107 pamilya sa Sampaloc, Manila, walang matuluyang bahay
Ni Sanafe Marcelo
Sinasabi ng gobyerno na manatili lamang sa bahay ang taumbayan dahil sa banta ng COVID-19 sa bansa. Ngunit ang tanong ng 107 pamilya sa Barangay 432 Zone 44 District 4 Sampaloc, Manila, paano sila papasok ng bahay kung wala naman silang bahay?
Ayon kay Benjie Subillano, isang street vendor, binuwag o dinemolis ang bahay noong Pebrero 19 kaya nagtitiis na lamang sila na sa kalsada natutulog.
Dagdag ni Subillano na hindi sila natatakot sa COVID-19 dahil ang mas ikinatatakot nila ay ang kawalan ng pagkain. Wala na nga raw silang bahay ay wala pa silang hanapbuhay dahil sa lockdown. Nangangamba siya na higit na maaapektuhan ang kanilang mga anak at tiyak ang kagutuman ang haharapin ng kanyang pamilya.
Panawagan ni Subillano sa pamahalaan na sana ay matulungan sila na bigyan ng maayos na relokasyon. Aniya , “Hindi naman kami hayop, tao din kami na nahihirapan din.” #