Ang salot ng neoliberalismo sa mamamayan
Ni Nuel M. Bacarra
Hindi iilan ang nagtatanong kumbakit muhing-muhi ang mga aktibista sa imperyalismo, kumbakit ang pagpapabagsak nito ang siya pa ring isinisigaw nila sa kalsada ilang dekada na ang lumilipas. Ano nga bang uring salot ito? Paano ito pumipinsala sa atin? Ano ang manipestasyon nito sa lipunan?
Ipakilala natin ang imperyalismo sa pamamagitan ng isa nitong galamay na sumasakmal sa atin: ang patakaran nitong pang-ekononomiya na binabansagang neoliberalismo.
Kontra sa ipinangangalandakan ng mga ekonomista ng National Economic Development Agency at mga kahalintulad nilang mag-isip sa mga paaralang tulad ng University of the Philippines School of Economics, hindi biyaya ang neoliberalismo. Kung sakali mang lumilikha ito ng kayamanan, ito’y salapi sa pitaka ng dati nang mayayaman. Sa kabilang banda, mabibigat na bato itong maituturing sa bulsa ng karaniwang mamamayan.
Sa neoliberalismong mga patakaran ng pamahalaan mauugat kung bakit hindi marendahan ang pagtaas ng presyo ng mga batayang produkto sa bansa, mula sa bigas, at ibang agrikultural na produkto, presyo ng mga produktong petrolyo at ng kaakibat nitong pagtaas ng pamasahe sa pampublikong transportasyon, pagkapako ng sahod ng mga manggagawa at empleyado, kawalan ng tunay na reporma sa lupa, kakulangan ng mga batayang serbisyong pangkalusugan, mababang kalidad ng edukasyon at marami pang iba.
Ang neoliberalismo ay imperyalistang imposisyon ng mga patakarang nagkokonsentra ng mga salik ng ekonomya sa kontrol ng pribadong sektor—mga kapitalista at korporasyon. Ang pangunahing tutok nito ay ang kung paano makapipiga ng tubo at kontrol sa aktibidad na pang-ekonomya sa pamamagitan ng deregulasyon, ng pagbubukas ng lokal na ekonomya sa dayuhang kumpetisyon, ng paglilimita ng papel ng estado sa papamagitan ng pagsasapribado ng mga ari-arian ng estado at liberalisasyon ng mga patakarang pang-ekonomya at pagpapalakas ng impluwensya at pagsangkot ng mga korporasyon sa pamamahala ng gubyerno.
Pangunahing itong itinulak bilang adyenda ng mga internasyunal na ahensya na kontrolado ng US, ang International Monetary Fund, World Bank at ng Bureau of Treasury ng US. Ito diumano ang tugon para maibsan ang matinding krisis ng sistemang kapitalismo na nasa pinakamataas at huling yugto nito—ang imperyalismo.
Hindi na nakakapagtaka kung bakit sa higit apat na dekadang pagpapatupad nito, ang pinagsama-samang yaman ng isang porsyento (1%) ng pinakamayayamang tao sa buong mundo ay mas malaki pa sa pinagsama-samang yaman ng 99% ng mamamayan sa buong daigdig.
Kontra-mamamayan
Palasak na ginamit ng mga nagsi-upong rehimen sa Pilipinas na ang liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon ay magpapababa ng mga presyo ng bilihin o serbisyo na apektado ng pagpapataw ng mga kontra-mamamayang patakarang ito.
Nang ipataw ang pribatisasyon at deregulasyon sa industriya ng langis, napasakamay ng Saudi-ARAMCO at ng pribadong sektor ang Petron at ang malaking bahagi ng distribusyon ng produktong petrolyo sa bansa na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng produkto hanggang ngayon.
Lumaki ang bayarin sa transportasyon ng masang Pilipino na nakaasa sa petrolyo sa halos lahat ng porma ng transportasyon at sa kaakibat nitong taas-presyo sa mga bilihin. Apektado rin ang maliliit na negosyo. Gayundin ang nangyari nang isapribado ang kontrol ng gubyerno sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS). Ito ang narehistrong kauna-unahang pinakamalaking pribatisasyon sa serbisyo ng tubig sa Asya.
