Ni George Tumaob Calaor
Pandemyang tinagurian
banta sa kalusugan
at upang ito ay malabanan
palakasin at resistensya’t pangangatawan.
Ngunit ano itong ginawa ng gobyerno?!
sa kaka-lockdown, kabuhayan nami’y gumuho
nawalan ng trabaho ay libo-libo
at mga empresa’y nagsasarado
sa aming mga bahay, kami ay binilanggo
komunidad pinarondahan, nakangising bayarang berdugo
sa gutom at kadalitaan, kami ay iginupo!
“Wala na tayong pondo…” mangiyak-ngiyak na sinabi mo
‘di ba’t sabi mo… “Ako ang bahala…” at kami ay umasa sa iyo
‘ba’t ngayon kriminal, sa amin ang iyong trato
kung sa tuwing lockdown ay otrokratiko’t militarista mong isugo
kami sa takot ay tatakas at tatakbo
at sa gutom kami ay iyong igugupo
na mas nakakamatay pa sa COVID-19/SARSCOV2!
Uulitin ko…
“Wala na tayong pondo…” mangiyak-ngiyak na sinabi mo
at kami naman naawa sa iyo
nguni’t ‘yon pala ay luha ng panloloko
at bilyon-bilyon ang kinokorap ninyong pondo!
Habang heto kami’t gutom at dalitang buong dahas mong iginupo
O ‘di kaya ay kriminal mong ipinapatugis sa bayaran mong berdugo!
‘Di ba’t mas nakakagimbal pa sa pandemyang COVID-19/SARSCOV2?!