Posts

Manuel L. Quezon, 19 Agosto 1878 – 1 Agosto 1944

Ni Carlos Marquez

SI Manuel Luis Quezon y Molina ay ang Pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas mula 1935 hanggang 1944. Siya rin ang unang pinunong Pilipino na namahala ng buong kapuluan ng Pilipinas.

Si Quezon ay ipinanganak sa Baler sa distrito ng El Principe noong 19 Agosto 1878. Ang kanyang mga magulang ay sina Lucio Quezon at Maria Dolores Molina. Ang kanyang ama ay isang guro sa elementarya ng Paco, Maynila at isang retiradong Sarhento de Guardia Civil, habang ang kanyang ina ay isa ring guro sa elementarya ng kanilang bayan. Ang kanyang ama ay isang Chinese-Spanish-Filipino mestizo, habang ang kanyang ina ay isang Spanish-Filipino mestiza.

Siya ay nag-aral sa mga panimulang baitang sa mga libreng pampublikong paaralan na itinatatag ng mga Espanyol sa kanyang bayan. Siya ay nakapagtapos sa mataas na paaralan ng Colegio de San Juan de Letran. Noong 1898, ang kanyang ama at kapatid na si Pedro ay tinambangan at pinaslang habang pauwi sa Baler mula Nueva Ecija. Noong 1899, si Quezon ay huminto sa kanyang pag-aaral ng batas sa Unibersidad ng Santo Tomas sa Maynila upang sumali sa pakikibaka para sa kalayaan ng Pilipinas mula sa Estados Unidos na pinamunuan ni Emilio Aguinaldo. Noong digmaang Pilipino-Amerikano, siya ay isang ayuda-de-campo kay Aguinaldo. Siya ay umakyat sa ranggong Major at lumaban sa Bataan. Pagkatapos niyang sumuko noong 1900, si Quezon ay bumalik sa unibersidad upang tapusin ang kanyang pag-aaral at nakapasa sa mga eksaminasyon sa batas noong 1903 na naging ikaapat sa mga kumuha nito.

Siya ay nagtrabaho bilang isang clerk at surveyor. Siya ay pumasok sa serbisyong pampamahalaan bilang piskal ng Mindoro at kalaunan ng Tayabas. Siya ay naging konsehal at nahalal na gobernador ng Tayabas noong 1906.

Pinakasalan ni Quezon ang kanyang pinsan na si Aurora Aragon noong 17 Disyembre 1918 at sila ay nagkaroon ng apat na anak.

Si Quezon ay nahalal sa unang Asembleyang Pilipino noong 1907 na kalaunang naging Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas. Siya ay naglingkod na majority floor leader at chairman of the committee sa mga apropriasyon. Mula 1909–1916, siya ay nagsilbing isa sa dalawang mga komisyoner sa Kapulungan ng mga Kinatawan ng Estados. Siya ay nag-lobby para sa pagpasa ng mga kinatawan ng Estados Unidos ng Philippine Autonomy Act o Jones Law.

Si Quezon ay bumalik sa Maynila noong 1916 at tumakbo at nahalal sa Senado ng Pilipinas. Kalaunan ay naging Pangulo ng Senado ng 19 na taon, hanggang 1935. Pinamunuan niya ang unang Independiyenteng Misyon sa Kongreso ng Estados Unidos noong 1919 na nagpasa ng Batas Tydings-McDuffie noong 1934. Noong 1922, siya ay naging pinuno ng Partido Nacionalista.

Noong 1935, Si Quezon ay tumakbo at nahalal na pangulo ng Pilipinas. Nakamit niya ang boto na 68% laban kina Emilio Aguinaldo at Gregorio Aglipay. Siya ang itinuturing na pangalawang pangulo ng Pilipinas pagkatapos ni Aguinaldo.

Ang isang probisyon sa konstitusyong ipinatupad ni Quezon ang tanong hinggil sa pambansang wika ng Pilipinas. Pagkatapos ng isang taong pag-aaral, ang Surian ng Wikang Pambansa na itinatag noong 1936 ay nagrekomenda na ang wikang Tagalog ang gawing basehan ng pambansang wika. Ang mungkahing ito ay mahusay na tinanggap sa kabila ng pagiging katutubong Bisaya ng unang direktor nitong si Jaime C. de Veyra. Noong Disyembre 1938, si Quezon ay naglabas ng proklamasyon na nagpapatibay sa konsitusyong ginawa ng Surian at naghahayag na mangyayari ang pag-tanggap ng pambansang wika sa loob ng dalawang taon mula rito.

Si Quezon ay ipinagbawal ng Konstitusyon na muling tumakbo sa halalan ng pagkapangulo. Gayunpaman, ang mga susog noong 1940 ay pinagtibay na pumapayag sa kanyang muling pagtakbo. Siya ay tumakbo at nahalal sa halalan ng pagkapangulo noong 1941 na may halos 82 porsiyento laban kay Juan Sumulong.

Pagkatapos ng pasimula ng pananakop ng Hapon sa Pilipinas noong 8 Disyembre 1941, sina Heneral Douglas MacArthur at Quezon ay lumikas sa Bataan noong 24 Disyembre 1941. Si Quezon ay pinayuhan ni MacArthur na lumikas sa Corregidor kung saan isinagawa ang kanyang inagurasyon bilang Pangulo ng Pilipinas noong 30 Disyembre 1941. Ang mga Hapones ay pumasok sa siyudad ng Maynila noong 2 Enero 1942 at itinatag ito bilang kabisera. Buong nasakop ng Hapon ang Pilipinas noong 6 Mayo 1942 pagkatapos ng Labanan ng Corregidor. Pagkatapos ay lumikas si Quezon sa Bisayas at Mindanao at sa pag-anyaya ng pamahalaan ng Estados Unidos ay lumikas siya sa Australia at pagkatapos ay sa Estados Unidos. Sa Estados Unidos ay itinatag niya ang pamahalaang Komonwelt ng Pilipinas na ang headquarter ay sa Washington, D.C. Doon ay nagsilbi siyang kasapi ng Pacific War Council at lumagda sa deklarasyon ng United Nations laban sa Axis Powers. Doon ay kanya ring isinulat ang kanyang sariling talambuhay na pinamagatang “The Good Fight”.

