Posts

ESCALATING REVOLUTION: One Billion Rising in UP Diliman

Students, faculty and staff of the University of the Philippines in Diliman held its One Billion Rising 2016 event last February 12.

Themed “Escalating Revolution” this year’s commemoration marks the fourth straight year the university held its own program as its contribution to the global campaign against violence against women.

One Billion Rising was started by playwright Eve Ensler (Vagina Monologues) to call attention to reports that one billion women have been victimized by rape and other forms of abuse worldwide.

Women’s group Gabriela said that one woman or child is raped every 53 minutes and one woman is battered every 20 minutes in the Philippines.

The country is also one of the origins of trafficked women, Gabriela said.

The main One Billion Rising 2016 event will be held at Rizal Park in Manila on Sunday, February 14.

Isulong ang Dignidad ng Kababaihang Manggagawa

PRIVILEGE SPEECH by Representative Emmi De Jesus
Gabriela Women’s Party
16 Pebrero 2015

Noong nakaraang Sabado, ang One Billion Rising program sa Pilipinas ay naging pambungad na aktibidad ng GABRIELA Alliance at Gabriela Women’s Party para sa darating na Marso 8, ang International Women’s Day. Ito ang pandaigdigang kampanya laban sa karahasan at pang-aabuso sa kababaihan na nilalahukan ng mahigit 200 bansa.

Hindi maihihiwalay ang usapin ng violence against women and children sa usaping pangkabuhayan ng kababaihan. Nag-iiwan ng latay at psychological scars ang domestic violence at iba pang anyo ng gender violence, pero ito ay pwedeng ikubli sa pamamagitan ng pagpahid ng concealer at foundation sa pasa, at sa mismong pananahimik ng biktima. Ngunit ang economic violence sa kababaihan ay hindi mapagtatakpan ng mga datos na ibinibigay ng pamahalaan.

Laganap ang tanggalan, ang sexual harassment sa pagawaan. Maraming kababaihang biktima ng forced resignation, pagbabawal sa pag-uunyon, pagbabawal sa welga, illegal retrenchment, at biglaang pagsasara ng pabrika. Ang resulta ay gutom at paghihirap ng mga pamilya. Imbis kung ihahambing sa domestic violence, ang krimen ng economic violence ng kapitalista sa kababaihan, kung krimen man ito matatawag sa batas, ay biglaan at malawakan. Madalas kapag may biglang nagsarang pabrika o may welgang hindi nalutas, maaaring bara-barangay ang apektado. At dahil malawakan ang insidente ng pagyurak sa karapatan ng kababaihan sa hanapbuhay, ang problema ng kababaihan sa empleyo ay isa nang pambansang suliranin. Ngunit katulad ng latay ng karahasan, ang datos na ibinibigay ay minamasahe, para maampat ang pamamaga at pagbukol ng nabubuong pasa ng unemployment figures. Nariyang isama sa bilang ng employed ang mga nagtitinda ng kendi sa bangketa at nangangalakal ng junk sa ilalim ng “self-employed trade” para gumanda ang pigurang hahangaan ng financial ratings agencies at mga experto ng ADB, APEC, World Bank, at World Economic Forum.

Ang economic violence na nangangailangan ng lunas ay tila hindi masasagot ng gobyernong ito. May matatakbuhan man sa batas at masasangguniang mga ahensya ang biktima, mas malamang kaysa sa hindi, kakampi ang estado sa pribilehiyo ng investor. Sa bisa ng Labor Code at DOLE Order No. 08-02, umiiral ang kontraktuwalisasyon sa paggawa, at mayorya ngayon sa empleyado ay contractual. Ang laksa-laksang salesladies sa mga shopping malls ay halos wala nang mga benepisyo katulad ng maternity leaves. Hindi lamang kalusugan ng manggagawa ang maaaring malagay sa peligro. Kahit ang driver na nasangkot sa sakuna sa MRT na ikinasugat ng maraming pasahero ay nagbunyag na ang mga “desirable and necessary work in the business of MRT” ay kontraktuwal sa kabila ng 6 na taon na niyang pag-eempleyo. Hindi ba ito ay malinaw na paglabag ng DOTC na nagbabawal ng labor-only contracting?

