Posts

Pakitang tao, isang insulto

Ibarra Banaag

Hulyo 27, 2022

Magpalit man ng hunos ang ahas ay ahas pa rin,

Magbago man ng kulay ang hunyango sa sanga,

O lumipad ng matayog sa langit ang uwak,

Taglay na uri at ugali ang magtatakda ng lahat.

Manghiram ka man ng kasuotan ng minorya,

O humarap sa madla na animo prinsesa,

Kahit may putong na korona at palamuti,

Batid ng masa ang ‘di malinis na budhi.

Hindi kayang ikubli ng pagpapanggap,

Gawing panangga sa mata ang damit nila,

Panghahalibas na nagtataboy sa kanila,

Hindi nito matatakpan ng damit na kinopya.

Kung iba ang tinuturan sa ginagawa,

Walang saysay na ” magpabibo” sa katutubo,

Kung totoong ikaw ay isang “nagmamahal”,

Bakit pinapasara kanilang iskwelahan!

Magsuot man ng porselas o kwintas,

Isa lamang dinastiya ang namamalas,

Kung saan nagpapasasa ang mga kapatas,

Kaya’t ang gimik ay malinaw na palabas.

Marami ang nilalang na mapanlinlang,

Magpalit man ng kulay at ng kaliskis,

Na nang-aakit ng mga buhay na malilingkis,

Nagsusuot ng balabal ng lahing kinukutya.

Ang tunay na “respeto” sa Manobo at Lumad,

Ay paggalang sa kanilang tahanan at gubat,

Kung isa ka sa nagpapalayas sa tao at anito,

Paimbabaw ang ginagawa at isang insulto.

Kahit sa balangkas ng pabalat-bunga,

O sa pamantayan ng isang hubad na komedya,

Ang salat at walang laman na pagkukunwari,

Sa mata ng mga ninuno ay nakapangdidiri.