Binuwag ni Heneral Masaharu Homma ang Komonwelt ng Pilipinas at itinatag ang Komisyong Tagapagpaganap ng Pilipinas bilang nangangalagang pamahalaan na si Jorge B. Vargas ang unang chairman noong Enero 1942. Ang KALIBAPI o Kapisanan sa Paglilingkod sa Bagong Pilipinas, ay binuo ng Proklamasyon bilang 109 ng Komisyong Tagapagpaganap noong 8 Disyembre 1942 na nagbabawal sa lahat ng mga umiiral na partidong pampolitika at paglikha ng mga bagong alyansang pamahalaan. Bago ang pagbuo ng komisyon, ang Pilipinas ay binigyan ng Hapon ng opsiyon na isailalim ang Pilipinas sa diktadurya ni Artemio Ricarte na ibinalik ng mga Hapones mula sa Yokohama. Ito ay hindi tinanggap ng Komisyon na nagpasyang gawing republika ang Pilipinas. Sa unang pagdalaw sa Pilipinas ni Punong Ministro Hideki Tojo noong 6 Mayo 1943 ay nangako siyang ibabalik ang kalayaan ng Pilipinas bilang bahagi ng Pan-Asyanismo nito o Asya para sa Asyano. Ito ay nagtulak sa KALIBAPI na lumikha ng komiteng paghahanda para sa kalayaan ng Pilipinas noong 19 Hunyo 1943. Ang isang draptong konstitusyon ay binuo ng komisyon na binubuo ng 20 kasapi mula sa KALIBAPI. Ito ay pinamunuan ni Jose P. Laurel na nagtanghal ng draptong konstitusyon noong Setyemre 4, 1943 at pagkatapos ng 3 araw ay pinagtibay ng pangakalahatang asemblea ng KALIBAPI. Noong 20 Setyembre 1943, hinalal ng mga pangkat na kinatawan ng KALIBAPI sa mga probinsiya at siyudad mula sa kanilang sarili ang 54 kasapi ng Pambansang Asemblea ng Pilipinas na may 54 gobernador at mga alkalde ng lungsod bilang mga kasaping ex-oficio. Pagkatapos ng tatlong araw, ang sesyon ng Pambansang Asemblea ay humalal kina Jose P. Laurel bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas at Benigno S. Aquino Sr. bilang unang speaker nito. Itinaas nina Aguinaldo at Ricarte ang watawat ng Pilipinas.

Ayon sa Saligang Batas ng Pilipinas ng 1935, ang termino ni Manuel L. Quezon bilang pangulo ay magwawakas noong 30 Disyembre 1943 at ang pangalawang Pangulo na si Sergio Osmeña ang automatikong hahalili sa kanya. Ito ay ipinaalam ni Osmeña kay Quezon ngunit naniwala si Quezon na hindi matalinong ipatupad ang tadhanang ito ng Saligang Batas dahil sa mga kasalukuyang sirkunstansiya ng pamahalaan ng Pilipinas. Hindi ito tinanggap ni Osmeña at hiniling ang opinyon ni U.S. Attorney General Homer Cummings na umayon kay Osmeña. Gayunpaman, ito ay hindi tinanggap ni Quezon at hiniling niya kay Pangulong Franklin D. Roosevelt ng Estados Unidos na magbigay ng desisyon ngunit ito’y tumangging manghimasok at sa halip ay ipinayong ito ay dapat lutasin ng mga opisyal ng pamahalaang Komonwelt ni Quezon. Pagkatapos ng pagpupulong, hiniling ni Osmeña sa Kongreso ng Estados Unidos na suspendihin muna ang pagpapatupad ng tadhana ng 1935 Saligang Batas ng Pilipinas sa paghalili ng pangulo hanggang sa pagkatapos mapalaya ang Pilipinas mula sa mga Hapones. Ito ay inayunan ni Quezon at ng kanyang Gabinete. Ang panukala ay pinagtibay ng Senado ng Estados Unidos at mga Kinatawan ng Estados Unidos noong 10 Nobyembre 1943.

Si Quezon ay nagkasakit ng tuberkolosis at iginugol ang kanyang huling taon sa cottage sa Saranac Lake sa New York kung saan siya ay namatay noong 1 Agosto 1944. Siya ay inilibing sa Arlington National Cemetery sa Estados Unidos. Pagkaraan, ang kanyang labi ay inilibing muli sa Manila North Cemetery noong 17 Hulyo 1946 bago inilipat sa Quezon Memorial Circle noong 19 Agosto 1979.

Ipinangalan sa kaniya ang Lungsod ng Quezon sa Kalakhang Maynila at ang lalawigan ng Quezon. Siya rin ang tinaguriang ‘Ama ng Wikang Pambansa’. #

Mga sanggunian:

• Reminiscences ni Douglas MacArthur (1964).
• The Good Fight ni Manuel L. Quezon (1946).
• Old Soldiers Never Die: The Life of Douglas MacArthur ni Geoffrey Perret (1996).

Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.