Posts

Nakakahawa, nakakamangha

Ni Carlos Marquez

KUNG ikaw ay magsasaka ng palay na taga-Nueva Ecija at inis-na-inis ka sa Kongreso sa pagsasabatas ng taripa sa bigas; kung sumasagad na sa rurok ang kinikimkim mong galit sa mga nakakahiyang kamangmangan na ipinapakita sa mga desisyon at deklarasyon ng maraming opisyal ng gobyerno; kung hindi mo na talaga mapagkasya sa sikmura ang mga ipinalulunok sa iyong galung-galong dugo ng mga pinapatay sa tinatawag na gyera sa droga; kung nagpupuyos ka na sa himutok at galit sa pilit na panghihimasok ng mga militar sa mga paaralan at kanayunan; kung sa tingin mo’y nawawala na ang katinuan…tumula ka.

Ganito ang nasumpungang paraan ni Raymund B. Villanueva, isang aktibistang mamamahayag at makata, upang ibuhos ang naimbak na galit. Isinatinta niya ang mga galit na iyon at inilatag sa papel. Ang resulta: “Persolitika”.

LUNAS ang pagtula, o pagsulat nito – alternatibong lunas pero hindi panandalian ang bisa (palliative). Pangmatagalan. Upang guminhawa ang pakiramdam, ibinuhos ni Raymund ang marahil ay malaking bahagdan ng mga naipong likido sa katawan sa 100-pahina ng mga tula at litrato tungkol sa personal at pampolitikang kaisipan sa “Persolitika: Mga tula at larawan”. Ang mga sakit ng lipunan na nagmistula nang epidemya pagkaraan ng maraming panahon ay sinisikap lunasan ng mga manunulat – mamamahayag man o makata. Subalit habang patuloy ang matahimik na pagsigaw sa ibabaw ng papel, parang mas lalo pang dumarami ang problema. Parang mga gremlin na habang nababasa ay lalong dumarami. (Parang tagyawat ni Yolly Samson: “Sa kakaisip sa ‘yo tagyawat dumadami…”). Kaya nga, tumula nang tumula si Villanueva at may lunas na dala ang mga tula niya.

Katulad ng epidemya ang mga tula sa “Persolitika” – nakakahawa. At nakakamangha. Pati na ang mga dakilang haligi ng panulatang Filipino ay napatayo, napatigalgal, at sumaludo sa 23 tulang personal, 40 tulang politikal, at 32 larawan na may indayog din at sining. Dalawa sa mga nagpugay sa mga tula sa “Persolitika” ni Villanueva ay sina NVM Gonzales at Jose Ma. Sison. Sutsot lamang ng mga nota ng pangalan ng dalawang ito ay dumagundong na kampana na pumupukaw sa isang maingay na metropolis.

Si NVM Gonzales o Néstor Vicente Madali González ay isang higanteng nobelista, manunulat ng maiikling kuwento, at makata, na may gawad na Pambansang Alagad ng Sining Para sa Panitikang Pilipino nuong 1997. (Binigyan ni NVM ng pagkilala kung anong uring manunulat si Villanueva nuong 1995, apat na taon bago siya pumanaw). May gawad din siya ng pinakamimithi ng mga manunulat sa panitikan na Carlos Palanca.

Samantala, kilala ng marami si Jose Maria Sison bilang isang manunulat na aktibista na siyang nagtatag ng Communist Party of the Philippines.

Bakit ganoon na lamang ang pagpupugay ng mga bathala ng panitikang Filipino kay Raymund B. Villanueva?

Dumampot tayo ng ilan sa mga tula sa “Persolitika” upang malaman.

Sa tula, halimbawa, na “Sa Gabi ng Pangungulila” ay nakipagkumperensya si Villanueva sa mga salik ng gabi – buwan, kuliglig, batis, at hangin – upang punan ang nabuong gawak ng kalungkutan sa pagkakalayo sa kanyang minamahal. Romantiko si Villanueva. “Maglakbay tayo, giliw/At idampi bilang halik ang luhang naging hangin./Sana’y kanyang mabatid/Ako’y nagmamahal pa rin.” Akala ni Raymund ay siya lamang ang nakikipagbuno sa kalungkutan ng gabing iyon. Sa kabilang bahagi ng gabi, balisa rin marahil ang kanyang irog noon sa pagkakahiga.

Hindi ba kapag hindi makatulog ang mga bata, kukuwentuhan sila hanggang sa mamungay ang mga mata at lunurin ng antok ng mga ritmo ng mga kataga sa “Mga Kuwento ni Lolo Raymund”? Pero iba ang mga kuwento sa “Bedtime stories”. Ang kuwento niya’y hindi alamat ng siyudad (urban legend). Ang kuwento niya’s katatakutan. Mga nakakatakot na katotohanan. Mga signos ng panahon.

“When our children tire of stories
About our rich kings
We tell them stories of the queen’s warriors.
Soldiers well-drilled
In shooting unarmed peasants
Or defenseless workers
Mercenaries whose shield is the civilian populace
Whose commanders are foreign-trained.”

Sa halip na makatulog, ang mga bata’y magigising. Babangon, magmamasid, makikisangkot.

ANG lalim ng isang tula, ayon kay Jose Garcia Villa, ay katulad ng isang himala, may tugtugin katulad ng awit ng ibong “seagull”. Ang tulang masusumpangan sa maraming pagkakataon, kasama ang mga hinaing ng mga magsasaka, ay may talinghaga at musika.

Sa “Literal”, pakinggan po natin ang deklarasyon ng mga magsasaka sa Palo, Leyte nuong 2005. “Ang salita ng mga magsasaka: ‘Atin muling pagyamanin ang lupa./Subalit ang mga sundalo’y hindi kailangang/Maging literal.”

Sinabi ng mga magsasaka ng Palo, Leyte na “Nais naming ng matagalang kapayapaan.” Ang totoo, naging literal ang pag-intindi ng mga sundalo.

May robotikang pag-iisip ang mga sundalo. Programado.

Inilathala ng Pantas Publishing and Printing, Inc. at ng Kodao Productions, Inc., ang “Persolitka Mga tula at larawan” ni Raymund B. Villanueva ay mabibili sa Popular Book Store. #