Posts

ITANONG MO KAY PROF: Hinggil sa Halalan 2022

Panayam ng Kodao Productions, sa pamamagitan ni Prof. Sarah Raymundo, kay Prof. Jose Maria Sison hinggil sa katatapos lang na Halalan 2022.

ITANONG MO KAY PROF: Ang Imperyalismong US, Afghanistan at Taliban

Panayam ng Kodao Productions, sa pamamagitan ni Prof. Sarah Raymundo, kay Prof. Jose Maria Sison hinggil sa mas malalim pang pagtatalakay ng kaugnayan ng Estados Unidos sa Afghanistan at grupong Taliban.

Itanong Mo Kay Prof: Masbate Incident at CARHRIHL

Panayam kay Prof. Jose Maria Sison ng Kodao Productions, sa pamamagitan ni Prof. Sarah Raymundo, hinggil sa insidente sa Masbate at ang bisa ng CARHRIHL.

IMKP: MASBATE INCIDENT AT CARHRIHL
June 22, 2021

Sarah: Magandang araw sa lahat ng ating mga tagapakinig, nagbabalik ang Itanong Mo Kay Prof, kasama natin ang Chair Emeritus ng International League of Peoples’ Struggle at NDFP Chief Political Consultant na si Prop. Jose Maria Sison. Magandang araw, Prof Sison, at maraming salamat sa pagkakataong makapanayam kayong muli para sa isang napakahalagang usapin na may kinalaman sa kondukta ng pakikibakang armado ng rebolusyonaryong hukbo sa Pilipinas ang NPA, paritukular ang nangyari sa Masbate.

JMS: Maalab na makabayang pagbati sa iyo Prop. Raymundo, sa Kodao at sa lahat ng ating tagapakinig.

Sarah: Sa ngalan ng Itanong Mo Kay Prof, nagpapaabot po ako ng taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi nating kababayan at nakikiisa po ang aming programa sa pakikidalamhati sa ating mga kababayan sa trahedyang ito.

Sa panayam na ito, sisikapin nating makuha ang suri at ilang resolusyon ng NDFP batay sa mga naaangkop na mga dokumentong may lokal at internasyonal na saklaw na nakatuon sa mga sirkumstansya ng gerang sibil są mga bansang tulad ng Pilipinas kung saan may pwersang nagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang paglaya.

Halina at alamin natin ang kahalagahan ng Joint Monitoring Committee (JMC), ang Comprehensive Agreement on Human Rights and International Humanitarian Law (CAHRIHL), ang The Hague Declaration, at ng Ottawa Treaty. At kung bakit Usaping Kapayapaan ang pinanawagan ng mga taong-simbahan at iba pang grupo na nagtatanggol sa karapatang pantao, matapos maisapubliko ng insidente na hindi naman itinanggi kundi agad namang inako ng CPP-NPA. Bilang founding Chair ng CPP, ano kaya ang pagtingin ni Prop. Sison sa isyung ito?


Mga Tanong:

1. Ano ang masasabi nyo Prof Sison sa nangyari sa Masbate na kung saan ay may dalawang sibilyan na namatay dahil sa land mines na ginawa ng mga NPA? Meron na po bang resulta ang imbistigasyon ng CPP/NPA/NDF hinggil dito?

JMS: Isang trahedya na mga sibilyang magpinsan ng pamilyang  Absalon ay nasawi at isa pa ay  nasugatan dahil sa pagkakamaling pinasabog sa kanila ang command-detonated land mines.

Anuman ang klase ng sandata ay maling gamitin laban sa mga sibilyan. Ito ay mahigpit ng patakaran ng CPP, NPA, NDFP at rebolusyonaryong gobyerno ng bayan.

Gumawa na ng kagyat na pagsisiyasat ang partikular na kommand ng NPA sa Masbate na may kinalaman sa partikular na yunit at ilang indibidwal na may pananagutan sa malungkot na pangyayari. Tinanggap ng naturang komand na may pagkakamali.

 Pero gusto pa rin ng pinakamataas na organo ng NDFP na may mas malalim pang imbestigasyon para magkaroon ng batayan para litisin ang mga akusado sa court martial ng NPA o sa hukumang bayan ng rebolusyonaryong gobyerno ng bayan.

2. Maaari nyo po bang maipaliwanag Prof Sison kung meron po bang nilabag ang mga NPA sa land mines na kanilang isinagawa sa Masbate? Ano po ba ang implikasyon nito sa International Humanitarian Law?

JMS: Walang nilabag ng kabuaan ng NPA. Ang lumabag ay partikular na yunit ng NPA o iilang indibidwal na nagpaputok ng land mines. Ang mismong command-detonated land mines ay hindi ipinagbabawal ng Ottawa Treaty. Pero krimen o kamalian ang paggamit ng anumang sandata laban sa mga inosenteng sibilyan.

Sabi ng binanggit kong Masbate command ng NPA na command-detonated na land mines ang ginamit. Sa tamang paggamit ng ganitong land mines sa armadong kaaway ng NPA, hindi ipinagbabawal ng Ottawa Treaty at ng International Humanitarian Law.

Ang maliwanag na ipinagbabawal ng Ottawa Treaty ay yong land mines na sumasabog dahil sa presensya, presyur o kontak ng biktima. Ipinagbabawal ito dahil sa indiscriminate ang nabibiktima.

Sang-ayon at sumusunod ang CPP, NPA, NDFP at rebolusyonayong gobyerno ng bayan sa Ottawa Treaty. Patakaran ng buong kilusang rebolusyonaryo na bawal ang land mines na hindi command-detonated.

