Mga tula para kina Nonoy at Neil
ANG IKALIMANG BULKAN NG NEGROS
Ni Raymund B. Villanueva
Ang Negros ay may limang bulkan:
Kanlaon, Talinis, Silay at Mandalagan
Habang ang iba’y himbing, madalas magbuga ang una
Pinaka-masipag ang panlima, ngala’y Nonoy Espina.
Totoong ang Kanlaon ang pinakamatayog
Ngunit si Nonoy ang siyang bantayog
Siyang walang tabing na ulap at sinag sa tuktok
Ulo’y yukod sa lupa, korona’y puting buhok.
At kung si Nonoy ang nag-iingay
Hindi lamang ungol, hindi lamang dighay
Sabog kung sabog, walang awatan
Tulad ng apat, tunay ring bulkan.
Ngunit ang apoy niya’y biyaya
Liwanag sa karimlan, sa dibdib ay pag-asa
Pampatining ng bakal, pampatibay ng tuhod
Sa mga nanghihina’y pantuwid ng gulugod.
Bawat pagsabog niya’y pagpapala
Alay pagdaka ay matabang lupa
Tayong mortal ay hinikayat magtanim
Sa bukang-liwayway ay may aanihin.
Ating bulkan man ngayo’y himlay
Hindi niya nais ang protracted na lumbay
Bakas niya’y habang buhay na gabay:
“Taena, bok, gapiin ang kaaway!”
–1:20 n.h.
16 Hulyo 2021
Lungsod Quezon
= = = = = = = =
PANÁTA NI DOLÓ
(Pagkaraán ng “Alípin ng Gútom”, Linocut, 18”x18”, 2015)
Ni Rene Boy Abiva
(i)
Pinupúnit nitong tínta, pinsél, at kámbas ang bagsík
Ng balutìng púro dugô. Di yatà’t pawang taláhib
Na mabilís makasúgat sa mga paá’t balíkat
Papakín mo man ng halík ay tiyák na magnanaknák.
(ii)
Kung gayon, ang báwat hágod ng patúlis at manipís
Na brótsa ay pawang tukâ ng tandáng na bumabásag
Sa báwat madalîng-áraw. “Doló! May imórtalidád?”
“Walâ! Pantásya lang ito ng pala-túlog na burgís!”
(iii)
Halá! Bángo’t magsigísing kayóng mga maka-síning,
At h’wág sanang ikatwírang ngayón lang kayó nagisíng!
Matutúhan niyo sana na kung kayó’y isáng bagtíng
At sa digmàan gamítin, alípin ay magpipigíng!
(iv)
Ah! Mukhâng tamà nga yatà ang sabi ng matatandâ
Doón sa libís ng Tayug, lupàng mahál ni Calosa,
“Íngatan mo’t parámihin itong mga sambásambá,
Pagkát mínsa’y itinumbá nilá ang gintông kalésa.”
(v)
Ganyán, ganyán ang kamandág! Nakakanginíg ng pálad!
Yaóng para kang bumúhat ng tubó túngong kamálig,
O nagkamáda ng batóng umugáog sa daigdíg;
Ganitó nga kung wásakin ng ’saáng pintór ang ligálig.
= = = = = = = = =
(Ang mga tulang ito ay handog kina Jose Jaime “Nonoy” L. Espina ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at Leonilo “Neil” O. Doloricon ng Concerned Artists of the Philippines (CAP). Si Nonoy ay pumanaw noong Hulyo 7 samantalang si Neil ay namaalam noong Hulyo 16, kapwa sa sakit.
Kapwa silang kasaping tagapagtatag ng kani-kanilang organisasyon at mga kagyat na dating tagapangulo ng mga ito sa panahon ng kanilang kamatayan. Si Nonoy ay tagapangulo ng NUJP mula 2018 hanggang Marso 2021 at si Neil nama’y tagapangulo ng CAP mula 2019 hanggang Mayo ngayong taon.
Mga nangugunang tagapag-tanggol ng kalayaan sa pamamahayag at ekspresyon, huling nagkasama sina Neil at Nonoy sa pinakalamalaking pagkilos para sa karapatang ito ng bansa noong 2020 sa harap ng ABS-CBN sa Lungsod Quezon.)