Posts

Ang Debate ng mga Pilosopo at si Pedro

Ni Ed M. Villegas

Sabi ni pilosopong Plato ang mundo ay di totoo
Balik naman ng kanyang estudyante na si Aristoteles ito ay mali
Dahil ang halaman ay tunay na halaman at ang bato ay bato
Oo nga, wika ni Epicurus, na kay Aristoteles kumampi
At diin pa nito walang ibang realidad kundi materyal na bagay
Pasok naman ni Descartes, ang batayan ng totoo ay kamalayan ko
At ang Diyos at materyal na bagay ay mapapatunayan nito
Hoy, hoy, teka, teka, singit ni Spinoza,ako at Diyos ay iisa
At dagdag pa ni Leibniz ang lahat na nangyayari ay perpekto
Biglang nagsalita si Bertrand Russell, kayong lahat ay sira ang ulo
Walang diyos, walang perpekto, at ang lahat ay nararanasan lamang ng sensa ng tao
Mali, sabi ni Wittgenstein, dating estudyante at alagad ni Bertrand,
Dahil ang diyos at pagiging perpekto ay may sariling kahulugahan sa mga karaniwang mamamayan
At huwag basta na lang babaliwalain ang kanilang mga katuwiran
Kaya, pasok ni Derida, walang makakaalam kung mayroon bang katotohanan.

Ano ba ito, sabi ni Pedro, na nakikinig sa mga pilosopo
Lalo pa ako sa kanilang sinasabi ay nalilito
Makauwi na nga sa aking pamilya at makapagpahinga
Dahil bukas dadalo pa ako sa isang malaking welga.

ABOT NG ULAN ANG HANGGANAN NG ABISMO

ni R.B.Abiva

Matagal-tagal ka nilang hinintay

kasama ng uhaw na pilapil at pinitak,

hapong kalabaw, baka, kambing, at tagak

at mga kuhol at palakang bihira nang humalakhak;

sa paanan ng mga hubad na suhay

ng magaspang-magaang butil ng palay

na walang ibang mai-aalay

kundi payak-malusog sanang buhay;

paglipas ng oras ay bakit nag-iba ang kaway

may halong bulong at alingasngas ng agaw- buhay

ang dibdib ng lupang hungkag-bitak-lusak

naging libingan ng gaya ni Tanong Itak;kaydaling nagpasya’t biniyak ang paghihintay

kaydaling nagpasya’t biniyak ang paghihintay

ng mga paang alipungai’t inakap ang pakay

na hugutin ang puso, atay, at malay

ng  diyus-diyosang  mahalay-mamamatay

na lango sa katas ng talampunay;

gamit ang mala-karit at palang nilang kamay

at sing-init ng araw nilang matang nakatunghay,

sa bigwas ng hanging handog ay tagulaylay

tinuldukan ng mga katawang mala-tangkay

ang ugat ng paghihirap na gumugutay;

nang magtagumpay,

sama-sama nilang hinukay

ang paglilibingan sa mga mabuway

gayundin ang baul at aklat ng bulag na palagay.

Setyembre 18, 2019

Lungsod Quezon, Maynila 

Palang- Isang uri ng itak na ginagamit sa paggapas ng tubo.

Tagulaylay- Martsa o awit pandigma.

Inilathala ng UP Writers Club noong Setyembre 20, 2019.

DUGUANG LANGIT

ni R.B.Abiva

 

Pagkatapos mananghalia’y

ipinakita ni Sumatra

kay Ayu Putri Wijianti

ang mukha ng hinaharap–

pagkatapos hubaran ng makapal

na usok na sinlaki

ng mga bundok

mula sa nasusunog na

kagubatan– ang mapanlinlang

na bughaw na kalangitan:

nakapangingilabot pala

ang nalalapit na

paniningil ng

mata ng Diyos

na si Kratos!

At maging ang diyus-diyosang

si Widodo

            ay tiyak mapupulbos!

