Paano aalagaan ang mental health ngayong COVID lockdown?
“Sa panahon ngayon, importante ang social connection at psycho-social support sa bawat isa. Ok tayo sa pisikal na distancing pero tuloy dapat ang social connection. Sa social connection papasok ang pagtutulungan ng bawat miyembro ng pamilya para matagalan ang ECQ. Ito ang panahon ng family bonding.“
Ni Dr. Reggie Pamugas/Panayam ni Raymund B. Villanueva
Sinasabi ng mga eksperto sa mundo na nagiging pandemya na rin sa mental health ang krisis na dulot ng coronavirus na pinalalala ng kwarantina at mga lockdown na nag-uutos sa mga tao na manatili na lamang muna sa loob ng bahay. Dahil mahigit nang dalawang buwan ang lockdown sa mga bansa katulad ng sa Pilipinas, marami na marahil ang nakakaranas ng psychological stress dulot ng pagkakakulong, kawalan ng interaksyon sa mga dating nakakasalamuha at kawalan ng kasiguruhan sa hanapbuhay at ikabubuhay.
Kinapanayam ng Kodao ang isa sa pinaka-aktibong sikolohista na nagbibigay-tulong sa mga pamayanang nakararanas ng matinding psychological stress. Siya marahil ang pinaka-aktibong tumulong sa mga pamayanan sa Silangang Bisayas matapos ang super-bagyong Yolanda. Siya rin ang nagbibigay-tulong sa mga taong may psychological stress dahil sa kanilang trabaho, tulad ng mga mamamahayag.
1. Ano ang mental health?
Ang kalusugang pangkaisipan o mental health, ayon sa World Health Organization ay isang kalagayan ng kagalingan kung saan ang isang tao ay maalam sa kanyang abilidad, kayang umagapay sa pangkaraniwang stress ng buhay, nakakapag-trabaho ng maayos, at nakakapag-ambag sa kanyang pamayanan.
Ang sakit sa pag-iisip o mental illnesses naman ay isang kondisyong pangkalusugan na nakakakitaan ng pagbabago-bago sa emosyon, pag-iisip o pag-uugali o kumbinasyon ng mga ito. Dulot ito ng distress o mga suliraning nagmumula sa sosyal, trabaho, o relasyon at aktibidad sa pamilya. Ito naman ay ayon sa American Psychiatric Association.
2. Ano ang dulot ng lockdown na ito sa mental health ng karaniwang mamamayan, partikular sa tila walang malinaw na plano hinggil sa kabuhayan, pagkain, transportasyon ng mga kailangan pa ring lumabas bilang frontliners o manggagawa o arawan lamang ang kita?
Malaki ang epekto ng lockdown sa mental health ng tao. Ang tao ay social beings, kaya nung pinatupad ung social distancing na kasama sa ECQ, medyo nahirapan ung mga tao. Karamihan ay nakaramdam ngstress, nerbyos, pag-alala, kahirapan sa pagtulog, at iba pa dahil sa isip na walang kasiguraduhan at ang pagbabago ng situation (pandemic na). At dahil first time itong naranasan ng karamihan ng Pilipino, marami talaga ang kinakabahan at na-apektuhan ang kanila at ating mental health. Ang nakadagdag pa sa problema ay hindi malinaw na guidelines o plano mula sa ating gobyerno o pa-iba-iba ang sinasabi ng gobyerno at kulang ng information dissemination sa mga tao at komunidad.
3. Paano nakaka-apekto ang lockdown na ito sa mental health ng karaniwang mamamayan sa pagmamalabis sa implementasyon nito ng mga taong-gubyerno, tulad ng pagbibilad sa mga violators daw sa quarantine, pananakit sa iba, pamamahiya, at iba pang banta sa kanila?
