SERYE BABAE: Pagkakilala sa isang Ina
Ni Nuel M. Bacarra
Naranasan kong magtinda ng pandesal sa madaling-araw at maglako ng sinulbot na siyang katawagan sa aming probinsya sa banana cue. Naging taga-bilad din ako ng palay ng tiyuhin ko, maghakot at magpasan nito sa edad na 12. Minsan ding nag-alaga ng kambing at kasa-kasama ng Inay sa pagtitinda ng isda sa palengke.
Ito ang aking buhay noong pinatigil ako sa pag-aaral matapos kong grumadweyt ng grade six. Magsasabay kami ng sinundan kong kapatid sa hayskul kaya minabuting pahintuin muna ako. Wala akong magawa dahil ito ang naging desisyon ng nanay ko. Kung magsasabay kami ng kapatid ko, fourth year siya at first year naman sana ako. Pero dahil sa maralitang pamumuhay, obligadong huminto ako dahil hindi kakayanin ang matrikula na ₱12.50 sa hayskul noong 1975 kada buwan, kung dalawa kaming magsasabay sa pagpasok.
Pamamaalam
Kinagisnan kong maysakit na ang ama ko kaya tanging ang ina ko ang sandigan ng pamilya hanggang sa pumanaw ang aking ama. Nang nagsipag-asawa ang ibang nakatatanda kong mga kapatid, naiwan ang responsibilidad ng pagtataguyod sa pamilya sa aking ina, katuwang ang iba ko pang nakababatang kapatid.
Grade 3 pa lang ako noong 1972 nang namatay ang tatay ko dahil sa tuberculosis. Sa 12 na magkakapatid, apat lamang ang nakatapos ng kolehiyo at ako na bunso lamang ang hindi nakaranas na magtrabaho habang nag-aaral.
Nang makatapos ako ng kolehiyo noong 1983, pinili kong maging buong panahong organisador. Direkta kong sinabi sa nanay ko na “baka matagal na ako bago makabalik” o “maaaring hindi na.” At hindi ko malilimutan ang tugon ng ina ko: “Siya! Mag-iingat ka na lang.” Hindi ko ikinatuwa na ang dali niyang magpasya, o sagutin ang pamamaalam ko. Nabigla rin ako. Sa loob ko, bakit naman hindi niya ako pinigilan? Hindi ba niya ako minahal? Yan ang hinanakit-bukid ko sa nanay ko, kung may karapatan nga ba akong maghinanakit.
Iyong isang kapatid kong babae na tumulong sa akin para makapag-kolehiyo ang may hinanakit sa akin nang ako ay umalis dahil ako ang inaaasahang mag-ahon sa aming kahirapan. Nang nasa Maynila na ako, apat na taon kong trinabaho ang pagsulat sa kanila para maunawaan ang kapasyahan kong iwan ang pamilya para sumanib sa mga organisasyon ng mga kabataan-estudyante at manggagawa sa Kamaynilaan.
Laro
Nasa elementarya pa lamang ako sa prubinsya, ugali ng magkakapatid na maglaro ng tres-siete gamit ang barahang Tagalog (yaong ang tawag sa bawat suit ay kopas, bastos, oros at espada). Para sa apat katao ang larong ito. Libangang may sabwatang dayaan ng magkakapatid, at ang promoter: ang Inay. Katuwaan itong nagiging simula ng tampuhan na tinatapos din sa katuwaan ng pagbabaraha nila.
Sa kanila ko lang nakita ang ganitong laro. Hindi ko alam kung laganap ito sa buong prubinsya. Pinapanood lamang naming magpipinsan ang paglalaro nila.