Setyembre 24, 2019

Lungsod Quezon

Kratos- Anak ni Zeus; Diyos ng Digma.

LIWANAG AT DILIM

ni R.B. Abiva

“Iya’y dalamhati ng inulilang Ama/ at lungkot sa tumatangis na Ina/ iyan ay glorya at biyaya/ kabanalan at pagpapala;/ isang sumpa sa mga nanlaban;/ isang pagbabanta sa mga lumalaban!”-Arlan Camba, Sabado De Gloria, 2018

Kakaibang tanawin

ang inyong mapagmamasdan

sa nangingitim-nagdurugong papawirin

sa sandaling magsalubong

ang mga pagod na atomo;

kanilang aagawing-pilit  

ang espasyo sa natitirang siklo

ng oras sa umiikot-nagrerebeldeng mundo;

pagmasdang mabuti

ang pinag-aagawan nilang langit,

ang nakatakdang pagbulid at pagsalapisap

ng kanilang mga daliri, bisig, at kamao,

ang pagbigkas ng matalim-matulis-nagbabaga nilang dila

ng mga magagaspang-matatalas na talinghaga’t berso

na walang sini-sino’t rinarahuyong poder at persona,

na waring si Bukowski kung tumula

na sintalim ng Stilleto

na doble ang talim at kamandag,

o ni Tiyong Gelacio

na kung maghandog ng prosa

sa dulang nilang mga kawawa

ay sintamis ng tubo ng Azucarera

at sintalim ng palang;

ito (ba) ang ma(na)babanaag mo?

Ang mabagsik-madugo

na pagtabing ng telon

sa mundo nating mga homo?

Setyembre 16, 2019

Lungsod Quezon, Maynila

Stilleto- punyal ng mga sundalong Amerikano noong WWII.

Palang- tawag sa itak na pinampuputol ng tubo.

ALIPATO (Kay Ka Gelas)

By Rene Boy Abiva

“And wild bears never daunt the brave/ Plum blossoms welcome the whirling snow/ Small wonder flies freeze and perish.”— Mao Tse Tung, Winter Clouds

Larawan mula sa pamilya ni Gelas Guillermo

Dinuyan, inakay, at tinangay ka ng hangin

matapos ang pag-aaklas na gaya sa isang kaingin,

at nakiisa’t inihatid ka ng mga nagluluksang alitaptap

na sindami ng buhangin

sa ibaba ng kulay abong alapaap,

at bago ka bumagsak sa lupang kayumanggi

at ika’y tuluyang lamunin sa huling sandali

ay napagtagumpayan mong iginuhit sa dilim

ang sunod subalit huli’t kaabang-abang na pangitain.

Gamit ang natitira mong anag-ag

winika mo’y mahuhubaran, magagasgas, mabibitak,

babagsak, at sasabog ang agimat

gayundin ang imperyo’t templo ng iilang yayamanin.

Winika mo pa’y aalagwa, aaklas, at makikipagpatayan

sa mapangahas na alindog ng dugong sing-itim

ng sunog na asukal at sing-alat ng asin,

na sinlapot ng lusaw na bato’t tingga,

na sing-init ng pugon

na pinapaypayan ng matatalim at maninipis na elesi,

na mainit, mabigat, at masakit sa baga

ang hininga’t samyo ng bunganga

ng dambuhalang pigsa

sa loob at labas ng Maynila-

ang mga daantaong bihag ng mala-tisa sa puti,

at mala-marmol at pormika sa kinis at dulas na salamin-

na bininyagan, inensensuhan, pinabanguha’t hinilamusan

ng ‘di-mabilang na kwarta, kamanyang, mira, at ‘Ama Namin’.

Pipitik-pitik ang iyong liwanag

nang dahan-dahan, marahang-marahan

hanggang sa ang tibok ng iyong puso’y ‘di na napakingan

pito,

anim,

lima,

tatlo,

isa,

wala,

wala

hanggang sa tuluyan kang ‘di na naaninag

maliban sa naaalala ka tuwing sinasabog

ng bukang-liwayway ang kanyang liwanag

o kapag nagsisisayaw sa alon ang telon

ng Dakilang

Aurora Borealis. 

