Pambansang Kilos-Protesta, Ikinasa ng mga Tsuper
Mendiola, Manila
March 24, 2015
Idinaos ngayong araw ang pambansang kilos-protesta ng mga tsuper na pinangunahan ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide o PISTON. Sinabi ni George San Mateo, pambansang tagapangulo ng PISTON, sisingilin at ipapanawagan nila ang pagbibitiw sa pwesto ni Pangulong Aquino dahil sa bigat ng mga kasalanan at pahirap na pinataw nito sa mga drayber at mamamayan sa limang taong panunungkulan nito.
Ayon kay San Mateo, isasagawa nila sa Metro Manila ang malaking transport caravan protest mula NHA Central Office sa Quezon City Circle patungong Mendiola.
Ayon pa kay San Mateo, lalong tumindi sa ilalim ni Aquino ang hirap na dinanas ng mga drayber at operators. Kabilang dito ang patuloy na overpricing sa produktong petrolyo na puminsala sa kabuhayan ng mga drayber at mamamayan dahil sa pagtanggi ni Aquino na ibasura ang Oil Deregulation Law, ang 12% VAT sa langis at sa patuloy na pagtanggi ni PNOY na ipatupad ang regulasyon at nasyunalisasyon sa industriya ng langis sa Pilipinas.