Ganito rin ang karanasan sa National Power Corporation, Philippine Long Distance Telephone Co., PhilPost, Philippine Airlines. Nang maging pribado, hindi naman nagkaroon ng malaking pagbabago sa usapin ng serbisyo, mas lumaki lamang ang bayarin ng taumbayan at mas lumaki ang oportunidad ng pribadong sektor na magkamal ng tubo.
Sa unang hati ng 1988, may kabuuang 113 pag-aari ng bansa ang inaprubahan ng rehimeng Corazon Aquino para isapribado. Bahagi ito ng 296 na government-owned and controlled corporations. Ang iba ay binuwag at pinagsanib.
Tuluy-tuloy itong ipinatutupad hanggang umabot na nga tayo sa kasalukuyang rehimeng Marcos Jr. Napipinto rin ang pagsasapribado ng Manila International Airport. Ang mga impraisturktura tulad ng mga proyektong super-highway ay hawak ng pinakamamalaking bilyunaryo sa bansa. Pataas nang pataas ang toll fee subalit patuloy na dusa ang trapiko. Buladas ang ipinangangalandakang episyenteng serbisyo na diumanong isa sa layon ng neoliberalismo.
Isinabatas ang pagpapatupad ng value added tax (VAT) sa mga serbisyo at produkto noong 1988 na dagdag pahirap sa mamamayan. Hindi pa nakontento dito, sa panahon naman ng rehimeng Ramos, mas pinalawak pa ito sa pamamagitan ng expanded VAT noong 1994.
Ang kontraktwalisasyon sa paggawa ay nagdulot ng pana-panahong tanggalan sa trabaho na nagpalobo sa paglaki ng tantos ng kawalang-hanapbuhay. Ang mga export processing zone ay ikonsentra sa mga rehiyon labas sa National Capital Region na mas mababa ang sahod at may mataas na antas ng pagkitil sa mga karapatan ng uring manggagawa partikular sa pag-uunyon.
Sa agrikultura, pinakamalinaw ngayon na sa kabila ng lawak ng lupaing agrikultural na natatamnan ng palay, numero uno nang taga-angkat ng bigas ang Pilipinas sa buong mundo. Ang mga produktong lokal na likha ng mga magsasaka at mangingisda at murang binibili ng mga konsyumer ay inilulugmok ng kumpetisyon ng pagbaha ng mga inaangkat na produkto sa merkado dahil sa liberalisasyon.
Krisis at Gera
Tinunton ng bungkos na mga pataw na patakaran ng neoliberalismo ang landas ng transnasyunalisasyon ng kapital sa mga korporasyong multinasyunal at transnasyunal ng pinakamalalaking kapitalistang bansa. Ito diumano ang lulutas sa kawalang-kakayahan ng gubyerno, paglaki ng utang ng bansa, kawalang-hanapbuhay, papalaking disbalanse sa kalakalan at ng ibayong paglaki ng agwat ng yaman ng naghaharing uri at ng ordinaryong mamamayan.
Pinabulaanan ito karanasan ng mamamayang Pilipino nitong nakaraang pandemnya kung saan tumabo nang malaki ang mga bilyunaryo sa Pilipinas at tiwaling matataas na upisyal ng gubyerno at lumaki ang utang na bansa. Mas bumilis naman ang tantos ng pangungutang ng rehimeng Marcos Jr. sa unang taon nito sa poder kumpara sa rehimeng Duterte na pasimuno rin sa pangungutang.
Batbat ng di malutas-lutas na krisis ang sistemang kapitalismo at nais samantalahin ng mga imperyalistang bansa na sagarin ang pagsasamantala sa mga kliyenteng estado nito. Dahil sa ganitong katangian, lumulundo ito sa awtoritayanismo at sa kaakibat nitong pasismo dahil nag-aalsa ang mamamayan sa dinaranas na krisis.