3. Hinggil po sa land mines, Prof Sison, maaari nyo po bang maibahagi ano po bang klase ng land mines ang tinatanggap sa International Humanitarian Law (IHL) sa mga lugar na may gera. Pinahihintulutan po ba talaga sa IHL ang pagtatanim ng bomba?

JMS: Sa International Humanitarian Law, ang Ottawa Treaty ang pinaka- partikular na instrumentong legal na nagsasabi kung anong klaseng land mines ang ipinagbabawal.

Ipinagbabawal nang kategorikal at pauli-ulit sa tratadong ito na bawal ang land mines na puputok dahil lamang sa presenya, presyur o kontak ng kahit sinong tao, inosenteng sibilyan o armadong kaaway ng NPA sa kasalukuyang gera sibil sa Pilipinas. Hindi ipinagbabawal ang command-detonated land mines.

4. Ano po ang inyong masasabi sa kahilingan ng gubyerno sa pamamagitan ni DILG Sec Eduardo Año na isurender sa kanila ang mga NPA na nagkasala sa naganap na pagsabog sa Masbate?

JMS: Alinsunod sa International Humanitarian Law at Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law, ang NDFP ang may hurisdiksyon sa anumang paratang laban sa NPA at mga yunit nito at ang GRP naman ang may hurisdiksyon sa mga paratang laban sa AFP, PNP, paramilitar at mga yunit nito.

Ang NDFP at GRP ay mga co-belligerents sa isang gera sibil o armed conflict na saklaw ng Geneva Conventions. Hindi pwedeng utusan ng GRP ang NDFP na isurender sa GRP ang yunit ng NPA na gumawa ng pagkakamali sa Masbate.

Ang GRP ay hindi rin puedeng utusan ng NDFP na isurender sa kanya ang mga akusado sa higit ng 6000 paratang laban sa AFP at PNP na sometido sa Joint Monitoring Committee sa ilalim ng CARHRIHL.

Hindi ring pwedeng utusan ng NDFP ang GRP na isurender sa NDFP ang mga armadong tauhan ng GRP na pumaslang ng napakaraming NDFP peace consultant. Tinutukoy ang pagpaslang kina Randy Felix Malayao, Randall Echanis, Julius Giron, mag-asawang Cabanatan, mag-asawang Topacio, Reynaldo Bocala at iba pa.

May kanya-kanyang sistema ng gobyerno at batas ang GRP at NDFP. Sira-ulo ang mga opisyal at ahensya ng reaksyonaryong gobyerno na gustong magmando sa NDFP na isuko sa GRP ang mga akusado sa insidente ng command-detonated land mines sa Masbate.

5. Ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o mas kilala sa tawag na CARHRIHL ay isang kasunduan na pinirmahan ng gubyerno ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines noong 1998. Ayon sa AFP hindi na ito epektibo dahil wala ng negosasyon sa pagitan ng GRP at NDFP, at matagal na ring nilusaw ang Joint Monitoring Committee o JMC. Ano po amg inyong opinyon hinggil dito Prof Sison? May halaga pa po ba ang CARHRIHL sa panahon ngayon?

JMS: Umiiral pa ang CARHRIHIL dahil sa maraming probisyon nito ay hango sa international law sa human rights at humanitarian conduct at nasa balangkas ng international law na tinanggap ng GRP Constitution. Umiiral at bukas din ang opisina ng NDFP-nominated section ng JMC sa Cubao at kinikilala at sinusuportahan pa ng Royal Norwegian Government.

Totoo na ang GRP ay nagsara ng kanyang opisina sa JMC. Pero hindi ibig sabihin nito na malayang gumawa ng mga krimen ang GRP sa mga pwersa at tauhan ng NDFP. Hindi rin ibig sabihin na  nawalan na  ng hurisdiksyon ng NDFP sa mga pwersang nasa panig niya.

Subukan ng GRP na magpadala ng arresting yunit nila sa erya ng NPA sa Masbate at tingnan natin kung ano ang mangyayari. Kung gawin ng GRP ang panghihimasok, hwag magulat kung lalabanan sila ng NPA.

6. Sa panghuli, Prof Sison, ano po ang inyong panawagan sa ating mga kababayan?

JMS: Hanggang ngayon ipinagmamatigas at ipinagmamalaki ni Duterte na tinapos at pinatay na niya ang peace negotiations at gusto niya ang gera total at pakana niyang idahilan ang armadong rebolusyon para magpataw ng pasistang diktadura sa Pilipinas.

Napakalimitado na ang panahon na umasa ang sinuman na magbabago ang patakaran ni Duterte. Nasa huling taon na ang halimaw sa kanyang legal term of office.

Mas mabuting palakasin ang kilusan ng mga mamamayan para patalsikin sa poder ang traidor, berdugo, mandaranbong at maggagantsong rehimen ni Dutere at makipagsundo sa oposisyon na itaguyod ang patakaran na buksan muli ang peace negotiations ng GRP at NDFP para lutasin ang mga problema na ugat ng gera sibil.

Magkakaroon ang makatarungan at matibay na kapayapaan kung may peace negotiations muli at gumawa ng mga komprehensibong kasunduan tungkol sa mga batayang repormang sosyal, ekonomiko at pulitikal sa balangkas ng The Hague Joint Declaration ng GRP at NDFP.

JMS: Sa pagtatapos ng ating panayam, nagpapasalamat ako kay Prop. Raymundo, sa Kodao at sa lahat ng ating tagapakinig.

