastikong pahayag ng isang lider obrero, baka meron naman diumanong ₱20 na kilo ng bigas, pero baka sa Ilocos lamang. Talo pa rin sa pamasahe sa layo nito sa Kamaynilaan. Samantala, ang umento sa sahod na ₱35 ay nilamon lamang ng magkakasunod na taas-presyo ng produktong petrolyo at ng mataas na implasyon ng mga pangunahing bilihin.

Hindi nakabig ng “abuloy” na ito ang mga manggagawa dahil bukod sa kakarampot ito, hindi lamang ang National Capital Region ang nangangailangan ng pagtaas ng sahod kundi ang buong uring manggagawa sa bansa. Ni hindi nga ito makabibili ng isang kilong bigas dahil mahigit pa sa ₱50 kada kilo ang totoong presyo nito sa pamilihan.

Malaking usapin ang bigas dahil ang gutom ng karaniwang konsyumer ay ramdam ng bawat pamilyang nagsisikap makaraos sa maghapong pagsisikhay, ng mga magsasakang nagngingitngit sa pambabarat sa kanilang pinaghirapan habang pasan ang responsibilidad ng pagpapakain sa mamamayan.

Salpukan sa Pulitika

Dalawang taon pa lang at sumambulat na ang kabulukan ng pulitika sa bansa. Hindi maaaring akomodasyon lamang ang batayan ng pagkakaisa. Mabuway na batayan ito at ginamit lamang para maibuslo ang boto ng mamamayan ng dalawang paksyon sa pulitika. Pero dahil pareho ang interes na makapaghari at makopo ang ganansya ng paghawak sa kapangyarihan, nalantad na ang pangingibabaw ng pansariling interes.

Ang hiwalayang Marcos at Duterte ay eksena sa pulitika na inaasahan na ng taumbayan. Hindi naman pinili ni Vice Pres. Sara Duterte na pamunuan ang Department of Education kundi ang Department of Defense. Kaya naman, patung-patong ang anomalya at pagkalantad ng kawalang-kakayahan nito bilang kalihim ng departamento.

Ang mga imperyalistang amo nila ay magkatunggali rin sa kapangyarihan. Maka-US si Marcos at maka-China si Duterte. Nais na US ang hegemonya sa buong daigdig. Nais nitong maging solong kapangyarihan na may malakas na kontrol sa mga tutang estado nito at ibinubulid nito ang Pilipinas sa isang gera kontra China.

“Umbagang Pilipinas” (Larawan mula sa Altermidya)

Sa ngayon, ang lantad na intensyon ng China sa Pilipinas ay ang pagkopo sa mga rekursong ng Pilipinas kaugnay sa yaman sa langis at gas sa West Philippine Sea (WPS). Ang agresibong opensiba nito sa mga Pilipinong mangingisda at tropang militar na nakatalaga sa WPS ay patunay na hamon din sa US. Kung paanong naggigirian ang dalawang bansang ito, ganito rin ang girian sa pulitika ng mga Marcos at Duterte.

Titindi pa ito sa hinaharap at kritikal ang kahihinatnan ng mid-term elections sa 2025. Maaaring umigting pa ang tensyon sa dalawang kampo. Ang isang tiyak, iigting ang pakikialam ng mga imperyalista dito, partikular ng US, sa mga internal na usapin ng bansa dahil sa makasariling interes nitong kaladkarin ang Pilipinas sa isang gera kontra China.

“Bagong Pilipinas”

Ang “Bagong Pilipinas” na nilikha sa pamamagitan Memorandum Circular No. 24 ay ang bago diumanong kampanya ng gubyerno ni Pangulong Marcos Jr. sa uri ng paggugubyerno at pamumuno sa bansa. Ngunit ang totoo, bungkos lamang ito ng mga palamuting pampapabango sa rehimen na walang iba kundi pambubuladas. Walang magaganap na transpormasyon ng bansa tungo sa pagiging maunlad at independyente kundi titindi lamang ang pagiging palaasa sa among impyerlista sa mga tulong kapalit ng pagsunod sa mga dikta nito.

