Posts

‘Ayudang sapat para sa Lahat,’ panawagan sa Mayo uno 2021

Hindi nangyari ang orihinal na planong paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa Liwasang Bonifacio dahil sa panggigipit ng mga pulis, subalit naidaos naman ito sa Welcome Rotonda, Quezon City. Pangunahing panawagan ng mga manggagawa sa taong ito ang pagbibigay ng sapat at nakabubuhay na ayuda para sa lahat sa gitna ng pinaka-mahabang lockdown sa buong mundo dahil sa pandemya.

Ayon kay Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno, bagaman ayuda ang kanilang pangunahing panawagan, patuloy pa ring ipinaglalaban ng uring manggagawa ang tunay na kalayaan at demokrasya ng bansa. Nanawagan sila ng pagbibitiw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pwesto dahil sa kapabayaan nitong tugunan ang pangangailangan ng lahat ng mga Pilipino sa panahon ng pandemya.

Palagian namang pinapaalalahanan ng mga organisador ng aktibidad ang social distancing sa naturang protesta dahil sa COVID-19. (Bidyo ni Jo Maline mula sa kuha nina Jek Alcaraz, Joseph Cuevas, at Jo Maline)

Bakit Kailangang Gunitain ang Araw ng Paggawa Kahit sa Gitna ng Pandemyang Corona?

Tuwing Mayo Uno, ginugunita ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Ang paggunitang ito ay hindi lamang simpleng pagdiriwang o pag-alala. Ito rin ay isang mahalagang pagkakataon para sa uring manggagawa upang magpahayag ng paninindigan laban sa mapang-aping sistemang kapitalismo na nagsasamantala sa kanilang uri at yumuyurak sa kanilang karapatan.

Sabi nga, hindi mabubuo ang isang taon na walang Mayo 1, na kahalintulad ng hindi mabubuo ang isang produkto kung walang manggagawa.

Sa Pilipinas, taong 1903 nang unang gunitain ang Araw ng Paggawa na naganap sa Maynila. Pinangunahan ito ng Union Obrera Democratica de Filipinas, ang unang labor federation sa bansa. Dinaluhan ito ng daang libong manggagawa na nagmartsa mula Plaza Moriones sa Tondo patungong Malacanang para ipanawagan ang makataong kundisyon sa paggawa at pagwawakas ng imperyalismong Estados Unidos sa bansa.

Noong Abril 8, 1908 naman ay ang unang araw ng pagkilala sa Mayo Uno bilang isang national holiday matapos isabatas ito ng noo’y Philippine Assembly.

Sa pangunguna ng iba’t ibang pederasyon ng mga manggagawa, taon-taong nang ginugunita ito na nakapagpanalo ng maraming karapatan ng tinatamasa ng manggagawa ngayon. Kabilang dito ang walong-oras lamang na pagtatrabaho, dagdag na sahod at benepisyo, mas ligtas na lugar pagawaan, karapatang mag-unyon at magwelga, at marami pang iba.

Subalit simula Dekada Nubenta, pinauso ng mga tusong kapitalista ang kontraktwalisasyon. Lalo pang nanatiling mababa ang sahod ng mga manggagawa at tinanggal ang maraming benepisyong pinagbusiwan ng dugo at pawis na ipanalo. Habang tumitindi ang krisis ng kapitalismo, lalong nagiging mabangis ang sistemang kanyang nilikha laban sa manggagawa.

Maging sa panahon na iba pang uri ng krisis, katulad ngayong nananalasa ang pandemya ng corona virus, ang manggagawa pa rin ang una sa mga napapabayaan at inaapi. Milyong manggagawang Pilipino ang nawawalan ng hanapbuhay na wala namang inaasahang tulong para sa kanilang lahat.

Kung kaya, ngayong taon, sa kabila ng lockdown, ay marapat na militanteng gunitain ang ika-117 taon ng Araw ng Paggawa. Sa kauna-unahang pagkakataon, ipagdiriwang ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa Pilipinas sa pamamagitan ng online.

Giyera, batas militar, pandemya, hindi papipigil ang militanteng manggagawang Pilipino na manindigan at ipaglaban ang isang lipunang makatarungan, na ang manggagawa ang siyang unang makikinabang bilang tagapaglikha ng yaman at ng kasaysayan. #


Iskrip ni Sanafe Marcelo
Boses ni Maricon Montajes
Edit ni Jo Maline Mamangun


Song: Funk Cool Groove by MusicToday80
Composed & Produced by: Anwar Amr
Video Link: https: youtu.be/FGzzBbYRjFY
Attribution 3.0 Unported (CC BY 3.0) https://creativecommons.org/licenses/…
Music provided by Free Vibes: https://goo.gl/NkGhTg