Ang matinding depresyon noong 1929 – 1939 na dinanas ng mga bansa sa daigdig ay bunga ng malalang krisis ng sistemang kapitalismo. Nag-umpisa ito sa pagbagsak ng mga sapi at bono sa New York at mabilis na kumalat sa iba pang bansa. Natural na tunguhin ito dahil ang mga pamilihan ng sapi at bonoay batay sa ispekulasyon.
Kahit ano ang ikatwiran, siklo ang krisis na sa bawat ikot ay may antas ng paglala sa mga kapitalistang bansa habang permanenteng lunód sa krisis ang mga malakolonyal at malapyudal na bansa tulad ng Pilipinas.
Katangian ng imperyalismo ang pagkakaroon ng gera dahil ito ang pamamaraan upang makasakop ng mga bagong teritoryo na siyang pagtatambakan ng labis na produkto at kapital para sa pagkakamal ng higit na tubo. Isang napakalaking industriya ang mga armas at kagamitang pandigma at ang pagkakaroon ng gera ang pinakaproduktibong paraan ng mga promotor nito.
Pumutok ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig nang lusubin ng Germany ang Poland. Kinasangkutan ito na mahigit sa 50 bansa at kumitil ng buhay ng tinatayang 60 – 80 milyong katao kung saan halos 55 milyon ay mga sibilyan. Nagkaroon ng redibisyon sa daigdig at hanayan ng mga bansa.
Aral ng kasaysayan
Ang Unang Digmaang Padaigdig ay naganap noong Hulyo 1914 – Nobyembre 1918. Saklaw ng panahong ito ang pagtatagumpay ng proletaryong rebolusyon sa Rusya. Ang demokratikong rebolusyong ito ang nagdala sa sulo ng sosyalismo na nagmarka sa Unyong Sobyet bilang isang makapangyarihang bansa.
Ilang taon lamang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagtagumpay naman ang proletaryong rebolusyon sa China noong 1949 at naging isang malakas na sosyalistang bansa. Ang teorya at aral ng kasaysayan ng pagsulong at pag-atras ng sosyalismo sa dalawang bansang ito ay buhay pa rin sa mga nagsusulong nito hanggang sa kasalukuyan.
Maaaring sabihin na ang pagpapataw, pagpapalawak at paggigiit sa neoliberalismo ay sistematikong tugon sa di maampat-ampat ng krisis na taal sa sistemang kapitalismo, at ng pagiging bansot nito relatibo sa sistemang sosyalismo.
Superyor ang planadong ekonomya kumpara sa todo-largang liberalisasyon. Nilutas nito ang anarkiya sa produksyon na kinatatangian ng sige-sigeng pagmanupaktura ng produkto na hindi naman makonsumo ng lipunan. Ang pribastisasyon at deregulasyon ay may katapat na mahigpit na paghawak at pag-aari ng estado sa mga mayor na industriya at serbisyo at ang pagtitiyak ng episyenteng paghahatid ng serbisyo sa mamamayan.
Higit sa lahat, hindi kalakal o alipin ang turing sa mamamayan kundi siyang pangunahing pwersa sa pagtataguyod ng isang lipunang umaasa-sa-sarili, paglikha ng produksyon para sa pangangailangan ng lahat at sa paglaban sa imperyalismo.
Kung kaya, marapat na ituring na pagtatanggol sa mamamayan ang bawat pagsigaw ng mga aktibista ng “Imperyalismo, Ibagsak!” sa kanilang mga kilos-protesta sa lansangan. Pagtuligsa ito sa mga bulok na pang-ekonomiyang patakaran ng pamahalaan na neoliberalismo na ang mamamayan ang siyang nagdurusa.Ito’y panawagan na palitan natin ang kapitalismo ng mas superyor na sistema na una ang tao kaysa sa sobra-sobrang tubo. Tayo ay nabubuhay upang magsilbi sa kapwa. Ang tao ay hindi kalakal at ang lipunan ay hindi dapat ituring na palengke lamang. #