Posts

Utos ng Hari

ni R.B. Abiva

Halos sa pagtitinda ng tinapa binuhay ni Aling Ason ang kanyang mga anak. Sa kanyang pagkakatanda’y kulang apat na dekada na niya itong hanapbuhay. At dahil nga sa katatagan niyang hinarap ang lumuluray-puno ng pagpapasakit  na ganti ng hirap at dusa, napagtapos niya lahat ang kanyang mga anak sa hasykul. Subalit hindi na sila kailanman nakatuntong sa kolehiyo sa kadahilanang inatake sa puso ang kapilas ng kanyang buhay, at sa kasamaang palad ay namatay ito na hindi man lamang nabigyan ng marangal na libing. Lahat ng kanilang impok ay nagamit sa pagpapagamot. Ang masama pa’y nagkandautang-utang sila nang may mataas na interes.

Mula nga noo’y nagkawatak-watak na ang pamilya ni Aling Ason. Namasukan bilang bodegero ng bigas at mais ang tatlo niyang mga anak na lalaki sa Siyudad ng San Jose, Nueva Ecija habang ang dalawa niyang anak na babae ay naging mga muchacha sa San Miguel, Bulakan na paglao’y napilitang mamasukan din bilang mga GRO sa isang kabaret na tambayan ng mga pahinante ng trak na nagluluwas ng kung anu-anong kalakal paloob-palabas ng Maynila. Puro panganay ang mga naging anak at nang malaman ito ng kanilang Ina, wala itong ibang naitugon kundi mabigat-makapal na hagulgol at pagkuyom sa dibdib na puno-mayaman sa pasakit. At mula nga noo’y sinisi na ni Aling Ason ang Diyos at ang kapalaran.

Hulyo 29 ng taong kasalukuyan, isang umagang tirik na tirik ang araw na sinasasabayan pa ng alingasaw ng sanga-sangang imburnal at alingasngas ng mga mamimili, ay umalingawngaw ang megaphone na hawak-hawak ng empleyado ng munisipyo. May kasama itong abugado, mga pulis, traffic aid, at eskirol. Inanunsiyo nitong lahat ng mga may puwesto sa gilid ng Pamilihang Bayan ng Tarlak ay papalayasin na at nakatakdang gibain ang kanilang mga puwesto kinabukasan. Ito raw ang utos ng Hari na nakatala sa Memorandum Circular 2019-121. Marami ang naalarma sa pabatid publiko. Marami ang nabahala kung saan na sila lulugar. Marami ang nag-isip kung paano na ang kanilang pamilya na sa mumong ganansiya lamang sa pagtitinda umaasa. Maraming katawan ang ngayo’y aligaga at hindi mapagsalubong ang katwiran ng utak at kalam ng tiyan!

Bago magtapos nga ang nasabing buwa’y naganap ang inaasahan. Maagang dumating sa Pamilihang Bayan ang empleyado ng munisipyo, ang abugado at ang bando ng mga armadong pulis na may kasamang kalalakihan na nasasandatahan ng maso, bareta, martilyo, at kabra. Totoo ngang babaklasin na nila ang mga istruktura na ayon sa kanilang Hari’y iligal ang pagkakatayo. Nang mga panahong yao’y nasa palengke na nga si Aling Ason kasama ng kanyang mga panindang tinapa.

Sa malas nga nama’y siya pa ang unang sinita. Sinigawan siyang umalis na sa kanyang kinapupuwestuhan kung ayaw niyang masamsam ang kaniyang mga paninda. Sa gulat ay hindi nakagalaw ang matanda at wala itong ibang naiganti kundi isang mukha na puno ng bagabag at pagmamaka-awa  at tigalgal. Subalit bakal ang puso ng kanyang kaharap, linapitan lamang siya nito at hinablot nang malakas-pilit ang hawak nitong basket, na yari sa uway na puno ng tinapa. At dahil hamak na mas malakas ito sa matanda, bumagsak si Aling Ason kasama ng kanyang mga tinapa.

