Matatakot Pa Ba Kami?
Ni AP
Dinukot n’yo na ang mata ng mag-asawang Albarillo.
Binasag ang bungo ni Eden.
Tinadtad ng bala ang katawan ni Tata Pido.
Binaril sa likod si Gerry at Fort.
Ikinarsel ang siyam na magsasaka ng Silang.
Pakyawang kinasuhan ang pitumpu’t dalawang aktibista.
Ilan sa mga panganay at bunso nila ang pikit-matang
tinanggap ang pangyayari, lumuha sa tabi?
Ilan sa mga kaanak nila ang tumigil mag-isip
at pumili ng tama?
Ilan sa kababayan nila ang nakaramdam ng pagkadurog?
Ilan sa kapwa aktibista nila
ang tumanggi sa alok ng kabundukan?
Ilan sa amin ang natakot?
Ngayon ay pinahirapan n’yo pa palang maigi
ang mag-asawang Evangelista. Binasag ang bungo,
niyupi ang mukha
at dinurog ang puso at baga.
Kinaladkad ang duguang katawan ni Manny.
At sinabing sila ay nanlaban.
Ilan pa ang nakahandang mandamyentong-walang-ngalan?
Tandaan ninyo,
Mahirap pahirapan ang matagal nang naghihirap.
Wala kayong maibibilanggong
hindi maghuhulagpos.
Hindi ninyo kayang paluhurin at durugin
ang isang bayang nagbabangon
at nagbubuo ng bagong lipunan.
Bingi na kami sa sabog ng kanyon
at ulan ng bala sa aming mga bubong.
Hindi na namin dinig ang kalabugan
ng nag-uunahang daga sa dibdib.
Pag-ibig sa katarungan
ang itinitibok ng aming puso.
Tandaan ninyo,
Tatanda rin ang sampung taong gulang
na anak ng mga Evangelista.
Lagi niyang maaalala, mula sa dilim ng ilalim ng kama
magaganap ang paghihiganti para sa katarungan
na maghahatid sa aming lahat sa liwanag.
Kung gayon, matatakot pa ba kami?
***
Marso 10, 2021
Mensahe ng may akda: Ayaw ko sanang sumulat nang ganito kadilim na tula, kung kailan kaarawan ko pa man din. Pero malinaw ang dapat piliin ng isangmakata sa ganitong panahon? Maari naman sigurong alalahanin ko na lamang ng tahimik ang pagsilang ko, sa gitna ng kamatayan ng marami.