Posts

LAHAT NG INA’Y AKTIBISTA

(Para kay Nanay Mameng)

Ni Katrina Yamzon

ang lahat ng ina’y aktibista.

walang papantay sa tapang niyang angkin.

nang siyam na buwan ika’y kanyang dalhin.

wala nang hihigit sa hapding kanyang tiniis,

marinig lamang una mong munting pagtangis.

inihele ka ng palabang himig

ng kanyang mga oyayi at kundiman,

habang ika’y nahihimbing

sa pag-ugoy niya ng iyong duyan.

gumabay siya sa bawat mong paghakbang,

lumalaban sa balakid sa iyong daraanan,

tumutuligsa sa iyong bawat mga kahinaan,

umuunawa sa bawat mong pakikipaglaban.

kakayanin niya ang lahat.

gagawin niya ang lahat.

kahit pa ang

pumatag ng bundok,

tumangan ng armas,

bumago ng sistema,

magpalaya ng lipunan

para sa anak na pinag-aalayan

ng buhay nito’t kamatayan.

ang lahat ng ina’y aktibista,

na umiibig

kaya’t nakikibaka.

Isang Buwan

Ni Katrina Yamzon

hindi ko tutularan ang buwan
na makikipagtalik lamang
sa bawat mong takipsilim
at sisiping sa kumot ng iyong dilim.

hindi ako magiging wangis ng buwan
na nagkukubli sa kaulapan
sa panahong ika’y tumatangis
at nagbubuhos ng luha’t hinagpis.

hindi ako magiging wangis ng buwan
na nagkukubli sa kaulapan
sa panahong ika’y tumatangis
at nagbubuhos ng luha’t hinagpis.

hindi ako kailanman magiging buwan
na sa iyo’y pumapanaw
na sa iyo’y lilisan
Sa pagdating ng araw.