Dahil mahina-hina na ang tuhod ay unang lumagapak ang mukha sa marumi-basang sahig ng palengke, at nang i-angat ng matanda ang kanyang sarili’y tumambad sa madla ang duguan nitong ilong at bunganga. Nanginginig ang mga laylay na kalamnan nito habang lumuluha ang malabo na niyang mata. Usal niya sa may kapangyariha’y “ Parang awa niyo na, huwag niyong kunin itong aking paninda,” subalit ang tugon ng kaharap ay “ Katanda-tanda mo na’y hindi ka marunong sumunod sa batas! Mangmang! Hindi niyo na ba kami kinatatakutan?!” Akmang lalapit ang matanda subalit isang sampal-tulak ang kanyang natikman.

At ang mga sumunod na pangyayari’y naging laman nga ng balita. Nang umaga ngang yao’y nangagsisayaw ang mga anino, nag-iskrimahan ang mga braso-kamaong may hawak na kutsilyo-itak-tubo-kahoy, at umalimbukay sa mga kanal na tinangay naman ng hangin ang sanghaya ng dumanak na dugo ng mga anak ng araw. 

At bago nga lumubog ang araw at ganap na isilang ang takipsilim sa langit na siyang saksi, pinulot ang mga tadtad-warak-tumimbuwang na katawan ng mga mahihirap ng kani-kanilang mga kaanak. Ang isang katawang nakasubsob-basag ang bungo-butas ang leeg sa gilid ng latang basuraha’y ang naka-barong, naka-slaks, at naka-sapatos nang makintab na abugado. Walang pumapansin sa kanya maliban sa pulutong ng bangaw at langaw na sa kaniya’y nagpipiging. #

Oktubre 19, 2019, Lungsod Quezon, Maynila

DUGUANG LANGIT

ni R.B.Abiva

 

Pagkatapos mananghalia’y

ipinakita ni Sumatra

kay Ayu Putri Wijianti

ang mukha ng hinaharap–

pagkatapos hubaran ng makapal

na usok na sinlaki

ng mga bundok

mula sa nasusunog na

kagubatan– ang mapanlinlang

na bughaw na kalangitan:

nakapangingilabot pala

ang nalalapit na

paniningil ng

mata ng Diyos

na si Kratos!

At maging ang diyus-diyosang

si Widodo

            ay tiyak mapupulbos!

Setyembre 24, 2019

Lungsod Quezon

Kratos- Anak ni Zeus; Diyos ng Digma.

LIWANAG AT DILIM

ni R.B. Abiva

“Iya’y dalamhati ng inulilang Ama/ at lungkot sa tumatangis na Ina/ iyan ay glorya at biyaya/ kabanalan at pagpapala;/ isang sumpa sa mga nanlaban;/ isang pagbabanta sa mga lumalaban!”-Arlan Camba, Sabado De Gloria, 2018

Kakaibang tanawin

ang inyong mapagmamasdan

sa nangingitim-nagdurugong papawirin

sa sandaling magsalubong

ang mga pagod na atomo;

kanilang aagawing-pilit  

ang espasyo sa natitirang siklo

ng oras sa umiikot-nagrerebeldeng mundo;

pagmasdang mabuti

ang pinag-aagawan nilang langit,

ang nakatakdang pagbulid at pagsalapisap

ng kanilang mga daliri, bisig, at kamao,

ang pagbigkas ng matalim-matulis-nagbabaga nilang dila

ng mga magagaspang-matatalas na talinghaga’t berso

na walang sini-sino’t rinarahuyong poder at persona,

na waring si Bukowski kung tumula

na sintalim ng Stilleto

na doble ang talim at kamandag,

o ni Tiyong Gelacio

na kung maghandog ng prosa

sa dulang nilang mga kawawa

ay sintamis ng tubo ng Azucarera

at sintalim ng palang;

ito (ba) ang ma(na)babanaag mo?

Ang mabagsik-madugo

na pagtabing ng telon

sa mundo nating mga homo?

Setyembre 16, 2019

Lungsod Quezon, Maynila

Stilleto- punyal ng mga sundalong Amerikano noong WWII.

Palang- tawag sa itak na pinampuputol ng tubo.

