Posts

FIRST PERSON: Kung magka-COVID at sa pampublikong ospital nagpapagamot

Ni Mona Nieva

Ang may akda ay naging pasyente ng COVID sa isang pampublikong ospital sa bandang hilaga ng Kalakhang Maynila. Mahigit isang linggo rin siyang nanatili roon hanggang payagang makauwi para ituloy ang pagpapagaling.

Kung magka COVID ka at malala at sa public hospital magpapagamot, ito ang payo ko sa iyo base sa aking karanasan noong Abril:

1. Masks – magdala at everyday magpalit ka. Sa ward, iba-iba ang makakasama mo, iba iba rin ang level ng COVID. Bukod sa iyo at sa ibang pasyente, para rin ito sa kapakanan ng mga health worker na gagamot sa iyo.

2. Loperamide – kasi baka magka-diarrhea ka at hindi ka na mabalikan ng nurse, lalo kapag full capacity ang ospital. May oras lang ang pagbisita nila at sa dami ng pasyente may chance na makalimutan nila. Hind iyon sadya.

3. Vitamin C – para maka-double dose kahit nasa ospital. Tulungan mo rin sarili ang mo.

4. Biscuit/crackers – pero individually-wrapped. Huwag iyong maramihan, kasi isang bukas lang ay contaminated na lahat iyon. Sana iyong may palaman na rin. In case late ang rasyon ng pagkain. Pwede mo pa i-share sa ibang pasyente.

5. Table napkin o kitchen towel – huwag tissue kasi napakanipis nito. Madali masira ang tisyu. Pero kung kitchen towel or table napkin, sapo ang lahat ng ubo, dahak at more ubo. Maayos pang maitatapon. Mahihikayat din ang iba na hindi na dumahak at dumura sa basurahan kasi kawawa iyong maglilimas nito.

6. Disposable na pangkain – May pagkain sa ospital at maayos at masarap naman ito. May plastic na kubyertos na kasama. Pero kung may nagpadala ng pagkain, mainam ito para hindi masira ang pagkain. Itapon sa basurahan pagkatapos, lahat ng ginamit. Kahit generous ka, no sharing, para sa kapakanan ng lahat.

Rasyon na pagkain sa pampublikong ospital. (Larawang kuha ni M. Nieva)

7. Extra bottled water – may bottled water sa ospital pero minsan mauubos mo kaagad or late darating ang rasyon.

8. Toiletries – sabon para sa iyong hand washing at kung ano-ano pa. Posible naman ang maligo pero mabilisan kasi nakakahiya sa ibang pasyente.

9. Alcohol spray at alcohol pang refill – bring your own alcohol. Importante ito lalo’t marami kayo sa kwarto, iisa lang ng banyo at mixed ang ward. Maaari din itong hiramin ng mga med tech kapag i-xray ka.

10. Charger – because

11. Electric fan – kasi mainit. Kung may extra fan doon, huwag mahiyang manghiram. If magdadala ka, iyong maganda na. Iwan mo na rin doon para sa mga susunod na pasyente.

12. Kumot – walang kumot o unan sa public hospital.

13. Damit – yung presko at madaling isuot, kasi mainit sa ospital. Ang pamalit ay dapat pang-dalawang linggo, lalo ang underwear. Hindi kasi makakapaglaba dahil sa swero o IV. Wala ring pagsasampayan.

Do’s and don’ts

Magpahinga at magpalakas. Mahirap matulog sa ospital pero possible. Gawin iyong lung exercises para lumakas agad ang baga.

Huwag magpanic. Sa loob ng iyong ward, maaari kang makakita ng mga pasyenteng mai-intubate o mamamatay, lalo kung walang separator na tela ang mga hospital bed o mixed ang kaso sa ward. Meron ding tatalon sa bintana.  Anuman ang dahilan nila, kalmahin mo ang sarili mo at isipin mong gagaling ka.

Selfie ng may-aksa sa loob ng ospital.

Makipag kapwa-tao. Makipagkumustahan. Hindi ka man sanay, makakabuti ito sa mental health mo at ng kapwa pasyente.

Unawain ang mga health worker. Kulang kulang pa rin mga PPE nila. Iyong iba, sisinghap-singhap na habang kinukuhaan ka ng BP. Yung iba naman, basang basa na ng pawis to a point na tutulo na parang bukas na gripo yung pawis nila kapag tumungo lang sila. Pero tuloy lang ang pag asikaso sa may sakit.

Huwag mong tiisin ang hindi dapat. Sakaling may mamatay sa iyong ward, paalalahanan ang mga health worker na takpan kung hindi agad makukuha ang labi ng isang pasyente. Kung lumipas na ang isang oras at wala pa rin takip o hindi pa rin kinukuha, ipaalala muli. Huwag mong sundin iyong kasabihan na “Pagtiisan mo na lang dahil naka public hospital ka.” Deserved ng buhay ang respeto, ganoon din ang mga patay.

Magpasalamat ka. Hind mo man nakikita yung doktor mo, ipaabot mo ang iyong pasasalamat. Pasalamatan mo rin ang lahat ng health worker na makakasalubong mo sa iyong paglabas.

Cheers to life! #