-Enero 18, 2019

Lungsod Quezon, Maynila

Nakakahawa, nakakamangha

Ni Carlos Marquez

KUNG ikaw ay magsasaka ng palay na taga-Nueva Ecija at inis-na-inis ka sa Kongreso sa pagsasabatas ng taripa sa bigas; kung sumasagad na sa rurok ang kinikimkim mong galit sa mga nakakahiyang kamangmangan na ipinapakita sa mga desisyon at deklarasyon ng maraming opisyal ng gobyerno; kung hindi mo na talaga mapagkasya sa sikmura ang mga ipinalulunok sa iyong galung-galong dugo ng mga pinapatay sa tinatawag na gyera sa droga; kung nagpupuyos ka na sa himutok at galit sa pilit na panghihimasok ng mga militar sa mga paaralan at kanayunan; kung sa tingin mo’y nawawala na ang katinuan…tumula ka.

Ganito ang nasumpungang paraan ni Raymund B. Villanueva, isang aktibistang mamamahayag at makata, upang ibuhos ang naimbak na galit. Isinatinta niya ang mga galit na iyon at inilatag sa papel. Ang resulta: “Persolitika”.

LUNAS ang pagtula, o pagsulat nito – alternatibong lunas pero hindi panandalian ang bisa (palliative). Pangmatagalan. Upang guminhawa ang pakiramdam, ibinuhos ni Raymund ang marahil ay malaking bahagdan ng mga naipong likido sa katawan sa 100-pahina ng mga tula at litrato tungkol sa personal at pampolitikang kaisipan sa “Persolitika: Mga tula at larawan”. Ang mga sakit ng lipunan na nagmistula nang epidemya pagkaraan ng maraming panahon ay sinisikap lunasan ng mga manunulat – mamamahayag man o makata. Subalit habang patuloy ang matahimik na pagsigaw sa ibabaw ng papel, parang mas lalo pang dumarami ang problema. Parang mga gremlin na habang nababasa ay lalong dumarami. (Parang tagyawat ni Yolly Samson: “Sa kakaisip sa ‘yo tagyawat dumadami…”). Kaya nga, tumula nang tumula si Villanueva at may lunas na dala ang mga tula niya.

Katulad ng epidemya ang mga tula sa “Persolitika” – nakakahawa. At nakakamangha. Pati na ang mga dakilang haligi ng panulatang Filipino ay napatayo, napatigalgal, at sumaludo sa 23 tulang personal, 40 tulang politikal, at 32 larawan na may indayog din at sining. Dalawa sa mga nagpugay sa mga tula sa “Persolitika” ni Villanueva ay sina NVM Gonzales at Jose Ma. Sison. Sutsot lamang ng mga nota ng pangalan ng dalawang ito ay dumagundong na kampana na pumupukaw sa isang maingay na metropolis.

Si NVM Gonzales o Néstor Vicente Madali González ay isang higanteng nobelista, manunulat ng maiikling kuwento, at makata, na may gawad na Pambansang Alagad ng Sining Para sa Panitikang Pilipino nuong 1997. (Binigyan ni NVM ng pagkilala kung anong uring manunulat si Villanueva nuong 1995, apat na taon bago siya pumanaw). May gawad din siya ng pinakamimithi ng mga manunulat sa panitikan na Carlos Palanca.

Samantala, kilala ng marami si Jose Maria Sison bilang isang manunulat na aktibista na siyang nagtatag ng Communist Party of the Philippines.

Bakit ganoon na lamang ang pagpupugay ng mga bathala ng panitikang Filipino kay Raymund B. Villanueva?

Dumampot tayo ng ilan sa mga tula sa “Persolitika” upang malaman.

