Ibahagi sa mga bata ang pagpapayaman sa wika
Ni Carlos Marquez
TUMULO ang dugo sa panganganak, pagpapalaki at pag-aandukha, at tuluy-tuloy na pagyayaman ng Wikang Pambansa. Naging bahagi ito ng iba’t ibang transisyon ng kasaysayan ng Pilipinas. Patuloy itong itinataguyod ng mga mapagpamalasakit sa wika at kulturang Pilipino: ang mga manunulat
Dapat itong mabatid ng mga bata ngayon pa lamang at iyan ang isinusulong ni Luis P. Gatmaitan, isang doktor ng medisina at awtor ng mga aklat-pambata. Higit sa lahat, at iyan ay patuloy na ipinagmamalaki ni Dr. Gatmaitan, siya ay taga-San Ricardo, Talavera, Nueva Ecija.
“Tinataglay ng ating wika ang mga sugat at panaginip ng ating bansa,” ayon Gatmaitan.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, kaagapay ang pagkakasugat ng Wikang Filipino – malalalim, mahahapding sugat na natamo sa pagbabangayan ng mga Pilipino. Subali’t, tulad sa lahat ng digmaan, tumindig ito, tumatag, tiningala, at sinuob ng papuri dahil sa kanyang angking alindog at indayog.
Filipino ang medyum na ginamit ni Dr. Gatmaitan sa kanyang mahigit na 30 aklat-pambata na ipinagkakapuri ng mga edukador at mga lingwistang Pilipino. Inilantad sa kanyang mga akdang ito ang mga nakatagong isyu ng kapansanan, pag-uulyanin, pagbaka sa kalungkutan sa pagyao ng minamahal, ang pakikipagsapalaran sa kanser, mga sakit ng bata, at karapatan ng mga bata.
Ang kanyang seryerng “Mga Kuwento ni Tito Dok” ay nagkamit ng papuri buhat sa Manila Critics Circle “sa pagpapalaganap ng agham ng medisina gamit ang wika at mga grapikong naaabot ng pang-unawa ng mga bata, sa pagsasalokal ng mga prinsipyong pang-medisina, at sa malikhaing pagsasabuhay ng mga bahagi ng katawan ng tao.”
Isinama siya sa Bulwagan ng Katanyagan ng Palanca nuong 2005, tumanggap din ng gawad mula sa Catholic Mass Media Awards, ang ng PBBY-Salanga Writers Prize.
Ang kanyang aklat na “Sandosenang Sapatos” ay nasa listahan ng International Board on Books for Young People (IBBY) para sa Bologna International Children’s Book Fair nuong 2005.
Kinilala ring Outstanding Book for Young People with Disabilities ng IBBY ang kanyang mga aklat nuong 2005.
Si Gatmaitan ay kinilalang isa sa mga 10 Haligi ng Pagyayaman ng Gawaing Pangkalusugan sa Pilipinas ng magasing HealthToday Philippines; naging isa sa 10 Outstanding Young Men (TOYM) of the Philippines sa kanyang ambag sa panitikan, at nominado sa 2004 Ten Outstanding Young Persons of the World.
Maliban sa pamumuno niya ng grupong Kuwentista ng mga Tsikiting (KUTING), at sa kanyang pagiging abala sa pagiging doktor, may programa rin siya sa DZAS tuwing Sabado ng umaga, ang ‘Wan Dey Isang Araw’.
Nakilala ng manunulat na ito si Doc Luis nang nagko-kontribyut pa sa lokal na pahayagang Diaryo Natin nuong bago mag-2000. Ang Diaryo Natin ay inedit ng manunulat na ito.
“Malaki na rin ang pag-unlad na nangyari sa wikang Filipino,” ayon kay Gatmaitan. #
Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.