Lumipas pa ang ilang taon, minsan ay nagkita kami ng Inay sa boarding house ng mga pinsan ko sa Lardizabal. Kinumusta ko siya. Maikli pa rin ang tugon niya: “Ayos naman.” Hindi ko matandaan na may naging mahabang pakikipag-usap kaming magkakapatid sa Inay. Matipid ang salita, puro gawa. Hindi nagrereklamo kahit batid kong nahihirapan. Matatag siya at hindi ko mawari kung paano niya nagampanan ang pagiging mayor na tagapasan ng isang pamilyang ganoon kalaki.
Noong nasa Lardizabal sila ng dalawa pa niyang kapatid na babae, saka ko lang nalaman na marunong palang mag-mahjong ang Inay. Katuwaan nilang magkakapatid at walang imbweltong perang kakabigin.
Ang tanging bisyo ng nanay ko ay mag-bingo. Napupuyat siya hanggang hatinggabi para makabawi diumano sa natalo. Pero sa aming magkakapatid, walang kumontra sa kanya. Naglilibang marahil.
Trahedya
Minsan ay nagpaabot ang Inay na kailangan nila ng tulong dahil binagyo sila at sapul ang lugar namin sa prubinsya. Nakiusap ako sa isang kamag-anak na nasa isang non-government organization (NGO) na nakabase sa Kamaynilaan para hingan ng tulong. Kailangan ng pruweba umano sa inabot na pinsala para makapagbigay ng tulong. Kaya nagpadala ang mga kapatid ko doon ng litrato. Litrato ng Inay na nakaupo sa hagdan ang pinadala nila, pero wala nang natirang sahig, walang dingding at walang bubong ang bahay namin. Tanging ang apat na haliging madre de kakaw ang nakatayo. Nakakaiyak tingnan at maging ang itsura ng nanay na bakas ang hinagpis sa kanyang mukha sa larawan. Bandang 1986 ito.
Krisis ito sa pamilya at krisis maging sa akin. Krisis ng pag-aalala sa iniwang magulang at mga kapatid Nang maipadala ko ang ₱3,000.00 na tulong mula sa NGO ng pinsan ko, kahit paano ay nakatulong ito sa ilang gastusin. Nang kumustahin ko ang ang lagay ng Inay, kayod kalabaw na muli. Tahimik na nagtatrabaho. Hindi dumadaing.
Sa pag-alaala sa kanya, mas marami pa siguro akong naí-iyák kaysa sa kanya. Bagamat mas mahaba na ang panahon na kami ay magkawalay, walang pagkakataon na nakita ko siyang umiyak. Wala rin sa aming magkakapatid ang naging kasagutan o nakipagtalo sa kanya. Wala rin akong narinig sa mga kapatid ko mismo na komentaryo sa Inay.
Hindi siya uliran kung ang pamatayan para sa pagturing na ganito ay ang dunong sa buhay dahil grade IV lamang ang natapos niya. Hindi siya perpekto kung susukatin ang pagbibigay sa amin ng aming mga pangangailangan. Hindi naman siya modelo ng pagtitiis. Ibinuhos lang niya talaga ang kanyang lakas sa pagtataguyod ng aming pamilya at iyon ang tanging kong panghahawakan at marapat ipagmalaki.
Ang mga apo niyang kalapit-bahay lamang ang nagsilbing taga-alaga niya. Habang unti-unting nawawala ang memorya niya, na kahit ang mga apo niya ay hindi na makilala bagamat kahalubilo niya halos araw-araw, batid ng mga nakapaligid sa kanya na siya ay isang naging mabuting lola at ina sa aming magkakapatid. Sa edad na 88, masasabi kong nabuhay siyang ginawa ang lahat nang makakaya para sa amin na itinuro ang pag-asa sa sarili nang walang inaargabyadong kapwa.
Sa puntong ito ng aking buhay, patuloy kong ipagmamalaki ang buhay ng aking ina, si Daira, saan man ako abutin ng aking paglalakbay. #
________________________
*Daira – bansag ng bunsong kapatid ng Inay sa kanya. Wala nang nakaalam ng alamat o pinanggalingan ng pangalang ito.