Hinagpis at laban ng mangingisda ng Pook Maliksi
Ni Denver Del Rosario at Mark Kevin Reginio
Musmos pa lamang ay pangingisda na ang kinamulatan ni Fredo Paguna, 64 taong gulang. Ito ang hanapbuhay na minana niya mula sa kaniyang ama. Subalit sa katanghalian ng kanyang buhay, humina ang pangingisda sa kanyang sinilangang lalawigan ng Leyte. Napilitan siyang tawirin ang malawak na dagat upang makipagsapalaran sa Cavite.
Sa kabutihang palad, isang masaganang look ang kaniyang natagpuan sa Pook Maliksi sa bayan ng Bacoor na naging masaganang batis ng kanilang kabuhayan sa loob ng 18 taon.
Subalit kaniya ngayong pinangangambahan ang isa na namang unos na unti-unting lumalapit sa ‘di kalayuan. Ang taning ay dalawang taon bago sila paalisin sa umampong lupang nagsilbing tahanan upang bigyang daan ang reklamasyon sa dagat na kanyang ikinabubuhay.
Halos pitumpung hektarya ang sakop ng nakatakdang reklamasyon sa lalawigan kung saan sampung barangay ang tatabunan kapalit ng itatayong Cavite Business Economic Zone. Sa darating na mga taon, ang mga dating kabahayan ay mapapalitan ng mga lugar-libangan tulad ng casino at mga restawran.
Mariin ang naging pagtutol ng mga residente ng Pook Maliksi. Anila, hindi na muli sila magpapaloko sa mga planong reklamasyon, tulad na lamang nang nangyari sa Manila-Cavite Expressway o Cavitex. Naging paspasan ang mga operasyon ng mga tao sa likod ng reklamasyon. Tinambakan nila ng lupa ang mga katubigan ng halos iglap lamang at hindi na nagawang pumiglas ng mga komunidad. Ang noo’y dalampasigan kung saan nag-uumpisa ang kanilang paglalayag para makapangisda ay isa na ngayong malapad na laso ng sementong binansagang Cavitex na tila isang higanteng pader sa pagitan nila at ng dagat. Hirap na ang mga bangkang makalusot sa makipot na siwang sa ilalim ng expressway at pakonti nang pakonti ang kanilang mga nahuhuling isda.
Ito rin ang banta ngayon sa mga mangingisda ng Pook Maliksi.
Hindi pa man nagsisimula ang konstruksyon, muntikan nang mapaalis nang wala sa oras ang pamilya ni Mang Fredo dahil sa isang trahedyang hindi nila malilimutan.
Alas kuwatro ng hapon, tatlong buwan ang nakalilipas, nagkaroon ng malaking sunog tumupok sa kanilang mga bahay. Walang nagawa ang mga residente ng Pook Maliksi laban sa lagablab na hinipan pa ng hangin mula sa dagat. Isang libong pamilya ang nawalan ng tahanan at napilitang muling magsimula mula sa wala.
Tanging pag-iyak na lamang ang nagawa ni Mang Fredo matapos maabo ang kaniyang mga lambat at ibang kagamitan. Ang tatlong daang piso sa kanyang bulsa noon ay sa pagkain lamang kumasya. Hindi rin sila agad nakabangon dahil sa pagliit ng kanilang kita dulot ng pagharang sa kanila ng Cavitex.
Muling nagtirik ng bahay ang mga taga-Pook Maliksi matapos ang sunog. Ngunit pati ang lupang kanilang tinitindigan ay nanganganib pang mawala dahil sa banta ng reklamasyon sa lugar. Patuloy ang kanilang ginagawang paglaban, ngunit ang kinabukasan sa kanila’y walang kasiguruhan.
Naabong kabuhayan
Tanging pagtakbo na lamang ang nagawa ng pamilya ni Elsa Felas, 59, noong kasagsagan ng sunog. Sa sobrang bilis ng apoy, may mga ilang residenteng nagsitalunan sa look upang iligtas ang kanilang mga buhay samantalang namangka naman sina Aling Elsa patungong tambak ng Cavitex upang makaligtas sa halimaw na apoy.
Natupok ang lahat ng kanilang lambat pati na ang mga motor ng kanilang mga bangka, dahilan upang tuluyang hindi makapamalakaya sina Aling Elsa. Upang may ipangkain araw-araw, lumuluwas patungong Parañaque ang kanyang asawa para mamakyaw ng mga isda na kaniya namang itinitinda sa mga palengke ng Laguna.
Ilan lamang ang mga tahananang ito sa mga tinupok ng apoy. Tinatayang nasa 1,000 ang apektadong pamilya, kabilang sina Aling Elsa at Mang Fredo.
Wala pang panahon na sila’y kumita ng malaki. Madalas na lugi, kadalasan ay tabla. At sa panahong walang maisubo sa kanilang mga bibig, umaasa na lamang sila sa maliit na tindahang kanilang itinayo matapos ang sunog.