Sarah: Maraming-maraming salamat po Prof. Sison para sa isang malaman at ubod ng linaw na pagpapaliwanag. Ang mga nabanggit na mga ahensya at pinagkaisahang dokumento na tunog-teknikal sa una, ngayon ay may malinaw nang hugis kaugnay ng trahedya sa Masbate at gayon na rin sa kabuuang kondukta ng armadong tunggalian sa pagitan ng GRP at CPP-NPA.

Itanggi man ng gobyernong Duterte, maging ng mga anti-komunista at iba pang mga grupo na nananawagan ng maka-isang panig na resolusyon sa trahedyang ito, hindi na maikakaila ang bisa ng mga tratado o treaty at dokumentong sumasaklaw sa kondukta ng armadong tunggalian.

Walang silbing i-etsa pwera sa diskusyon ang dual state power sa bansa, o ang realidad na may dalawang gobyerno sa Pilipinas na sangkot sa isang armadong tunggalian. Hindi ito tungkol durugan o paggapi na solusyon ni Duterte. Walang kahihinatnan ang ganyang pusisyon dahil matagal nang nalikha ang mga opsiyal at lehitimong mekanismo para resolbahin ang mga usaping dulot ng tunggaliang ito. Ang mga mekanismong ito ay hindi pumapabor sa isang panig, kundi mga mekanismong nagbubukas upang talakayin, sawatahin, resolbahan ng dalawang panig ang mga umano’y abuso ng bawat panig, mga panukala ng bawat panig upang matugunan ang ugat ng armadong tunggalian. Sa puntong ito ng armadong tunggalian sa pagitan ng GRP at CPP-NPA walang ibang mekanismo ang maaaring makatugon dito kundi ang Usapang Pangkapayapaan o Peace Talks.

Hanggang sa muli, ito po si Sarah Raymundo, guro ng Unibersidad ng Pilipinas at aktibista ng Bagong Alyansang Makabayan. Ibayong pag-iingat at pakikibaka laban sa tiraniya.

-End-

IMKP: Hinggil sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER)

Panayam kay Prof. Jose Maria Sison ni Prof. Sarah Raymundo para sa Kodao Productions.

ITANONG MO KAY PROF
Topic: CASER
4 February 2020

Prof Sarah: Magandang Araw sa ating mga tagapakinig! Sa gitna ng lumalalang krisis pang-ekonomiya at mga pang-araw-araw na pangamba dala ng kahirapan, kawalan ng trabaho, abuso sa mga manggagawa, mga sakuna, virus at paglabag sa ating mga karapatan, may paraan pa nga ba para umalagwa ang bayan?

Sa mga nakaraan nating pakikpanayam sa Chair Emeritus ng ILPS at panghunahing konsultant sa Usapang Pangkapayapaan, na si Professor Jose Maria Sison, atin nang napag-usapan ang Peace Talks. Sa pamamagitan ng Peace Talks, maaaring mapag-usapan ang mga alternatibo at repormang maaaring pagtulungan ng gobyerno at ng kilusang rebolusyonaryo na kinakatawan ng CPP-NPA-NDFP. Ngunit matindi ang pambabara rito lalo na ng mga personaheng nagmumula sa mga militar. Bakit kaya?

Bukod diyan, matindi rin ang pagtutol ng mga elemento ng militar sa CASER. Ano ba ang mayroon sa CASER at ayaw kumasa ng militar o ng gobyerno rito? Paano umaangkop ang rebolusyonaryong kilusan sa mga repormang dapat na maisaktuparan sa ikauunlad ng taumbayan. Sa panayam na ito, unawain natin kung bakit mahalaga para sa NDFP, maging sa CPP at NPA ang mga kagyat na reporma para sa ikauunlad ng bansa.

JMS: Maalab na makabayang pagbati sa inyo Prop. Sarah Raymundo at sa lahat ng ating tagapakinig.

Mga Tanong

SR1: Prof Sison, ang isa sa tinatalakay sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines o GRP at ng National Democratic Front of the Philippnes o NDFP ay ang tungkol sa Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms o mas kilala sa tawag na CASER. Maaari po bang ipaliwanag muna natin sa ating mga tagapakinig, ano po ang ibig sabihin ng CASER.

JMS: Ibig sabihin ng CASER ay Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms o Komprehensibong Kasunduan sa mga Repormang Panlipunan at Pang-Ekonomiya. Pangunahing nilalaman nito ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industrialisasyon. Sinasabi ng mga negotiating panel ng GRP at NDFP, mga peace advocates at malawak na masa na ang CASER ay laman ng makatarungang kapayapaan.

SR2: Ano ang pakinabang ng mamamayang Pilipino kapag napirmahan na ng dalawang panig ang CASER?

JMS: Sa ilalim ng CASER, isasakatuparan ang tunay na reporma sa lupa na kaiba sa kasalukuyang bogus na land reform. Ipapamahagi ang lupa sa mga magsasakang walang lupa o kulang sa lupa mula sa public domain at mula sa mga lupang pag-aari ng mga asendero o panginoong maylupa na bibilhin ng gobyerno sa mababang presyo at ipamumudmod ito sa mga magsasaka sa kaya nilang presyo. Hindi katulad ngayon na hindi kayang bayaran ng mga magsasaka ang lupang ipinamamahagi sa ilalim ng bogus na land reform ng gobyerno.

