‘Tu Pug Imatuy?’
ni Rene Boy Abiva
Kung sukdulan na ang pagka-alipin
mainam pa’y tupdin
ng kaluluwa, bisig at kamao
ang pinakamatayog na tungkuin
ng bawat tao
sa mundo.
‘Sing linaw ng tubig sa bukal
ang utos ng Maykapal
sa Lumang Tipan
na ang tanging kabayaran
sa lahat ng lumalapastangan
sa tao, hayop at kalikasan,
sa buong santinakpan
ay ‘alang iba kundi kamatayan.
‘Sing talas ng palaso ni Achilles
ang katwiran ng mga Dakilang Pantas
sa ating kasaysayan.
Naririyan si Rousseau ng Pransya
si Locke ng Britanya
si Lincoln ng Amerika
at si Marx ng Alemanya
o ng sarili nating si Rizal ng Calamba
Bonifacio ng Tondo
Datu Paking ng Lake Sebu
at Parago ng Paquibato .
Na kung ganap naman nang tinalikdan
ng mga nahalal at naatasang mamuno
sa yaman at lakas ng buong bayan
ay nangagsipagtaksil sa taumbayan,
marapat ang mag-aklas!
at sila’y patalsikin,
usigin,
hulihin at litisin silang mga taksil
at iharap sila sa tunay na hukom
at ipatikim at iparanas sa kanilang kaluluwa
ang kabayaran ng kanilang kataksilan:
‘sang mapait na kamatayan
sa ngipin ng panabas at guillotine.
‘Sing tatag ‘to ng paninindigan ni Ka Simon
umaalimbukay at nagniningas na gaya sa ‘sang pugon.
Agosto 14, 2018
Lunsod ng Queson, Maynila
*ang salitang Tu Pug Imatuy ay mula sa wika ng mga Lumad ng Mindanao na ang ibig sabihin ay The Right To Kill.