Sa halos dalawang dekadang paninirahan sa Pook Maliksi nina Aling Elsa, ngayon lamang nakaranas nang matinding pagkalugmok ang kanilang pamilya, bukod pa sa banta ng reklamasyon sa lugar.
‘Pahirap ang reklamasyon’
“Pahirap nang pahirap ang buhay,” ang hinaing ni Noelyn Tigon, 43.
Mayroon mang sariling bangka, hindi naman sapat ang huli upang tustusan ang araw-araw na pamumuhay. Mula sa lagpas isang libo kada araw, umaabot na lamang ng isang daan ang kanilang kita dahil kakaunti na lamang ang mga isdang nahuhuli. Limitado rin ang lugar na kanilang maaaring pangisdaan na naging dahilan upang mawala ang dating kasaganahan.
Hindi na alam ni Noelyn kung saan pa kukuha ng panggastos sa araw-araw. Dagdag pa ang gastos sa eskwela ng lima sa kaniyang pitong anak.
Mula noong nagsimula ang reklamasyon, lalong lumala ang kanilang buhay. Mula sa masaganang huli na nagbibigay sa kanila ng isang libong piso bawat huli, bumagsak sa tatlong kilong alimasag at pusit na lamang ang kanilang nahuhuli. Hindi ito sapat para sila ay mabuhay tulad ng dati.
Noong alukin sila ng pamahalaan ng relokasyon sa isang lugar malayo sa dagat, hindi pumayag sina Noelyn. Aniya, nasa Pook Maliksi ang kanilang hanapbuhay, ang kanilang kinagisnan. Pangingisda ang nagpa-aral at nakapagpatapos sa kanyang mga anak kaya patuloy nila itong igigiit.
‘Hindi kami aalis’
Tulad ni Noelyn, bumagsak din ang huli at kita nina Myrna Candinato, 62, matapos ang tatlong serye ng mga salot na tumama sa kanilang buhay — una ang ginawang Cavitex, pangalawa ang nangyaring sunog, at pangatlo ang pagsisimula ng bagong reklamasyon.
Isang makipot na tulay ang iniwan nang pagtatayo ng Cavitex sa mga mangingisda ng Pook Maliksi.
Habang ang mga sasakyang de gulong ay malayang nakapaglalakbay gamit ang nasabing daan, hindi naman basta-bastang makalusot ang mga bangka sa ilalim ng tulay dahil sa sikip nito na maaaring makasira ng mga bangka. Dagdag pa ang daluyong ng tubig na pilit tumutulak sa mga bangka papasok sa makitid na daanan.
Hindi rin nalalayo sa mga karanasan ng mga residente ng Pook Maliksi ang nangyari kina Aling Myrna matapos ang nagdaang sunog — natupok ang mga lambat, nawalan ng anim na motor ng bangka, at walang natirang kagamitan. Tuluyang bumagsak ang kanilang kabuhayan kaya hindi niya alam kung papaano muli makakapangingisda.
Mas masahol pa ring maituturing ang banta ng sinisimulang reklamasyon sa lugar, ayon kay Aling Myrna. Sa bisa ng Supreme Court mandamus na nag-uutos na “to clean and rehabilitate the Manila Bay” ay tuluyang nilansag at nilinis ang tahungan nina Aling Myrna na lubos na nakaapekto sa kanilang kabuhayan.
Mula sa dating limandaang galong mga tahong na nagkakahalagang labinlimang libong piso ay kumikita na lamang ito ngayon sa limampung galon na ang kapalit ay limandaang piso.
Dagdag-pahirap din sa kanilang mga mangingisda ang dating Republic Act (RA) 8550 na ngayo’y pinaigting na RA 10654 o ang Philippine Fisheries Code of 1989. Pinagbabawalan ng batas na ito ang mga mangingisda na pumalot at manghuli lagpas sa itinakdang 15 kilometrong pangisdaan mula sa baybayin. Dulot nito ang hindi mabilang na kaso ng pagkakulong at pagmumulta ng mga mangingisda na mas mahal pa ang halaga kaysa sa kanilang mga kita sa mahabang panahon.
Sa patuloy na panunupil ay ang pina-igting na laban na lamang ang natitira sa kanila upang makapanatili sa kanilang pamayanan. Sa kabila ng mga pasakit na ibinibigay sa kanila ng gobyerno, patuloy ang kanilang pagsusumikap na mabuhay. Anila, hindi sila mga ilegal na mangingisda dahil nagbabayad sila ng karampatang buwis. Sa ngayon, patuloy nilang pinapalakas ang laban sa lansangan.
Bagaman patuloy ang pag-aalok sa kanila ng pabahay sa ibang lugar, nananatiling malakas ang kanilang panawagang manatili sa kanilang pamayanan at ipaglaban ang kanilang karapatan sa katubigan. Anila, sila ay mga mangingisda. Ito ang bumuhay sa kanilang mga pamilya sa loob ng mahabang panahon at ito ang bubuhay sa kanila sa mga darating na panahon.
Sa gitna ng unos, patuloy nilang lalabanan ang agos hanggang sa matagumpay silang maka-ahon. #