Sa ilalim din ng CASER, isasakatuparan ang pambansang industrialisasyon. Magkakaroon ang Pilipinas ng kasarinlan sa ekonomiya, mapapangalagaan ang pambansang patrimonya sa likas na yaman at paggamit nito at gayundin ng pag-unlad sa industriya. Itatayo ang mga industriya na may kapabilidad na gumawa ng mga makinang kagamitan sa pagmamanupaktura at mga pangunahing sangkap, tulad ng mga metal, kimika at elektronika, at mga manupakturang kinakain at ginagamit ng karaniwang tao.

Sa gayon, uunlad ang Pilipinas tulad ng mga industrialisadong bansa, tulad ng Amerika, Hapon, Tsina, Europa at Korea. Lilikha ang mga ito ng trabaho para sa milyun-milyong kababayan na walang trabaho o kulang sa trabaho sa kanayunan at kalunsuran. Giginhawa ang sambayanang Pilipino mula sa kasalukuyang kalagayan ng inaapi at pinagsasamalantalahan ng mga dayuhang monopolyo, malalaking komprador at asendero at mga korap na opisyal sa burukrasya at sa militar.

SR3: Ang sabi po ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr., paso na raw po ang laman ng CASER, wala ng halaga ang mga nilalaman nito at ang Communist Party of the Philippines lang daw po ang makikinabang dito. Ano po ang inyong pagtingin sa bagay na ito, Prof Sison?

JMS: Hindi totoo ang sabi ni General Galvez. Sinungaling siya. Malakolonyal at malapyudal ang Pilipinas. Pinalubha ito ng tinawag na neoliberal globalization, ang patakarang pinabilis ang pag-ipon ng kapital sa kamay ng mga dayuhang monopolyo at malalaking komprador at asendro sa pamamagitan ng pagpapababa sa antas ng pasahod. Lalong hinaharang ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industrialisasyon. Lalong nakikinabang ang mga halimaw sa pagsasamantala sa mga manggagawa, magsasaka at pati na mga nasa gitnang saray ng lipunan. Ito ang dahilan ng pagkaatrasado ng ekonomiya ng Pilipinas.

Ilinuluwas ng mga imperyalista at mga mapagsamantalang uri ang kayamanan ng Pilipinas sa anyo ng supertubo at sa pamamagitan ng kalakalang kolonyal. Nagluluwas ng hilaw na sangkap at murang paggawa at nag-aangkat ng mga yaring produkto pati na ang mga gamit na panluho ng mga nagsasamantalang uri.

Kapag may tunay na land reform, ang makikinabang ay mga magsasaka at buong bansa na magkakaroon ng sapat na pagkain at malawak na palengke ng mga manupaktura ng bansa. Kapag may pambansang industrialisasyon, ang makikinabang ay mga mangagagawa, mga taong walang trabaho na magkakaron ng trabaho at buong bansa na makikinabang sa pagtaas ng antas ng kaunlaran at ginhawa sa kabuhayan.

SR4: Ayon naman kay National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., hindi tutuo na isasalba ng CASER sa kahirapan ang mamamayang Pilipno. Ang lahat ng nakatala sa CASER ay pulos kaisipang komunismo. Tatanggalin din nito sa serbisyo ang mga elemento ng Armed Forces of the Philippines o AFP at tanging ang New People’s Army o NPA lang ang makikinabang sa CASER dahil ang mga ito ang magpapatupad ng agrarian reform. Ano po ang masasabi ninyo sa pahayag ni Esperon, Prof. Sison?

JMS: Bobo si General Esperon. Hindi komunismo ang tunay na land reform at pambansang industrialisasyon. Patriotismo ito at mga repormang ito ay burges-demokratiko pa. Hindi man sosyalismo ang mga repormang ito. Lalong malayo sa komunismo. Walang nalalaman at sinungaling itong si Esperon.

Kapag nagkaroon ng mga makabayang reporma tulad ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industrialisasyon, makikinabang pareho ang mga sundalo ng AFP at mandirigma ng NPA at mga pamilya nila tulad ng lahat ng mamamayan. Kapag nagkaroon talaga ng mga repormang ito, hindi na kailangan na maglabanan pa ang AFP at NPA.

Mawawala na ang dahilan ng guerra sibil o sandatahang labanan. Ang lumalaking badyet para sa militar ay puede nang ilagay sa pagtatayo ng mga industriya at mga kooperatiba sa agrikultura. Wala nang pag-aaksaya ng pondo ng bayan at maramihang pamamaslang na ginagawa ng militar na utusan lamang ng mga imperyalista at mga papet nitong pulitiko sa ating bayan.

SR5: Para po sa kapatiran ng ating mga tagapakinig, sina Galvez at Esperon po ay mga dating Chief of Staff of the Armed Forces of the Philippines o AFP. Pareho silang ayaw ng ipagpatuloy ang peace talks sa ating bansa. Pareho silang nananalig na kakayanin ng gubyerno na tapusin ang insurhensiya sa bansa at maaaring gawin ang local peace talks sa mga rehiyon. Ano po ang inyong opinyon Prof Sison hinggil sa bagay na ito?

JMS: Habang nananatili ang pang-aapi at pagsasamantala ng mga dayuhang kapitalista, mga malaking komprador at asendero sa mga anakpawis at sa sambayanang Pilipino, lalong lalaki at lalakas ang rebolusyonaryong kilusan ng sambayanang Pilipino at hindi makakayang supilin o linlangin ng militar ng kontrarebolusyonaryong estado.

May pambansang katangian at saklaw ng mga batayang problema na naging sanhi ng pagrerebolusyon ng masang Pilipino. Kung gayon, ang karapatdapat na mag-usap sa peace negotiations ay mga negotiating panel na inatasan ng GRP at NDFP sa pambansang antas. Ang mga reporma na kinakailangang pag-usapan at pagkasunduan sa ekonomiya, pulitika at konstitusyon ay may pambansang saklaw.

