Posts

Kung Bakit ko Naaalala si Ka Joma Habang Nanonood ng K-Drama*

Ni Joi Barrios

Tulad ng marami, ako’y nahumaling na rin

sa panonood ng K-drama.

Sunod-sunod bawat episode,

hanggang sa magwakas, ang seryeng palabas.

Ngunit ewan ko ba, kung bakit minsan,

kapag may linyang binibigkas ang tauhan,

ang naaalala, ay dili’t iba

kundi siya, ang dakilang si Ka Joma.

Tulad sa Crash Landing on You, halimbawa

kung saan, hindi halimaw

ang mga nasa sosyalistang bansa,

kundi tao din lamang.

At sa Dong Yi (pronounced Dong Ya)

nang sinabi ng bida, na ang mga alipin ay itinulak

sa hangganan, kung kaya’t nag-aklas.

O sa When Our Love Blooms:

dumaan man ang mga dekada,

ay hindi bumitiw ang aktibistang piyanista

sa ipinaglalaban ng mga manggagawa.

Katatapos ko lang ng Bridal Mask,

at habang tino-torture ang minor character,

malapit mang matigok ay sukat pang nangahas magsalita

na ang tunay na terorista,

ay ang mga nagnanakaw sa bayan. 

At dito, sa Capital Scandal na ngayo’y sinusundan,

ganito ang usapan:

Tanong: Bakit ka pa nagbabasa ng tungkol sa sosyalismo at kasarinlan?

Ako, ang gusto ko lang ay ipagtanggol ang aking mga minamahal.

Sagot: Iyan mismo. Ganyan ang sosyalismo.

Ganyan ang pakikipaglaban para sa kasarinlan.

Natutunan namin sa iyo

ang maghangad na maging tulad ni Atorni Woo:

ano man ang kapansanan at pagkukulang,

ay nagsisikap pa ring mag-ambag

tungo sa pagkamit ng katarungan.

Maaalala ka, lagi’t lagi,

lalo namin na iyong mga tagahanga, at tagahanga ng K-drama.

Sa K-drama, naaalala ang batang ako (back to me ba?), na nagbabasa, 

pinag-aaralan ang mga akda ni Ka Joma,

na noo’y ipinagbabawal,  

kung kaya’t hindi nailalabas sa aklatan.

Yumao ka man, Tito Joe, aming Ka Joma,

ay hindi lilisan ang iyong pamana.

Maaalala ka sa bawat martsa, sa bawat labanan,

sa bawat sandali ng patuloy na paglilingkod sa masa.

Mananatili kang tanglaw ng aming pakikibaka.

*Nasulat para sa interpretasyon ni Bibeth Orteza sa tulong ng mga kasama ng kani-kanilang paboritong K-drama.

Ang Community Pantries at ang Alamat ng Sampalok

Ni Joi Barrios

Ang alamat ng sampalok

ay kuwentong tungkol sa pagdaramot.

May matandang babaeng ayaw

magbigay ng balat ng kahoy na panggamot

sa nangangailangang kapitbahay,

kung kaya, siya raw ay isinumpa.

At nang bumagyo, ang ilog ay umapaw

at tinangay ng baha ang puno,

na kung saan-saan tumubo.

Ang kuwento ng sampalok ay alamat

ng puno na naging panlahat.

Sa nayon, at kahit minsan sa kalunsuran

Hangga’t maaari ay hindi tayo bumibili

ng maliliit ang dahon na ipalulutang sa sinigang.

Hinihingi natin ito sa kapitbahay

tulad ng kayraming sagana ng iba:

aratiles, sineguelas, at makopa, na bihira sa pamilihan

dahil nakasanayan na ang pagbibigay

at ang pagtanggap ng biyaya.

Ganito rin ang tulungan sa ating mga pamayanan.

“Magbigay ayon sa makakayanan,

Kumuha batay sa pangangailangan.”

Ang sampalok na maasim

nabibigyan din ng alat at tamis.

Ang nagmamasama sa mabuting gawa,

Tiyak na may budhing anong itim, anong lupit.

Ika-20 ng Abril 2021