Sa tula, halimbawa, na “Sa Gabi ng Pangungulila” ay nakipagkumperensya si Villanueva sa mga salik ng gabi – buwan, kuliglig, batis, at hangin – upang punan ang nabuong gawak ng kalungkutan sa pagkakalayo sa kanyang minamahal. Romantiko si Villanueva. “Maglakbay tayo, giliw/At idampi bilang halik ang luhang naging hangin./Sana’y kanyang mabatid/Ako’y nagmamahal pa rin.” Akala ni Raymund ay siya lamang ang nakikipagbuno sa kalungkutan ng gabing iyon. Sa kabilang bahagi ng gabi, balisa rin marahil ang kanyang irog noon sa pagkakahiga.

Hindi ba kapag hindi makatulog ang mga bata, kukuwentuhan sila hanggang sa mamungay ang mga mata at lunurin ng antok ng mga ritmo ng mga kataga sa “Mga Kuwento ni Lolo Raymund”? Pero iba ang mga kuwento sa “Bedtime stories”. Ang kuwento niya’y hindi alamat ng siyudad (urban legend). Ang kuwento niya’s katatakutan. Mga nakakatakot na katotohanan. Mga signos ng panahon.

“When our children tire of stories
About our rich kings
We tell them stories of the queen’s warriors.
Soldiers well-drilled
In shooting unarmed peasants
Or defenseless workers
Mercenaries whose shield is the civilian populace
Whose commanders are foreign-trained.”

Sa halip na makatulog, ang mga bata’y magigising. Babangon, magmamasid, makikisangkot.

ANG lalim ng isang tula, ayon kay Jose Garcia Villa, ay katulad ng isang himala, may tugtugin katulad ng awit ng ibong “seagull”. Ang tulang masusumpangan sa maraming pagkakataon, kasama ang mga hinaing ng mga magsasaka, ay may talinghaga at musika.

Sa “Literal”, pakinggan po natin ang deklarasyon ng mga magsasaka sa Palo, Leyte nuong 2005. “Ang salita ng mga magsasaka: ‘Atin muling pagyamanin ang lupa./Subalit ang mga sundalo’y hindi kailangang/Maging literal.”

Sinabi ng mga magsasaka ng Palo, Leyte na “Nais naming ng matagalang kapayapaan.” Ang totoo, naging literal ang pag-intindi ng mga sundalo.

May robotikang pag-iisip ang mga sundalo. Programado.

Inilathala ng Pantas Publishing and Printing, Inc. at ng Kodao Productions, Inc., ang “Persolitka Mga tula at larawan” ni Raymund B. Villanueva ay mabibili sa Popular Book Store. #

Ama nila

Ama nila,
Nasa malakanyang ka,
Sinasamba ng mga hangal ang ngalan mo,
Napapasa-amin ang kahibangan mo,
Sinusunod ng mga panatiko ang loob mo,
Dito sa lupa,
nabubuhay kang parang nasa langit,
Alimura, kabastusan at bala ang iyong pinapakain 
sa amin sa araw-araw,
Wala nang makapagpapatawad sa iyong mga sala,
Gaya ng galit namin sa pambabalahura mo sa amin,
Palagi mong ipinapahintulot sa amin ang de-lubyo,
At iniaadya mo kami sa ganap na paglaya.
Ang kaharian, ang kapangyarihan 
at kaluwalhatian ay nasa iyo,
ngayon ngunit hindi magpakailanman.

Ang kasaysayan ay sa Amin. Amin. Amin.

-Bryan Costa

(Ang makata ay pumanaw sa sakit sa puso kamakailan.)

Imahe mula sa KM 64 Poetry Collective na kinabilangan ng makata.

Ang Sagupaan sa PEPMACO

(Bahagi ng Isang TulaSerye)
ni R.B.Abiva

“Ate, bakit lagi nang ginagabi si Nanay?”
tanong ni Hana sa kapatid
habang nakaharap sa isang palanggana
na puno ng maruming labahin
na binabaran ng pulbos ng Champion.