Kung gayon, ang lahat ng organo ng CPP at kumand ng NPA sa lahat ng antas, magmula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas, ay tumanggi na sa alok ng tinawag na localized peace talks. Kinokondena nila ito bilang isang mapanlinlang at malisyosong pakana ng mga militarista at pasista para hatiin ang kilusang rebolusyonaryo at isang patibong para magpasurender at patayin ang mga magsurender tulad sa Oplan Tokhang.

Walang localized peace talks na nangyayari kundi photo-ops ng mga militar at mga asset nila o mga pamiting ng mga sibilyan sa utos at pananakot ng militar. Pagkatapos palilitawin nilang mga nag-surrender ang mga nasa retrato o list of attendance para ibulsa ng mga opisyal na militar ang pera mula sa tinawag na E-CLIP o mula sa intelligence at discretionary fund. Raket lamang ng militar ang pekeng localized peace talks.

Dating raket na ito tulad ng PAMANA conditional cash transfer na pinalaki lamang. Walang taong naloloko nito dahil sa maliwanag ang mga militar ang nagbubulsa ng malaking bahagi ng pera para sa mga tinawag sa surrenderers at pagkatapos papatayin nila ang ito para makakuha pa ng mas malaking pera.

Yong mga mas tusong military officer nag-iimbento sa papel ng mga listahan ng nagsurrender at napatay sa mga pekeng engkwentro. Katawa-tawa na ipinaghahambog ng rehimeng Duterte na maraming ulit sa aktwal na bilang ng mandirigmang NPA ang nagsurrender at pinatay. Madalas ang aktwal na pinapatay ay mga sibilyan na sinisiraan muna ng red-tagging sa ilalim ng National Task Force-ELCAC.

SR6: Isang mahalagang paksa na naman ang ating tinalakay sa araw na ito. Ano po ang inyong ipapabaon sa ating mga tagapakinig, Prof Sison?

JMS: Tapos na ang mas malaking bahagi ng termino ni Duterte. Nasa takipsilim na ang administrasyon niya. Sinikap nitong patayin ang kilusang rebolusyonaryo ng sambayanang Pilipino. Subalit hindi lang siya bigo, lalo pang lumakas ang rebolusyon. Tumpak na tawagin siyang best recruiter ng NPA dahil sa lalong dumami ang armadong rebolusyonaryo dahil sa ibayong pagsasamantala at pagmamalupit sa mga mamamayan.

Wasto ang kapasyahan at tunguhin na lumaban kayo, mga kababayan, hanggang tagumpay. Nasa inyong pakikibaka ang pagkakamit ng pambansang kalayaan at tunay na demokrasya. Kung sakali mang magkaroon ng peace negotiations sa pambansang antas huwag kayong manlubay sa pakikibaka habang hindi ipinapatupad ang anupamang kasunduan ukol sa mga repormang batayan ng makatarungang kapayapaan.

Habang paliit na ang panahon ni Duterte sa kapangyarihan, lalong huwag tayong umasa na handa siyang makipag-usap para sa makatarungang kapayapaan. Napapalibutan siya ng mga militaristang heneral na katulad niyang berdugo at papet ng mga imperyalista. Kung magpataw ng pormalisado at lubusang pasistang diktadura sa Pilipinas ang mga nasa kapangyarihan, paigtingin pang lalo ang ating paglaban hanggang makamit ang ganap na tagumpay.

JMS:: Mga kababayan, nagpapaalam ako sa inyo hanggang sa susunod na panayam namin ni Prop.Sarah Raymundo. Maraming salamat sa inyong pakikinig. Mabuhay kayo!

Prof Sarah: Maraming maraming salamat po Prof. Sison sa inyong matalas at malinaw na pagtatalakay ng mga isyu na kaugnay ng CASER o Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms.

Matagal na debate kung paano ba babaguhin ang lipunang Pilipino: reporma o rebolusyon? Para sa mga kagaya nina Esperon at Galvez, masama ang rebolusyon, masama rin ang reporma tulad ng CASER. Kung gayon, pinagtatanggol lang nila ang namamayaning sistema. Batid naman ng mga rebolusyonaryo na kinakailangan ang pagpapatupad ng mga repormang makatutugon sa pangangailangan ng taumbayan sa proseso ng pagkakamit ng rebolusyonaryong pagbabago.

Kung ano ang inilawak at iniluwang ng puwang sa alternatibo na inilalaan ng NDFP sa usapin ng CASER para sa Peace Talks ay gayon na lang ang kitid at makaisang-panig ang pananaw ng mga elemento ng militar na kumakatawan sa gobyerno sa usaping ito, walang pinagkaiba sa pananakal na ginagawa ng gobyerno sa sambayanang Pilpino. Taglay ng CASER ang paunang hakbang sa pagkamit sa ekonomiko at panlipunang hustisya. Isulong natin ito kasabay ang panawagan sa Peace Talks.

Ito po si Sarah Raymundo, aktibista ng Bagong Alyansang Makabayan o BAYAN at guro ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Maraming salamat sa inyong pakikinig at hanggang sa muli dito sa Itanong Mo Kay Prof.

End

Itanong Mo Kay Prof: Hinggil kay Robert Mugabe at hinggil sa martial law nina Marcos at Duterte

Panayam ng Kodao Productions kay Prof. Jose Maria Sison hinggil sa yumaong Robert Mugabe, dating presidente ng Zimbabwe at ang Martial Law sa panahon ni Marcos at Duterte.