Sa mga taong may otoridad (pulis at military o barangay tanod) lalong dumarami ang pang-aabuso sa kapangyarihan. Dahil ang training nila ay security response at hindi medikal o matinding pag-unawa sa kapwa. Kaya, madalas, labis na implentasyon o paglabag sa karapatang pantao ang ginagawa nila. Iba ang perspective ng nagpapatupad/ LGU/ national government kumpara sa mamamayan. May covid19 pandemic man o wala, basta may paglabag sa karapantang pantao, itoy nakaka-apekto sa isipan ng tao. Isa itong traumatic experience sa kanya na hindi nya makakalimutan at pwedeng magdulot sa sakit sa isipan. Nakakalungkot lang isipin na kahit sa panahon ng covid19 ay may pangyayaring pang-aabuso pa rin sa kapwa Pilipino sa halip ng compassion, pag-unawa at pagpapasensya.
4. Ano ang dulot ng lockdown na ito sa mental health ng karaniwang mamamayan matapos nilang malaman na ang mga taong may pribilehiyo tulad nina Senador Koko Pimental ay nakakaikot pa sa mga lugar at may mga wala namang sintomas at hindi frontliner ay nauuna sa Covid-19 testing?
Minsan nahahati ang reaksyon ng mga tao dahil sa pag-iisip na opisyal sila ng gobyerno kaya may pribilehiyo sila. Pero karamihan ng mga tao ay nagagalit sa mga pag-aabuso ng mga gobyernong opisyal. Sa panahon ng covid19, dapat may role model o responsableng tao/opisyal na sinosunod ang mamamayan para may kaayusan. Pero hindi ito nangyayari. Kapag hindi matino ang isang leader o gobyernong opisyal, magulo ang resulta. Korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan ang nangyayari.
5. Ano ang dulot ng lockdown na ito sa mental health ng mamayan kung bawas ang impormasyong natatanggap nila dahil sa limitasyong imposed sa mga alagad ng media?
Kapag kulang ang impormasyon na nakukuha ang mamamayan dahil sa limitasyon ng media ay lalong nagdudulot ito ng pangamba, takot, nerbyos sa mga tao. Ang dagdag problema pa ay dumadami ang mga fake news na lalong nakakalito sa mamamayan.
6. Ano ang dulot ng lockdown na ito sa mental health ng mamamayan kung naglipana ang fake news, pati na rin ang galing mismo sa pamahalaan?
Hindi nakakatulong yung paglaganap ng fake news sa ating bansa. Ang mga tao sa panahon ng krisis ay umaasa sa tulong ng ating gobyerno. Kapag nalilito ang tao dahil sa fake news lalo sa panahon ng krisis, lalo silang matatakot at magpa-panic. Pwede rin itong magdulot ng away sa kapwa tao.
7. Ano ang dulot ng lockdown sa mental health ng mamamayan kung walang malinaw na impormasyon kung matagumpay ba o hindi ang ginagawa ng pamahalaan upang tugunan ang krisis, kung kailan ba matatapos ang lockdown, at kung ano ang plano matapos ang ilang buwang community quarantine?
Kung walang malinaw na impormasyon sa plano kung paano sugpuin ang covid19 o hanggang kalian ‘yung lockdown, lalong maging nerbyoso, magpa-panic o matatakot ang mag tao. Kaya ang iba ay hindi sumusunod sa ECQ/ quarantine, maliban pa sa rason na ekonomiko dahil hindi malinaw ang impormasyon tungkol sa covid19 o plano sa pagsugpo nito.
8. Bakit mahalaga na pangalagaan ang mental health ng mamamayang isinasailalalim sa community quarantine, lalo na yung mga nasa isolation, forced o voluntary?
Mahalagang mapangalagaan ang mental health sa panahon ng ECQ para hindi magkasakit sa isipan. Ang tao ay sociable creature by nature kaya nakakapanibago itong isolation or ECQ sa mga tao. Natatakot, kinakabahan o pwedeng magkaroon ng pagduda sa ibang tao kapag nagkaroon ng matagal na isolation.
9. Paano pangangalagaan ang mental health ng mga nasa lockdown at quarantine? Paano magtutulungan ang mga miyembro ng pamilya upang matagalan itong community quarantine ng pamahalaan?
Mahalaga na mapangalagaan ang ating mental health sa panahon ng lockdown. Sa individual pwede niyang gawin ang ABC ng Mental Health Care.