ALIPATO (Kay Ka Gelas)

By Rene Boy Abiva

“And wild bears never daunt the brave/ Plum blossoms welcome the whirling snow/ Small wonder flies freeze and perish.”— Mao Tse Tung, Winter Clouds

Larawan mula sa pamilya ni Gelas Guillermo

Dinuyan, inakay, at tinangay ka ng hangin

matapos ang pag-aaklas na gaya sa isang kaingin,

at nakiisa’t inihatid ka ng mga nagluluksang alitaptap

na sindami ng buhangin

sa ibaba ng kulay abong alapaap,

at bago ka bumagsak sa lupang kayumanggi

at ika’y tuluyang lamunin sa huling sandali

ay napagtagumpayan mong iginuhit sa dilim

ang sunod subalit huli’t kaabang-abang na pangitain.

Gamit ang natitira mong anag-ag

winika mo’y mahuhubaran, magagasgas, mabibitak,

babagsak, at sasabog ang agimat

gayundin ang imperyo’t templo ng iilang yayamanin.

Winika mo pa’y aalagwa, aaklas, at makikipagpatayan

sa mapangahas na alindog ng dugong sing-itim

ng sunog na asukal at sing-alat ng asin,

na sinlapot ng lusaw na bato’t tingga,

na sing-init ng pugon

na pinapaypayan ng matatalim at maninipis na elesi,

na mainit, mabigat, at masakit sa baga

ang hininga’t samyo ng bunganga

ng dambuhalang pigsa

sa loob at labas ng Maynila-

ang mga daantaong bihag ng mala-tisa sa puti,

at mala-marmol at pormika sa kinis at dulas na salamin-

na bininyagan, inensensuhan, pinabanguha’t hinilamusan

ng ‘di-mabilang na kwarta, kamanyang, mira, at ‘Ama Namin’.

Pipitik-pitik ang iyong liwanag

nang dahan-dahan, marahang-marahan

hanggang sa ang tibok ng iyong puso’y ‘di na napakingan

pito,

anim,

lima,

tatlo,

isa,

wala,

wala

hanggang sa tuluyan kang ‘di na naaninag

maliban sa naaalala ka tuwing sinasabog

ng bukang-liwayway ang kanyang liwanag

o kapag nagsisisayaw sa alon ang telon

ng Dakilang

Aurora Borealis. 

-Enero 18, 2019

Lungsod Quezon, Maynila

Agaw Agimat

ni Rene Boy Abiva

 

Kayong lagpas dekada nang binubusabos

piniga’t pinatiwatiwarik hanggang sa dumausdos

at malagutan ng buhay

at damputi’t itapon sa libingang tila bangin

ang bangis at lalim.

Lagpas dekada na rin pala

nang mapangahas n’yong tahakin

ang ipinagkait sa inyong mga tanawin,

ang lahat ng imaheng abot ng inyong paningin

kabilang ang dalumoy na lumalambitin

sa ngala-ngala ng papawirin.

 

Ah, lagpas dekada na rin pala

nang ang dating kinatatakutan n’yong mga pangitain

ay inyong naitaboy

nang sama-sama n’yo itong dinaluhong

sa gitna ng mga nagbabagang gabi.

 

At kayong lagpas dekadang dinusta

ng uring tuta ng Amerika,

bigkisin n’yo ang inyong paglilirip

at tibayan ang hanay

nang sa daluya’y inyong masilip

ang kasaysayang naghihintay

at kailangang masagip:

mapalaya ang lupa

at mundo sa kapital at makina.

 

October 5, 2015
Ifugao District Jail
Kiangan, Ifugao

Banwar / Bayani

Ni Rene Boy Abiva

 

Banwar

 

Maysa malem nga naglabas

permi dung-aw ni Rosas

mabalin siguro nga nalagip na

dagiti annak na nga immadayo

dagiti annak na nga nagsakripisyo

dagiti annak na nga nangidaton iti biag

dagiti annak na nga iti maysa nga puyot ti paltog

ket naburas kasla nasam-it nga ubas ken mansanas.

 

                                                                      Setyembre 9, 2018

                                                                     Syudad ti Kabanatuan, Nueva Ecija

 

Bayani

 

Isang hapon

panay ang tangis ni Rosas

maaari siguro na kanyang naaalala

ang kanyang mga anak na nalayo sa kanya

ang kanyang mga anak na nagsakripisyo

ang kanyang mga anak na nag-alay ng buhay

ang kanyang mga anak na sa ‘sang ihip ng baril

ay naani na gaya sa matamis na ubas at mansanas.

 

 

                                                                            Setyembre 9, 2018

                                                                           Lunsod ng Kabanatuan, Nueva Ecija