ITANONG MO KAY PROF
TOPIC: 1. Robert Mugabe, dating pangulo ng Zimbabwe
2. Martial Law ni Marcos at De Facto Martial Law ni Duterte
SEPTEMBER 18, 2019

Prof Sarah: Magandang araw sa mga tagapakinig sa ating paluntunang Itanong Mo Kay Prof. Sa araw na ito ay makakasama nating muli ang Chair Emeritus ng ILPS upang talakayin ang mahahalagang sitwasyon sa ating malawak na kilusang mapagpalaya.

Magbibigay tayo ng pagpupugay sa kilusang mapagpalaya ng Zimbabwe at sa naging lider nito na si President Mugabe. Maglalaan din tayo ng panahon sa pagtalakay ng mga kundisyong bunsod naman ng mga presidenteng diktador at anti-mammayan. Bukod pa at higit rito ay pag-uusapan din natin ang pagbabalikwas ng mamamayang magigiting laban sa mga korap at abusadong lider ng ating nakaraan at kasalukuyan. At siyempre makakasama natin si Propesor Jose Maria Sison dito sa Itanong Mo Kay Prop.

Prof Sison: Maalab na makabayang pagbati sa inyo Prof. Sarah Raymundo at sa lahat ng ating kababayan!

Mga Tanong:

Prof Sarah: Prof Sison, bago tayo tumungo sa mahahalagang usapin sa ating bayan, puntahan muna natin ang isang mainit at pinag-uusapan din ngayon sa buong daigdig. Ito ay ang pagpanaw ng dating pangulo ng Zimbabwe na si Robert Mugabe, noong September 6 sa idad na 95 taon. Magkakaiba ang damdamin ng kanyang mga kababayan sa pagtingin ng kanyang naging kasaysayan bilang pangulo ng Zimbabwe, na dating Rhodesia.

Prof Sarah: Sabi ng mga matatandang Aprikano, si Mugabe daw ay revolutionary fighter at liberator. Maaari po ba ninyong ibahagi sa ating mga tagapakinig sino po ba talaga si Robert Mugabe. Tutuo ba na naging mahusay na lider siya at rebolusyonaryo?

JMS: Si Robert Mugabe ay totoong revolutionary fighter at lider sa pagpapalaya ng Zimbabwe. Sa kanyang pagpanaw, pinarangalan bilang bayani ng gobyerno at mga mamamayan ng Zimbabwe. Sa matagal na panahon, itinuring siya na bayani at ama ng kanyang bayan laban sa kolonialismo at imperyalismo ng Bretanya at sa white minority rule ng mga Ingles. Taglay niya ang African nationalism at naging tagapangulo ng Non-Aligned Movement, Organization of African Unity at African Union.

Sa ilang panahon, sinikap niyang mag-aral ng Marxismo bilang gabay sa pagpapalaya sa itim na mayorya ng kanyang bayan. Kinulong siya nang sampung taon (1964-74) ng mga kolonyalistang Ingles. Sa paglabas niya ng preso, tumungo sa Mozambique para pamunuan ang sandatahatang pakikibaka ng Zimbabwe African National Union (ZANU) laban sa white minority rule ni Ian Smith ng Rhodesia (dating tawag ng mga Ingles sa Zimbabwe.)

Pumasok siya sa peace negotiations na minungkahi ng Bretanya at natuloy ito sa pagtigil sa sandatahang pakikibaka. Nagkaroon ng general election ng 1980 kung kailan nanalo ang ZANU-Patriotic Front at naging unang Prime Minister ng Zimbabwe si Mugabe mula 1980 hanggang 1987. Naging presidente siya mula 1987 hanggang 2017. Sa kanyang katungkulan, pinalawak niya ang sistema ng health care at public education. Sa umpisa nakipagcompromiso siya sa Bretanya tungkol sa economic policy. Pero itinulak pa rin niya ang dekolonisasyon, laluna sa land reform laban sa mga puting panginoong maylupa.

Prof Sarah: Tinawag din siyang diktador ng maraming Zimbabwean. Marami daw pong pinapatay si Mugabe at siya daw ang dahilan ng pagbagsak ng kanilang ekonomiya. Naging ganid daw siya sa kapangyarihan. Inabot niya ang 37 taon sa pwesto bago siya napabagsak at napaalis sa ng mga militar sa kanilang bayan. Ano ang masasabi ninyo dito, Prof Sison?

JMS: Ang pagkumpiska ng lupa mula sa mga puting panginoong maylupa para ipamudmod sa mga itim na magsasaka ang naging dahilan ng malaking paninira kay Mugabe mula sa minoryang puti, mga kasapakat nilang itim na nasa partido naZimbabwe African People’s Union (ZAPU) at mga pahayagan ng Bretanya at Kanluran. Sinabotahe ng mga imperyalista ang mga eksport ng Zimbabwe at dahil dito napinsala ang ekonomya nito. Pero naligtas ang ekonomiya dahil sa tulong ng mga bansang hindi palasunod sa US at Bretanya.

Pinakamasamang hamon kay Mugabe ang paglunsad ng armadong oposisyon sa kanyang gobyerno. Dito nagkamatayan ng marami. Dinurog ng Fifth Brigade ni Mugabe ang armadong oposisyon sa Matabeland kung saan iniulat na galibu ang nasawi. Gayunman sa mga eleksyon, pinayagan ni Mugabe ang paglahok ng partido ng oposisyon. Hanggang ngayon, buhay na buhay ang mga legal na kalaban niya sa pulitika.