Kahit mga bangko na dati ay sandalan ng kababaihang may nais ng matagalang employment security, ay naghahabol ng sobra-sobrang ganansya nang gawing contractual din ang regular staff positions dahil pinahihintulutan na ng Banko Sentral ng Pilipinas, sa bisa ng BSP Memorandum Circular 268 na nagpahintulot ng subcontracting sa mga job agencies ng trabahong credit investigation and appraisal, credit cards, information technology, clearing, security, messengerial, tax management, and financial accounting. Hindi ba nalalagay ang seguridad ng financial transactions kung ipipilit na gawing kontraktuwal ang sensitibong trabaho?

Ang daing ng tatlong libong manggagawa ng Carina Apparel na biglang nawalan ng trabaho nang magsara ang pabrika ng walang abiso ay hindi inaaksyunan ng Department of Labor and Employment, ayon sa Kilusang Mayo Uno, alang-alang na lang sa polisiya ng gobyernong Aquino na patuloy na maakit ang dayuhang pamumuhunan sa Special Economic Zones. Kasabay ng pagbubukas ng ekonomiya ng bansa sa globalisasyon mula nang ang Pilipinas sa pamumuno ni Presidente Fidel Ramos ay lumagda sa General Agreements on Tariffs and Trade o GATT, naobliga ang estado na alisin ang proteksyon sa mga manggagawa. Sa ngalan ng liberalisasyon ng ekonomiya, ang mga batas sa regular na paggawa at minimum wage ay pinalabnaw para mahabol ang pinakabarat na pasahod sa rehiyon ng Asya.

Nakatali pa din hanggang ngayon sa mga patakaran ng globalisasyon ang papalalang kalagayan ng empleyo. Bilang halimbawa, banggitin na natin ang isang hindi masyadong napapansing proyekto ng administrasyon, ang AFTA. Maraming trabahong maglalaho kapag nagkabisa na sa taong ito ang ASEAN Free Trade Area o AFTA. Dahil sa iskemang Common Effective Preferential Tariff, ang taripa sa inaangkat na asukal ay ibabagsak sa 5 porsyento na lang. Resulta nito ay babaha ng murang asukal ang ating merkado, at manganganib ang trabaho ng 62,000 na manggagawa sa industriya. Malaking bilang ng mga sakada at farmworkers ay kababaihang nakaasa sa seasonal labor, na karamihan pa nga ay underpaid o unpaid family labor. Maliban pa ito sa mga isinusulong na panukalang maaaring lubusan nang matanggal ang mga protectionist provisions na nakasaad sa ating Saligang Batas.

Sa kabila ng nakakapagtakang paglitaw ng Pilipinas bilang pangsiyam na top performing sa gender equality in the workplace sa ranggo ng World Economic Forum’s 2014 Global Gender Gap report, nasilip ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research o EILER na batay mismo sa datos ng Bureau of Labor and Employment Statistics’ Gender Statistics on Labor and Employment na ang katotohanan, ang kababaihan ay higit na nasadlak sa kahirapan. Women bear the brunt of the highly backward domestic economy as they are concentrated on volatile and informal jobs with low or no wages at all. May 2.3 million na babae na walang sahod kahit may ginagawang produksyon, lalo na sa kanayunan, at masahol pa kay Cinderalla, pasan pa nila ang pasakit ng abuso at karahasan. Ang mahabang oras ng kanilang paggawa ay nagdudulot ng peligro sa kanilang kalusugan at kakayahang magtaguyod ng pamilya.

Ayon pa sa EILER, sa manufacturing sector, dehado ang kababaihan dahil ang kanilang sahod ay 7.3 poryentong mas mababa kaysa sa sahod ng kalalakihan. Pinakamatindi sa hotels and restaurants subsector, dahil ang sahod nila ay 80 porsyentong mas mababa.

Hungkag na kaunlaran ang pangako ng Philippine Labor and Employment Plan (PLEP) 2011-2016 ng administrasyon Aquino. Ang patakaran ng PLEP ay hindi paglikha ng bago at makataong trabaho dahil mas nakatutok sa pag-akit ng dayuhan at lokal na investor sa tinawag nitong “key job-generating areas” na turismo, business process outsourcing at pagmimina. Tahasan nitong ipinalit sa “employment creation” ang “employment facilitation” sa paniniwalang marami namang trabaho, ang problema lang diumano ay ang mismatch ng skills sa trabahong in-demand. Sa pagtutok sa mga service skills, ipinihit na din ang sistema ng edukasyon patungo sa paglikha ng short-term courses na alok sa dinisenyong K-12 at TESDA training.