Ung “A” ay awareness. Self-awareness at situational awareness. Dapat kilala mo sarili mo, ang inyong kalakasan at iyong pwede pang ayusin. Dapat well-informed ka din sa mga balita. Pero mag-ingat iyong mga vulnerable sa isip, yung mga madaling mag-alala.
Yung “B” ay balance. I-balanse ang ang buhay mo sa trabaho at sa pamilya mo. Dapat ay may regular sleep pa din, may hobbies, doing work (work from home), doing exercises. Pwedeng gumawa ng schedule for a day o daily routine ng isang linggo na pwede sundan.
Ung “C” ay connection. Sa panahon ngayon, importante ang social connection at psychosocial support sa bawat isa. Ok tayo sa pisikal na distancing pero tuloy dapat ang social connection. Sa social connection papasok ang pagtutulungan ng bawat miyembro ng pamilya para matagalan ang ECQ. Ito ang panahon ng family bonding. Family can do games, teamwork in household chores, at iba pa. Sa mga magulang, sana at dapat kalmado lang ang ipinapakita nila sa anak nila, dahil nakikita at naramdaman ng kanilang anak ang kanilang kilos at reaksyon sa sitwasyon. Ipaliwanag sa anak ang nangyayari sa lebel ng kaalaman nila. Huwag sanang takutin ang mga bata sa covid19. Sa mga anak/bata, gumawa ng mga nakakatuwa or interesadong aktibidad na makatulong pag-alis ng boredom.
10. Paano mabawasan ang takot at agam-agam ng mamamayan sa lumalala pa ring pandemic na ito?
Normal matakot sa panahon ng covid19 pandemic. Pero dahil sa kakulangan ng impormasyon sa mamamayan o walang malinaw na direksyon o guidelines galing sa LGU o national government ay lalong natatakot at naging nerbiyos ang mga tao. Para mabawasan ang anumang takot at agam-agam ng mamamayan ay kailangan nilang i-practice ang ABC ng mental health/ kalusugang pangkaisipan. Pwedeng palakasin ang community care/ bayanihan din sa bawat komunidad. Ito rin ang panahon ng social solidarity, pagtutulungan sa kapwa PiIipino. Sa mamamayan na miyembro ng organisasyon, ang tiwala, tulong, at lakas galing sa mga kinabibilangang organisasyon ay makakatulong din sa kanila. (Organizational care)
11. Ano ang panukalang national mental health program sa mga panahong tulad nito at pagkatapos?
Kahit mayroong national mental health program ang ating gobyerno, ito ay hindi nakatuon sa panahon ng covid19 pandemic. Ang pagdating ng covid19 ay hindi inaasahan ng mga tao. Pero nakikita at na-obserbahan natin na may epekto ang covid19 sa mental health ng bawat Pilipino. Kaya dapat ay importanteng maipatupad ng ating gobyerno ang mental health program sa panahon ng covid19 pandemic at kahit pagkatapos nito.
Ang national mental health program ng gobyerno ay merong promotive, preventive, treatment and rehabilitative services component. Integrated sa ibat- ibang settings sa paggamot mula sa komunidad hanggang sa pasilidad, implemented from the national to the barangay level.
Ang mga program na kalakip nito ay:
1. Wellness of Daily Living sa eskwela, trabaho at iba pang programa
2. Extreme Life Experience- pagbibigay ng psychosocial support sa personal and community wide disasters
3. Mental Disorder
4. Neurologic Disorders
5. Substance Abuse and other Forms of Addiction
Dapat ay tuloy-tuloy pa rin ang pagbibigay serbisyong mental health at psychosocial support sa lahat ng mga Pilipino sa panahon ng covid19 pandemic. Sa panahon ng ECQ mas kawawa ang mga taong may sakit sa isipan at yung iba pang may kapansanan. Paano ang access nila sa mental health care provider at sa gamot kung sarado ang mga hospital na tumitingin sa kanila dahil naka-pokus lang tayo sa covid19. Sana holistic care pa rin. #