Prof Sarah: Ano ang aral na ating mapupulot sa naging kasaysayan ni Robert Mugabe, Prof Sison? May kabuluhan ba ang kanyang mga ginawa para sa mga Aprikano at sa mamamayan ng daigdig?

JMS. Malaki ang kabuluhan ng ginawa ni Mugabe sa pagpapalaya at pagpapaunlad ng Zimbabwe at sa pagtataguyod ng pagkakakaisa ng mga bansang Afrikano laban sa kolonyalismo, imperyalismo at paghahari ng puting minorya. Sa kabila ng mga tagumpay niya at pagsuporta ng masa, parang hindi niya namalayan ang kanyang pagtanda at pangangailangan na magretiro. Sa edad na 93, gusto pa niyang magpatuloy na presidente ng Zimbabwe pero pinagsabihan na siya ng militar na palitan na siya ng bise presidente. Ang aral dito ay dapat may retirement age at limitasyon sa termino ng mga lider.

Prof Sarah: Noong September 21, 1972 ay pinirmahan ng dating pangulo ng bansa at diktador na si Ferdinand Marcos and Proclamation No. 1081. Isinasaad dito ang paglalagay sa buong bansa sa ilalim ng Batas Militar o Martial Law. Ginawa ito ni Marcos para lalong lupigin ang nag-aalburutong galit ng mamamayan na noon ay nakakaranas na ng matinding pang-aabuso ng mga may kapangyarihan sa bansa. Bagsak ang ekonomiya. Marami ang walang hanapbuhay. Marami ang hindi kumakain sa maghapon at kaliwa’t kanan ang pang-aapi ng mga kapitalista at panginoong maylupa sa mga manggagawa at magsasaka.

Ipinagbawal ang organisasyon ng mga kabataan at guro sa eskwelahan. Ipinasara ang mga publikasyon at tinanggalan ng karapatan sa pamamahayag at ekspresyon ang mamamayan para hindi malaman sa buong daigdig ang nagaganap na karahasan sa bansa.

Marami ang hinuli, tinortyur, pinatay at mga dinukot na hanggang ngayon ay hindi pa nakikita.

Kasama nating muli ngayon si Prof Jose Maria Sison para magbahagi ng kanyang karanasan noong panahon ng Batas Militar.

Prof Sarah: Prof Sison, isa kayo sa mga lumaban noong panahon ng Batas Militar. Ano po ang inyong masasabi sa ginawang ito ni Marcos?

JMS: Tunay na masamang tao si Ferdinand Marcos. Sakim sa kapangyarihan at sa kayamanan. Nagpataw ng batas militar sa bayan para magtayo ng pasistang diktadura at mawalan ng hadlang ang kanyang paglabag sa mga karapatang demokratiko at pantao at gayundin ang kanyang pandarambong sa kabangyaman ng bayan at sa mga proyektong overpriced at kaakibat nitong mga utang sa loob at labas ng bansa.

Noon pa mang 1965, tantiyado na naming nasa mga makabayan at progresibong organisasyon na may balak si Marcos na maging pasistang diktador habambuhay. Dahil dito, determinado kaming magpalakas ng kilusang masa hanggang maitayo ang isang rebolusyonaryong partido at hukbo. Lalong naging halata ang hilig ni Marcos noong 1969 at 1970 na gumamit ng militar para manakot at pumatay.

SR5. Kayo po ay nahuli noong 1977. Sino po ba ang dumakip sa inyo, Philippine Constabulary (PC) o mga sundalo? Paano ninyo hinarap si Marcos at ano ang ginawa nila sa inyo?

JMS: Composite forces ng Philippine Constabulary and dumakip sa akin noong Nobyembre 10, 1977. At pagkatapos ikinulong ako nang matagalan hanggang 1986 sa Military Security Unit ng Philippine Army. Parang gentlemen kami ni Marcos nang magharap. Nagkunwari pa siyang mag-alok ng national unity and reconciliation. Tugon ko na pag-aralan namin kung ano ang mabuti para sa bayan. Nagreklamo pa ako tungkol sa pagdukot at pamamaslang ng militar sa mga aktibista sa Timog Katagalugan.

Nang ibinalik ako sa aking piitan sa MSU sa Fort Bonifacio, ilang araw akong pinupuntahan ng mga imbestigador hanggang Sabado. Halata kong yamot sila na walang makuha sa akin na impormasyong makapagpahamak sa iba. Pagdating nang Sabado at Linggo, ipinailalalin na ako sa physical torture, kabilang na ang pambubogbog at maraming oras ng water cure: paulit-ulit na pagpapaagos ng tubig sa aking ilong hanggang para akong nalulunod.

Prof Sarah: Prof Sison, anong aral ang maibabahagi ninyo sa ating mga tagapakinig bilang isa sa mga naging biktima ng Martial Law?

JMS: Napakasama ang martial law. Lisensiya ito ng presidente bilang commander-in-chief at mga utusan niyang militar na gumawa ng lahat ng human rights violations, kabilang na ang mga abduction, torture, pamamaslang at pandarambong. Dahil sa martial law napakaraming dinukot, desaparesido, tinorture, pinatay at inagawan ng property. Sa pinakamababang estimate, nakapagnakaw si Marcos ng 10 to 15 billion USD.

Prof Sarah: Ngayon naman ay dumako tayo sa panahon ng Pangulong Duterte. Maaari ninyo po bang ipaliwanag muna sa ating mga tagapakinig, ano ang ibig sabihin ng de facto martial law?

