Posts

Sa unahan ang lugar ng uring manggagawa laban sa imperyalismo

Ni Nuel M. Bacarra

Naranasan kong magpa-ampon sa piketlayn ng mga manggagawa noong 1987. Naantala ang padaláng pera sa akin at wala akong ibang masulingan kundi ang welga ng mga kababaihang manggagawa sa isang patahian sa may E. Rodriguez Ave. sa Quezon City. Tumulong ako sa mga nagwewelga na makahingi ng tulong sa taumbayan sa pamamagitan ng solisitasyon at pag-hawak ng collection box para sa mga dyip na dumaraan. Ang malilikom ay dagdag-panggastos sa gastusin sa piketlayn. Ilang araw din akong pabalik-balik doon. Nakikitulog at nakikikain na rin.

Naroon din palagi ang mga organisador na mga taga-komunidad ng kalapit na Barangay Damayang Lagi. Sa pakikipagtalakayan ng mga resident sa mga manggagawa, may ganito silang datos na inihapag: Sa pag-aaral sa isang paggawaan ng tela, ang sahod ng isang manggagawa sa loob ng walong oras na pagtatarabaho ay katumbas lamang ng isang hagod ng paggupit ng tela. Kaya ang mahigit pitong (7) oras at 58 minuto ng pagtatrabaho ng manggagawa, sa totoo, ay wala nang bayad at buong-buo nang tubo ito ng kapitalista.

Itong inhustisyang ito ang pilit inililihim ng mga kapitalista at mga nakikinabang sa ganitong pagsasamantala.  Ito rin ang buod ng usapin kumbakit marapat na magkaisa’t lumaban ang uring manggagawa.

Ang manggagawang Pilipino

Ang kilusang paggawa ay lumitaw noong huling bahagi ng ika-18 siglo at sa maagang bahagi ng ika-19 na siglo sa Europe, partikular sa United Kingdom sa panahon ng rebolusyong industriyal. Ang mga magsasaka sa agrikultura at mga manggagawa sa cottage industry ay dumanas ng dislokasyon dahil sa mekanisasyon at industriyalisasyon at nang ilipat ang mga paggawaan sa mga pook industriyal na dinumog ng mga nawalan ng trabaho para sa hanapbuhay at dahil pagdagsang ito, binarat din ang sahod. Kung nais nating mabasa sa isang malikhaing obra ang kanilang abang kalagayan, iminumungkahi ko ang nobelang “Tale of Two Cities” ni Charles Dickens.

Sa Pilipinas, ang ekspresyon ng kilusang paggawa ay hininang ng unang welga noong Mayo 1, 1903 sa pamumuno ng Union Obrera Democratica, ang kauna-unahang pederasyon ng mga manggagawa sa bansa. Maraming libong manggagawa ang dumalo sa rali ng Internasyunal na Araw ng Paggawa na nag-giit ng kagalingan para sa mga manggagawa, at dahilsaklot ang Pilipinas ng kolonyalismong Amerikano noon, doon na rin sila unang nanawagan ng “kamatayan sa imperyalismong US!”

Kung gayon, hindi bago, manapa’y istorikal, ang islogang ito ng mga manggagawang Pilipino. Isa rin ito sa mga nais ilihim ng mga tumutuligsa at maang-maangang nagtatanong kunwari kung bakit nagra-rali sa Embahada ng US ang mga manggagawa tuwing Mayo Uno.

Sa ating kapanahunan, ang mga Export Processing Zone (EPZ) sa bansa ang kongkretong ekspresyon ng dikta ng imperyalistang sa ekonomya sa bansa at salamin din ng pagpapaka-tuta ng diktadurang US-Marcos. Dalawang buwan matapos ang deklarasyon ng Batas Militar, inilabas ng diktador na si Marcos ang Presidential Decree No. 66 na kumandili sa mga dayuhang korporasyon para sa pagtatayo ng mga EPZ.

Para mailako ito sa mga dayuhan, ang mga korporasyon ay walang babayarang buwis sa lokal na gobyerno, wala ring taripa na ipapataw sa importasyon ng mga materyal para sa konstruksyon, walang buwis sa pagluluwas ng produkto; mababa ang sahod ng mga manggagawa (noon ay ₱24 sa maksimum kada araw sa pabrika ng Ford) at kailangang may mataas na kasanayan at higit sa lahat, bawal ang welga.

Hindi nagpatali rito ang uring manggagawa sa Bataan Export Processing Zone. Itinirik ng mahigit 10,000 manggagawa ang talong araw na welga noong Hunyo 1975 na direktang kumprontasyon sa diktaduryang Ferdinand Marcos Sr. Lumundo sa welga ang mga kilos protesta para tutulan ang pagtanggal sa 54 manggagawa ng InterAsia Container Industries, isang joint venture ng gobyerno sa korporasyon ng Mitsubishi.

Walang nagawa ang korporasyon, maging ang gobyerno. Para protektahan ang tubo ng mga korporasyon na milyong dolyar ang nalulugi kada araw dahil sa welga, bumigay sila sa makatarungang iginigiit na isyu ng mga manggagawa.

