Posts

Sa ngalan ng iyong duguang baro

(Alay kay Dandy Miguel)

Ni Raymund B. Villanueva

Domingo de Palaspas nang ika’y patayin

Ng mga kalul’wang ‘di marunong mangilin

Akala ba nila’y kayang paslangin

Ang paninindigan mong maningning?

Tulad nila ang mga sundalo

Ng demonyong imperyong Romano

Ikaw nama’y tulad ni Kristo

Obrero, sugo’t rebolusyonaryo.

Kung ang kay Hesus ay katubusan

Oremus din ang iyong panawagan

“Sahod, trabaho at karapatan

Ipaglalaban, hanggang kamatayan!”

Tigmak ng dugo ang iyong baro

Binutas ng walong punglo

Bantay sila’t maniningil tayo

Maka-uri ang ating apokalipto.

-9:19 n.u.
29 Marso 2021
Lungsod Quezon

Habang sila ay nagsasalo-salo

Ni George Tumaob Calaor

May salo-salo sa gusali ng pangulo

may litson may birthday candle pang ibino-blow…

habang sa kabiserang banda ng bansang Pilipino

nagkukumahog sa pangamba ang mga tao…

muling ipapatupad ang ECQ

nang walang karampatang pag-aaviso…

tiyak maraming sikmura ang sa gutom ay mangungulo!

Ina…

may sanggol kang mangungulit ng gatas sa iyo…

Ama…

may asawa’t mga anak kang umaantabay sa pasalubong mo…

Mag-aaral…

malinaw pa ba ang iyong paningin

sa mga aralin sa online class mo—

may load pa ba ang internet mo—

mababasa mo pa ba ang modyul mo?

Manggagawa…

sapat pa ba ang kinikita mo—

kumusta na ang trabaho?

Magsasaka…

berding uhay ng ginintuang butil pa ba

ang kumakaway sa palayan mo?

May salo-salo sa gusali ng pangulo

may litson birthday candle nito’y ibino-blow…

sa Canlubang, Laguna

ang Pangalawang Pangulo

ng PAMANTIK-KMU…

pinagbabaril

at sa tinamo

ng tamang walo!…

marahas na binawian

ng buhay ito!

#DutertePalpak

#OUSTDUTERTENOW