“Eh paano, inaabot na ng dose oras
ang ating ina sa pagawaan ng sabon,”
tugon ni Calla habang abala ito sa paghuhugas
ng pinagkainan nilang mag-anak.

“Hindi po ba labag ‘yun sa batas Ate?
Ang alam ko kasi ay walong oras lang dapat
ang trabaho ng mga manggagawa.
‘Yun din kasi ang sabi ng titser ko,”
wika ni Hana habang nakakunot
ang noo. Nahihiwagaan. Naguguluhan.

“Labag ‘yun! Sinabihan ko na nga dati
si Inay na umalis na sa kanyang trabaho
kasi maglilimang-taon na siyang
tagasako ng sabon ay kontraktwal pa rin siya.
Kaya nga hindi rin natin siya masisi
kung bakit pilit niya tayong pinagkakasya
sa barung-barong na tinitirhan natin ngayon
na ‘di hamak na mas maganda pa ‘ata
ang bahay ng alagang aso ni Simeon Tiu,
at mahal pa ang mga bilihin sa palengke,”
mabigat at padabog na sagot ni Calla.

“Nagkakasakit na nga rin si Inay.
Noong nakaraang linggo’y sinamahan ko siya
sa Pagamutang Bayan, paano ba naman kasi’y
mahigit isang linggo na ang kanyang ubo
at parang kinulam siya kasi nagbabalat
ang kanyang kamay na parang may galis
na ‘di mo malaman. Ang sabi ng doktor,
baka nakuha niya sa pagawaan.
Niresetahan naman siya
ng gamot ni Dok Isko,
kaso ang mamamahal.
Sinabihan pa niya si Inay na kailangan niyang magpahinga,
kaso, tahimik lang na tumango si Inay na para bang
may malalim na iniisip,” ‘ika ni Hana habang pinipiga
ang hawak-hawak na damit.

“Naku, asa ka pa eh nung Mother’s Day nga ay
ni hindi sila pinagpahinga. Sayang daw kasi ang kita
sabi ng boss nila. Kaya baka sa darating na panahon
ay magising na lamang tayo isang umaga na
matigas nang bangkay si Inay dahil daig pa
ang kalabaw kung kumayod sa pagawaan,”
sagot ni Calla habang isa-isang inaayos
ang mga tinidor, kutsara, plato, at mangkok.

“Ay! Ay! Ate! Kanginong damit ito
at bakit may bahid ng dugo!
Sa iyo ba ito?!
Ay! Ay! Bakit damit ito ni Inay!
Anong nangyari sa kanya?!” nang gulat-naghuhumiyaw
na si Hana.

“Kasama si Inay sa mga walang-awang sinaktan
ng mga eskirol ng pagawaan. Ayon sa kuwento
ni Aling Igmeng Panot ay nahampas ng batuta sa ulo
si Inay. Buti nga sa ulo raw ang tama ng ating Ina
kaysa sa asawa ni Asiong Bingi na bali raw ang ilong
at kahit na babae’y pinagtatadyakan pa daw sa tiyan
at dibdib at mukha. Kaya nga halos pumutok ang butsi
ng kanyang asawa sapagkat dinugo ito sa mismong barikada
nilang mga manggagawa. Nakakakilabot daw ang eksenang iyon
na parang sa pelikula lang daw nakikita,” nanginginig na sagot ni Calla
habang nakakuyom ang kanyang basang kamao.

“Bakit hindi ko ito alam Ate?!
Bakit ‘di mo agad sinabi?!”
tugon ng nakatayo’t naghihimutok
sa galit na si Hana.

“Paano ba naman kasi’y lagi kang abala sa inyong eskwelahan
at kung umuwi ka’y libro at pagbabasa ang iyong unang inaatupag,”
nang parang naniningil na tinig ni Hana.

“Eh nasaan na si Inay?” dagling bigkas ni Calla.

