Asukal
ni George Tumaob Calaor
hindi ka na lalanggamin
sa pait ng presyo, hindi na aamagin
tamis mo’y halagang hindi na kayang abutin
tamis ka ng buhay, na ikakait sa amin.
Gaya ng asin, dayo ka nang idadaung sa amin
habang tubuhan, ay magiging tambakan na lang
ng tabas at espading naming kakalawangin
at ang kampo mong pinagsibulan
ay maging lawak na mga baston
ng mga kalansay ng mithing saganang buhay
na dekada na naming ipinapanalangin!
May bagong lipunang antigong niluma
ng masaganang tamis ng panglilihis
kung ano ang ugat ng pagkadalita
magkaakbay ang dayo
at panginoong-may-lupa
kay pait ng hagod ng bawat saknong
sa talumpati ng mapagkanulong panauhin…
kakawala na ang pagtitimpi
sa dibdib ng mga sakada…
tapos na ang panalangin!