Hindi na nga nagpapatupad ang rehimen ng tunay na reporma sa lupa, laganap pa ang bawian ng Certificate of Land Ownership Awards sa mga lupaing may mga argrarian reform beneficiaries. Ang laban ng mga magsasaka sa Tartaria sa Silang, Cavite at sa Hacienda Roxas sa Nasugbu, Batangas ay laging laman ng balita ng paglaban ng mga magsasaka dahil sa matinding agraryong sigalot. Nitong huli ay sa San Jose del Monte, Bulacan din ang laban ng uring magsasaka laban sa matatakaw na panginoong may lupa.

Ang mga magsasakang dinadahas ng rehimeng Marcos Jr. (Larawan ni N. Bacarra/Kodao)

Mawawalan ng hangin ang bolang anim na milyong proyektong pabahay para sa mga maralita sa komunidad o isang milyon kada taon ng kanyang panunungkulan. Dadami lamang tiyak ang mga kababayanan nating mangingibang-bansa dahil hindi makalilikha ang bansa ng mga trabahong makatutugon sa pangangailangan ng isang pamilya para mabuhay.

Ang krisis sa pangangailangang pangkalusugan ay iigting dahil batbat lamang ng paniningil ng kontribusyon ang gubyerno sa mga may trabaho pero papalala ang kalagayan ng kawalan ng matinong serbisyong medikal sa mamamayan.

Nagpapatuloy pa rin ang lansakang paglabag sa mga karapatang pantao. Sa panahon ng rehimeng Marcos Jr., matingkad ang mga paglabag sa intenasyunal na makataong mga batas dahil sa dalas at igting ng mga armadong labanan. Hindi lamang mga rebolusyonaryong armadong pwersa ang biktima kundi maging mga sibilyan. Matitindi ang pambobomba sa mga komunidad ng mga pambansang minorya.

Patuloy na nagtutuwang ang mga nakikibakang guro at estudyante sa usapin ng matinding krisis sa edukasyon na ibayong pinalala ng inutil na pamumuno sa kagawaran.

Kung mayroon mang katatangi-tangi sa performance ng pangulo ng Pilipinas, ito ay ang pagiging masugid na tagasunod sa dikta ng amo nitong imperyalismong US. Lantad ito sa usapin kung paano nito sinusunod ang naisin ng imperyalismong US kaugnay ng relasyon sa China, base militar, ehersisyong militar at pagpayag sa pagpapasok ng armamentong nukleyar sa bansa.

Wala itong pagsisikap na pag-usapan ang usapin ng WPS sa China sa isang pormal na negosasyon para maiwasan ang pagtindi ng tensyon dahil ang antemano, sinunggaban kaagad nito ang oportunidad na ibinigay ng US para maging katuwang sa pang-uupat ng gera sa China na isa ring higanteng kapanyarihan sa mundo sa usapin ng laki ng ekonomya at kakayahang makidigma. Ang kakayahang makidigma ay itinatakda ng lakas ng ekonomya na siyang wala sa Pilipinas. Maninikluhod lalo ang bansa para sa ayuda ng ibang bansa sakaling mapasabak ito sa gera.

Hindi gagawin ng walang kwentang pang-uupat ng gerang ito na lutasin ang kawalang lupa ng magsasaka o ang pagiging busabos ng kapital ng mga manggagawa o lutasin ang malalang krisis sa edukasyon, ang paglikha ng trabaho sa bansa para di na magpapaalipin ang mga kababayan natin sa mga dayuhang amo sa ibang bansa.

Pasugalan lang

Ang “Bagong Pilipinas” ay hindi programa para paunlarin ang bansa o magkamit ng radikal na pagbabago para maging isang lipunang malaya sa pakikialam ng dayuhan. Isa lamang itong nakahiligang rebranding ng lumang “Bagong Lipunan” ng amang diktador. Para sa mamamayang Pilipino, boladas lamang ito!

Isang lagapak na grado ang performans ng pangulo para sa dalawang taon niya sa panungukulan mula sa mga organisadong sektor ng lipunan at sa mamamayan. At tulad ng nangyari sa State of the Nation Address niya sa Konggreso, nakakuha ang pangulo ng isang masigabong palakpakan at standing ovation dahil iniutos niyang banned na ang Philippine Offshore Gaming Operators o POGO at hanggang Disyembre na lamang umano ito.

Ang abot-langit na galak sa pagkakatanggal ng sugalan lamang ay isang pulitikal na kababawan at ito ang hubot-hubad na esensiya ng Binolang Pilipinas. #