“Wala siya rito, pagkatapos mag-agaha’y pumunta sa pagawaan,
sa may barikada ng gaya niyang manggagawa,” maikling sagot ni Hana
habang nakayungyong ang ulo sa lupa na para bang uhay
ng palay na kay bibigat ang pasang butil.

Pagkarinig sa paliwanag ng kapatid
ay animo’y kidlat na kumaripas ng takbo si Calla
patungo sa barikada kung nasaan ang kanyang Ina
at iba pang mga Ama at Ina
na nakikibaka.
At nang mga sandaling yaon
ay nakabukas ang kanilang telebisyon
may mahinhin-malambing na tinig,
at boses ni Susan Roces iyon,
habang isa-isang lumalabas
ang imahe ng mga magkakaparis-
mag-asawa ang mga iyon
na nakasuot ng puting dami
na ang bawat paglabas nila’y sinasabayan
ng islogang “ Mula Noon, Ngayon At Magpakailanman,
Ang Champion Ay Tapat Sa Inyo.”

Hunyo 28, 2019
Lungsod ng Quezon, Maynila

Ritwal ng pagtataboy

Kay Imee Marcos

Wikipedia image.

Nais mapaalis ang espiritung panis 
sa tanggapan ay guni-guning naiwan ni Trillanes

Mula noon hanggang ngayon
gamit ng angkan ang ritwal ng pagnakaw

Lahat ng bagay, inangkin at hinuthot
dulas ng dila, inari pati liping Igorot

Pakawkaw* ay basbas ng pag-indak at pagpadyak
sa kabutihan ay pagpukaw, sa kamalasan ay pagsindak

Gangsa** ay may tunog ng kilabot
nanaghoy ang katarungan kay Macli-ing Dulag sa tribu ng Butbut
Gusali ng yabang, dinaan sa paspasan
dinilig ng dugo, buhay na tinabunan

Kinatay na aso, manok at baboy na inialay
aninag ang imahen sa apdo’t atay

Mambunong,*** napuno nang takot 
at bitaw ang nginig na tinig

“Senadora, ay mi…dalawang mukha ng espiritu ng ‘demonyo’…
walang dili iba, kundi ang ‘yung ina’t amang tirano!”

Kwentulang Marino (Ed Romano Labao)
28 Hunyo 2019
1:30 n.u

*pakawkaw-sayaw sa pagtawag sa mabuting espiritu at pagtaboy sa masama

**gangsa-bronze gong

***mambunong-native priest

KUNG PAANO MAGDILIG

Sa alaala ng Maguindanao Massacre

 

Nabibitak na ang lupa sa malawak
Na kapatagan ng Maguindanao.
Ngayo’y hindi naman tagtuyot,
Ngunit tigang ang rabaw
At sementadong kalsadang
Dinaraanan nila.

Tirik ang araw. Walang ulan
Na puwedeng maging dahilan
Ng alimuom, ngunit nakapagtataka
Na may ibang singaw
Ang lupa. Maaamoy mo ang sangsang

Na bitbit ng mga sumasayaw na dahon.

Hindi ito ordinaryong hapon. Kailangan nilang magdilig –
Upang hindi mamatay
Ang mga halaman at tanim.
Kaya’t sila ay nagdilig nang nagdilig.

Bitbit ang pag-asang maibabalik

Muli ang dating samyo
Ng probinsya.

Tahimik ang paligid.
Kanta lamang
Ng mga ibon ang maririnig.
Ngunit kung nanaising tumahimik –
Madidinig ang alingawngaw
Ng mga katawang nakatanim,
At kung paano sila itinanim.

Kung susumikaping imulat ang mata –
Makikita sa tintadong lupa
Kung anong likido ang kanilang pinang-igib,
Para gamiting pandilig
Sa bitak-bitak na lupa kung saan
Nagpatong-patong ang iniwang gunita.

11.23.18
Andre Gutierrez