Posts

Kometa

Alay kay Fidel V. Agcaoili

Ni Jenny Linares

Maraming taong halos pahapyaw lang
kung dumaan sa ating uniberso.

Palagi na lang, kapag ako,
hindi ko na inaabutan
ang makikinang na bituin.

Masyado ba akong bata o masyadong ligaw
na kaluluwa?

Malalaman ko na lang na naririyan pala sila kapag sila’y bumulusok na,
tulad ng maningning na kometa,

nagniningning pa rin siya
kahit ang baya’y nanatili sa dilim,

siya’y liwanag at apoy, hanggang sa magmaliw,

hindi ko man nasulyapan,
bahagya man lamang sa buhay ko’y dumaan,

kayo’y naririto pala,
kayo’y naririto pa rin,
kayo’y mananatili sa alaala
nitong bayang pinag-alayan
ng iyong mga adhikai’t dusa.