Posts

Sa Mga Batang Tausug

Ni Kislap Alitaptap

 

Kanina
Wala nang oras ang programa
Ihabol ang mabuting balita
Pantanggal umay sa balitang
Baha, lunod, guho
Ulan, hambalos, bugso
Dumagundong ang tambol
Ng pananagumpay ng
Kaayusan laban sa karahasan

 

Kanina
Nabanggit kayo sa balita
At sa pagmamadali
Ng nagbabalita
Nakalimutan niyang
Kayo’y ipakilala
Na kayo ay mga bata
At hindi mga sandata
Ang lansones at mangostena
Na inyong dala-dala.

 

16 Setyembre 2018
Lungsod ng Baguio

Lanzones at Mangosteen (o sa pitong kabataang Tausug)

Ni Pia Montalban

 

Nanlalagkit ang dagta,

kahit anong tamis

ng kabataang hinog

at di huhulas

ang lilang lamog

mula sa mga nilagusan

ng pulbura’t tingga.

Pitong bungang pinitas,

dagta’y pula ang tagas…

Pitong kabataang mag-uuma

yakap-yakap mga kahon ng bunga,

ngayo’y ikakahon silang terorista—

A-bu sa-yaff!

 

Ngunit gumugulong sa kalsada

ang nabitawang mga bunga

at magsasalaysay lamang ito

ng tapat na mga tala.