Eleksyon Serye: ‘Team Buo’ vs ‘Team Wasak’ sa 2025
Sa darating na halalan natin muling masasaksihan ang malakihang tagisan ng Pambansang Demokrasya at kaaway nitong bulok na politika
Ni Nuel M. Bacarra
Minsan na akong nakatanggap ng birthday card mula sa isang pulitiko na ‘di ko na matandaan kung siya ba ay kongresista o gubernador noon. Sa aming 12 magkakapatid, hindi na nga matandaan ng nanay ko noong panahong iyon ang mga birthday naming, pero alam ng pulitikong ito ang kaarawan ko. Mayroon ding nag-alok noon ng scholarship sa akin.
Sa mga panahong iyon, malamang ay hanggang birthday pa lang ang alam ng mga pulitiko sa mga indibidwal na botante. Pero ngayon, nakatatanggap na tayo ng text messages o emails mula sa hindi mo naman talaga kilala.
Batid ng mga trapong kandidato kung paano makapang-aakit ng mga botante sa pamamagitan ng mga ayuda na di naman nanggaling sa sariling bulsa kundi sa kanilang ibinulsa mula sa kanilang pagtrato sa panunungkulan sa gubyerno bilang negosyo at sindikato. Bukod rito, kinakapital nila ang kahirapan ng mamamayang Pilipino para paamuin at suportahan sila. Ganito nila binibitag ang mga botante. Naka-database na kung lasenggo ka, sugalera ka, bulakbol o kung pwede kang maging mananayaw sa kampanya ng mga tradisyunal na pulitiko.
Hindi ba nakakainis? Sa inabot ko nang idad ngayon, tila lumalala ang kabulukan ng reaksiyonaryong halalan.
Matapos ang filing ng COC
Sa darating na Mayo 12 sa isang taon ay gaganapin ang midterm elections. Maghahalal muli ng 318 konggresista (kabilang ang partylist) at 12 senador para sa ika-20 konggreso ng Pilipinas. Gayundin, ang paghahalal sa lokal na gubyerno.
Nagsimula na nitong Oktubre 1 ang filing ng certificate of candidacy para sa mga kandidato sa pagkasenador, konggresista at mga upisyal sa lokal na gubyerno, gayundin ang filing ng certificate of nomination at certificate of acceptance of nomination para sa mga partylist. Natapos ito nitong Oktubre 8 kung saan 184 ang kandidato sa pagkasenador at 190 sa partylist ang narehistro.
Ating kilalanin ang mga kandidato para hindi tayo malinlang ng mga buladas, suhol, mga pakulo. Babaha ng pangako tulad noong 2022 na makakatikim ng murang bigas na ₱20 kada kilo na hanggang ngayon ay nakanganga ang mamamayan, o pagpawi ng droga sa bansa sa loob ng anim na buwan pero di nasawata at katunayan ay namamayagpag pa nga sa sarili nilang lugar at sangkaterba pang mga pangako at buladas. Makikita na natin muli ang mga kandidatong magmamano sa mga matatanda, hahalik sa mga sanggol, nag-aabot ng isang supot ng groceries, at live yan sa telebisyon at social media. Mayroon na nga ngayong pagkalalaking billboard sa EDSA.
Team Buo vs. Team Wasak
Para sa Senado, mayroon daw kumpletong slate ang rehimeng Marcos Jr. sa ilalim ng “Alyansa para sa Bagong Pilipinas”. Subalit hindi naman talaga ito kumpleto at buo dahil parang napapasong dumistansiya agad ang “Manang” ng Pangulo na si Senador Imee mula sa “alyansa.” Nilinaw din ni dating senador Panfilo Lacson na siya ay tumatakbong “indipendiyente”. Padron na ito na tila “uni-team” na matapos ang dalawang taon ay “Team Galit-Galit” o “Team Hiwalayan” na.
Mayroon ding mga grupo na nag-prisinta ng kanilang di-kumpletong slate. Ang grupo ng mga maka-Duterte, ang grupong pinapangunahan ni Leody de Guzman, at ang grupo ng Liberal Party na bumalik na sa pagiging maliit ang bilang matapos lamang ang walong taon simula ng administrasyong Benigno Aquino.