Noong Agosto 8 ng taong iyon, dalawang buwan matapos ang welga, naglabas ang gobyernong Marcos ng batas na bawal na ang mga pangkalahatang welga dahil diumano, sagka ito sa pambansang interes, Nagpakalat ng kwento na armado ang mga mangagawa at may planong magpasabog ng bomba at mga asasinasyon noong siya ay dumalaw sa kanyang mga tagasuporta sa Washington. Pagsapit ng Setyembre, halos 80 lider manggagawa ang inaresto kabilang si Felixberto Olalia.

Ang mga manggagawa at mga tauhan ng panunupil ng kanilang karapatan. (N. Bacarra/Kodao)

Ang laban sa imperyalismo

Malakolonyal at malayudal ang Pilipinas dahil nakakubabaw sa lahat ng aspeto ng lipunang Pilipino ang kontrol ng imperyalismo—sa ekonomya, pulitika, kultura at militar.

Sa kongkreto, ang imperyalismong US ang siyang pangunahing dahilan ng pagkabansot ng ekonomya ng bansa, ng pasimo ng estado at ng saligang suliranin ng sambayanan. Ang bangis ng pananalasa nito ay ginagampanan ng gobyerno bilang pinaka-maasahang galamay nito.

Ang mga laban kaugnay sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) at ang pagpapalayas sa mga base militar ng US sa Clark Air Base sa Pampanga at sa Subic Naval Base sa Olongapo ay mga kongretong tagumpay laban sa imperyalismong US.

Sa kasalukuyan, kinakaladkad ng US ang Pilipinas sa paghahamon ng gera sa China, gamit ang isyu ng mga kalabisang ginagawa ng huli sa West Philippine Sea (WPS) sa mga inaangking teritoryo nito. Litaw na litaw ang galaw ng imperyalismong US sa pamamagitan ng mga base militar nito sa bansa para gawing himpilan ng mga tropa nito at ng ginagawang mga ehersisyong militar na Balikatan. Magtatapos sa Mayo 9 ang pinakamalaking Balikatan na nilalahukan ng iba’t ibang bansa sa direksyon ng US.

Kung kaya, sa pangunguna rin ng mga manggagawa, kinukondena ng iba’t ibang sektor ang pagmamalabis ng China sa WPS sa ginagawa nitong pambobomba ng tubig sa mga Pilipinong Coast Guard. Noong Abril 9, kinalampag ng mga iba’t ibang sektor ang konsulado ng China sa Makati. Sinundan din ito ng porum sa UP Diliman na nagpapaliwanag sa pagkaipit ng Pilipinas sa girian ng dalawang imperyalistang bansa. Isinasangkalan ng US ang isyu ng diumanong napipintong paglusob ng China sa Taiwan na 376 kilometro lamang sa Batanes.

Malinaw ang tindig ng mga manggagawa laban sa kanilang mga kaaway sa uri. (N. Bacarra/Kodao)

Pagpapalakas muli ng gapos ng US sa Pilipinas

Mula nang maupo ang anak ng diktador na si Ferdinand R. Marcos Jr. sa poder, apat na base militar pa ng US ang inaprubahan nito para itayo sa estratehikong lugar sa Hilagang Luzon at sa Palawan sa ilalim ng kasunduang Enhanced Defense Cooperation Agreement. Hinarap ito ng mga progresibong organisasyon sa pamamagitan ng mga kilos protesta. Kaya lalong nagiging agresibo ang galaw ng China sa WPS.

Kaalinsabay, pinapalutang muli ang pagbuhay sa BNPP sa tabing ng panganib ng pagbagsak ng mga planta ng kuryente sa bansa. Sakaling maging operasyunal ito, lilikha ito ng elementong plutonium na sangkap para sa paggawa ng mga armas nukleyar. Kung gayon, panibagong isyu itong magsasa-panganib sa taumbayan. Kung talagang nanganganib ang suplay ng kuryente ng bansa, dapat mamuhunan ang gobyerno sa mga sustenableng pagkukunan ng enerhiya. Ang Pilipinas ay ikalawa sa US sa pinakamalaki ang potensyal sa geothermal energy pero iilan ang ganitong planta sa bansa.

Ang mga dambuhalang imperyalistang kapangyarihang ito ay nagbabangayan dahil nais nilang pagkakitaan ang rekurso ng bansa para sa kanilang kapakinabangan, Sa adyenda ng US, malaking negosyo ang gera tulad ng proxy war nito sa Ukraine at Israel.

Kung binubuhay ng imperyalismong US ang usapin ng pagpaparami ng mga base militar nito sa bansa at ang plantang nukleyar, at sinasakop ng China ang bahagi ng exclusive economic zone natin, mas lalong dapat palakasin ng mga progresibong pwersa sa pamumuno ng uring manggagawa ang laban kontra sa imperyalismong US at China.

Ang mga uring manggagawa, kung gayon, ang may pinaka-mahabang memorya sa tunay na kasaysayan ng Pilipinas bilang tau-tauhan ng imperyalismo. At hindi lamang sa kanilang gunita nananatili ang kaalamang ito kundi buhay ito sa kanilang kolektibong pagkilos upang lagutin ang pinakamalaking dahilan ng kanilang kaapihan. Mula sa unang Mayo Uno sa Pilipinas noong 1903, kabayanihang tunay ang aking nasaksihang protesta sa Embahada ng US noong nakaraang Miyerkules. #