Ang employment policy ng gobyerno ni Presidente Aquino ay ang patuloy na pagtutulak ng kontraktwalisasyon na malakas na sinusuportahan ng Joint Foreign Chambers of Commerce. Ang empleyo na panukala nito ay pansamantala at kontraktuwal. Nakabatay ang pamumuhunan sa paglilingkod sa pangangailangan ng dayuhang merkado, kaya ang infrastructure at capacity building na binabadyetan pa ng taon-taong GAA ay para sa paglago ng mga service workers na madaling madispatsa at mawalan ng trabaho dahil sa hindi stable, hindi permanente ang epekto ng ganitong klaseng investments.

Ang kailangan ng lokal na merkado at ng maralitang kababaihan ay pagkain, kalusugan, makamasang pabahay, at transportasyon. Sa kasalukuyang lebel ng kaunlaran ng Pilipinas na may ekonomiyang hindi malusog, malayo sa katotohanan ang maengganyo tayo magpa-spa o mamasyal sa tourist spots tuwing weekend o magpalit ng gadget buwan-buwan. Harapin na natin ang katotohanan. Wala tayong sariling industrial base. Ang renaissance of the manufacturing sector na pinangangalandakan ng NEDA ay ang pagkalat pa ng special economic zones na gagawa ulit ng electronics para sa dayuhang market na binabaha na ng tablets at garments. Ang markets para dito ay hindi na nga gumagalaw dahil sa oversupply mula sa kakompetensyang manufacturing bases sa Asya, at dahil sa krisis sa Europa at ibang bansang dapat sana ay may perang pambili ng export products natin.
Ginoong/Ginang Speaker, mga kasama sa kapulungang ito, ang magbibigay ng tunay na empleyo para sa kababaihan ay ang nationalist industrialization. Ang tunay na programang makabansa ay hindi sunud-sunuran sa trending ng foreign market na malalaos din naman na wala pang isang buwang singkad. Ang tunay na ekonomiya ay inuuna ang food security ng kababaihan at ng mga pamilya natin. Ang makabansang oil industry ang maglilinang ng sarili nating langis at hindi isusubasta sa 20 oil exploration contracts sa mga dayuhan. Ang makabansang industriya ng kemikal, metal, at kuryente ang sagot sa kakulangan ng riles at bagon ng tren. Ang makabansang agrikultura ang lulutas sa krisis ng bigas. Ang bansang may malakas na industrial base ay hindi makakamit sa pagpaparami ng serbidor sa mga otel at mall o mga freelancer na walang tiyak na empleyo.

Sabi sa Artikulo 13 ng Saligang Batas, “The State shall afford full protection to labor, local and overseas, organized and unorganized, and promote full employment and equality of employment opportunities for all.” Simulan na natin dito sa Kamara ang pagpapatotoo ng iniatas sa atin. Hindi tayo dapat magkasya sa pag-ulit-ulit ng mantra ng inclusive growth, dahil ang lahat ng nabuong plano sa ilalim ng panguluhang ito ay hindi inclusive, at puro growth lamang sa dayuhan. Makakatulong din ang pinagbilin ni Pope Francis sa kanyang Evangelii Gaudium sa paglapat ng bagong pilosipiya sa pagsasabatas. “As long as the problems of the poor are not radically resolved by rejecting the absolute autonomy of markets and financial speculation and by attacking the structural causes of inequality, no solution will be found for the world’s problems or, for that matter, to any problems. Inequality is the root of social ills.”

Magtulong-tulong tayo na ibalik ang dignidad ng manggagawa. Ibasura ang kontraktuwalisasyon, isabatas ang minimum wage na ayon sa pangangailangan at gastusing pang-araw-araw. Bilang pangwakas, hayaan ninyong ipaabot ko ang paanyaya sa darating na Marso 8, na dumalo at magpadalo ng inyong distrito sa paggunita ng International Women’s Day.