Pansinin din ang suson ng mga magkakapamilyang kakandidato sa buong bansa. Yung apat na magkakapatid na Tulfo ay kakandidato. Si Pangulong Marcos Jr. nga, yung kapatid at panganay na anak ay nasa pwesto. Huwag kalimutan na dalawang magkakapatid na Cayetano at Estrada/Ejercito ay nasa Senado. Layon pa rin ng mga Villar na dalawa ang uupo sa Senado dahil nais magpalitan lamang ng pwesto ang mag-inang Cynthia at Camille samantalang naka-upo rin ang napaka-tahimik na si Mark. Hindi magpapatalo ang mga Duterte dahil tatakbong mayor ang dating pangulong Rodrigo, dagdag sa naka-upong bise-presidente at kumakandidatong iba pang anak sa pagka-kongresista at bise-alkalde.
Sa buong Pilipinas ay ganito na ang kalakaran. Magkaka-pamilya, sabay-sabay na kumakandidato at malamang na manalo. Tunay ngang ginawa nang family business at sindikato ang gobyerno. Salamin lamang na ito pagpapauna ng interes ng angkan kaysa tunay na kalagayan ng mamamayan.
Tunay na oposisyo’t alternatibo
Higit na matingkad ang tunay na magkatunggaling pulitika sa darating na eleksyon. Hindi ito sa pagitan ng mga indibidwal na mga kandidato kundi sa pagitan ng mga kampon ng kasamaa’t kadiliman at kampo ng pagbabago.
Ang lumalabas ngayong pinaka-buo at kumpleto ay ang Koalisyong Makabayan na may 11 kandidato, dagdag sa apat na party-list na kasapi nito: Bayan Muna, Gabriela Women’s Party, Kabataan Youth Party at ACT Teachers Party. Hindi lamang ang bilang ng kandidato ang kakaiba sa Makabayan. Mayroon itong malinaw na pagkaka-isa at nagkaka-isang mensahe’t plataporma: ang ipagwagi ang taumbayan sa Kongreso. At kung inaasahan natin ang laglagan sa slate ng administrasyon habang papalapit ang araw ng halalan, natitiyak kong sa Makabayan natin makikita ang tunay na tulungan.
Simple lamang naman ang dahilan o ang prinsipyong tinutuntungan ng Makabayan. Ang “Bagong Pulitika” nito ay ang pulitika ng masa ng sambayanan, ang pagsalig at tiwala sa masa at hindi sa kung gaano kalaking pondo ang pakakawalan para lamang makaupo sa pwesto. Makinarya? Ang masa rin, at puhunan dito ang boluntarismo, pagkakaisa at wastong linyang pampulitika na magpapakilos sa mamamayan para isulong ang sarili nilang kapakanan na bitbit ng Makabayan.
Pambansang Demokrasya ang plataporma ng Koalisyong Makabayan na isinusulong ng mga kandidato para sa senado at partylist sa konggreso. Ito ang programang babangga sa kontrol ng dayuhan sa bansa at tutugon sa mga demokratikong kahilingan ng mamamayan. Bitbit nila adyenda ng pagtataas ng sahod o sweldo ng mga manggagawa at empleyado; prayoridad ang lokal na produksyon at kontrol sa presyo ng mga pangunahing bilhin, serbisyong panlipunan, pagpapabuti ng kalagayan ng sambayanan, mapayapang paglutas sa sigalot sa West Philippine Sea, at iba pang karapatan at kahingian ng mamamayan.
Hindi maaaring maliitin ang mga panawagang diretso sa puso ng mamamayan kahit sa karton o sako lamang ito nakasulat, mga balatenggang nakasabit sa pagitan ng mga puno ng niyog, sa may ilog, tulay, kalsada ng mga komunidad, sa mga paaralan at upisina, at iba pa.
Ito ang eleksyong mag-iiwan ng tatak sa puso ng mamamayan kung ano ang tunay kahulugan ng pambansang demokrasya at kung bakit kailangang isulong ito mamamayan. #
= = = = =
ABANGAN: Sa susunod na bahagi ng seryeng ito, paghahambingin ni Ka Nuel ang mga kandidato ng Makabayan at ang mga bulok na pulitiko ng administrasyo’t kunwa-kunwaring oposisyon.