Posts

Hukom

Ni George Tumaob Calaor

Kagaya ng isang daloy

mula sa paanan

ng talon, ako ay

ilog…

aagos mula sa pusod

ng gubat—babaybayin

ang lawig ng landas

lamang sa iyo

ay makipagtalik

ng wagas!

Dagat kang kanlungan

ay lalim ng alab

kinasasabikang

sisirin

at…

mula sa tarik

nitong kabundukan

buong giting kong ihimagsik

na maidampi

sa iyong karagatan

ang init ng

pag-ibig—malaya

sa gapos ng

pag-aalinlangan!

Minsan…

Kalawakan ay

paraiso ng ating

pagtipan.

Ako ay araw–Ikaw ay buwan.

Sa tuwina’y

lupa ay ating

iiwan—saglit

tayong kukubli

sa likod ng

karimlan…

bibigay ng kapanganakan

sa isang makasaysayang

pagsilang—hihinugin sa sigwa

ng isang kaganapan…

magbabadya sa isang

saglit ng katahimikan…

at sa isang bigwas

ng sinupil na

delubyo, kulog

ay uungol

manunukdulan…!

Kalayaan!

Nagbabaga ang kalupaan…

Nanlalampong ang romansa

sa pagitan

ng apoy at

hangin…

maghahalikan

ang langit

at ang

putik…

may ritwal

sa sayaw

ng mga

bathala…

at sa huling

pagkumpas ng

isang hudyat…

inihingang ulap

ng isang digma

sa kalawakan ay

mahahawi…

habang mga

parasitikong peste ay

uod na lulupasay

sa bungo ng mga

kaaway…!

Walang kabilang buhay!

Walang uri ang pagkapantay!

Watawat ay nagliliyab na apoy!

Iwawagayway!