JMS: Tulad ng panahon ng pasistang diktadura ni Marcos at tulad sa Mindanao ngayon magmula 2017 may pormal na proklamasyon ng martial law. Pero sa Luson at Bisayas, wala pang ganitong proklamasyon, de facto o sa katunayan meron nang martial law dahil sa aktwal na paggamit ng militar ni Duterte para manakot, manghuli, magtorture at pumaslang sa mga tao nang walang paghapag at pagproseso ng kaso sa harap karampatang husgado ng sibilyan na gobyerno. Sa ilalim ng Executive Order No. 70 ilinalagay ni Duterte ang gobyerno at lipunan sa kanyang kamay na bakal o kanyang militar na instrumento.

Prof Sarah: Napakarami na po ang mga dating pulis at militar na ngayon ay nasa Kongreso, Senado at Malacanang. Pinasok na rin ng Philippine National Police ang mga eskwelahan at unibersidad sa Kamaynilaan para daw supilin ang pagrerekrut ng mga NPA sa mga kabataan. Ito rin daw ay bahagi ng kanilang kampanya ng pagsupil sa mga pinagbabawal na gamot. Ano ang inyong opinyon hinggil sa mga bagay na ito, Prof Sison?

JMS: Ang mga binanggit mo ay pruweba ng de facto martial law. Sa utos ng commander-in-chief, nagiging dominante ang mga militar sa gobyerno at sa lipunan. Pinakikialaman ng militar ang lahat ng bagay para maghasik ng lagim at gumawa ng anumang krimen sa ngalan ng anti-communism at national security.

Prof Sarah: Noong May 23, 2017 ay ibinaba ang martial law sa buong Mindanao. Kasunod nito ay kinansela ng gubyerno ang panglimang round ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP), na noon ay parehong nasa (The) Netherlands ang mga negosyador. Ano po ang inyong masasabi dito, Prof Sison?

JMS: Magmula sa petsang binanggit mo,, nagproklama ng martial law sa saklaw ng buong Mindanao para umpisahan niyang labanan nang lantaran ang CPP, NPA at iba pang pwersang rebolusyonaryo. Sadyang sinira ni Duterte ang peace negotiations nang sa gayon magawa niyang dahilan ang armed conflict o ang CPP at NPA para magtayo ng pasistang diktadura.

Prof Sarah: Prof Sison, hindi lamang isang taon ang martial law sa Mindanao. Ito ay naextend pa hanggang matapos ang taong 2019. Ano po ba sa inyong pagtingin sa dahilan ng pamahalaan at bakit kailangang ipagpatuloy pa ang martial law sa Mindanao?

JMS: Ipinagpatuloy ang martial law sa Mindanao bilang pundasyon ng de facto martial law sa buong Pilipinas at bilang pundasyon na rin ng pandaraya sa nakaraang eleksyon at anumang susunod na eleksyon. Dominado na ni Duterte ang Kongreso at local governments dahil sa malaking pananakot sa oposisyon at pandaraya sa eleksyon sa Mindanao. Isa pang mahalagang punto, dahil sa martial law sa Mindanao, napadali ang pang-aagaw ng lupa at natural resources mula sa mga kawawang lumad at mga magsasaka.

Prof Sarah: Ano po ang epekto ng martial law sa Mindanao? Sa inyo po bang pagtingin Prof Sison, malulupig ng pamahalaan ang mga rebolusyonaryong pwersa ng CPP/NPA/NDF?

JMS: Sa palagay ko, hindi malulupig ng bulok na gobyerno ang pwersang rebolusyonaryo sa Mindanao. Lalo pang lalakas ang mga ito dahil sa ibayong pang-aapi at pagsasamantala at dahil taglay nila ang tamang linya ng demokratikong rebolusyon ng bayan. At tama rin ang estratehiya nila na pangmatagalang digmang bayan at mga taktika ng digmang gerilya na malawak at masinsinan batay sa malawak at malalim ng suporta ng masang api.

Prof Sarah: Sa September 21 ay aalalahanin ng mamamayang Pilipino ang ika-47 taon ng Batas Militar sa bansa. Ano po ang inyong pabaong mensahe sa ating mga tagapakinig, Prof Sison?

JMS: Mensahe ko sa lahat ng ating kababayan na tandaan ang malalaking krimen ng pasistang diktadura ni Marcos at ipagbunyi ang dakilang pakikibaka ng masang Pilipino at mga makabayan at demokratikong pwersa para ibagsak ang diktadura iyon. Matuto sa karanasan at labanan nang puspusan ang balak at mga hakbang ng tiraniyang Duterte na magpataw ng martial law at pasistang diktadura sa sambayanang Pilipino.

Prof Sarah:

Prof Sison: Nagpapasalamat ako muli kay Prof. Sarah Raymundo at sa lahat ng takapakinig. Mabuhay kayo!

Prof Sarah: Maraming salamat Prof Sison sa isang mayaman at matalas na diskusyon. Maraming salamat sa ating mga tagapakinig.

Apat na pu’t pitong taon matapos ang deklarasyon ng Martial Law ay nahaharap na naman tayo sa malalagim na kundisyon. Mabangis ang gobyernong Duterte at ang galamay nito lalong-lalo na sa mga manggagawa at magsasaka. Tintatakot at pinapatumba rin nito ang mga nagtatanggol sa karapatang pantao at nais magsulong ng kapayapaan.

Tandaan natin, hindi magiging ganito kasahol ang paninikil sa ating mga laya kung wala ring matinding krisis na hinaharap ang ating sistema. Ang gustong mangyari ng mga nasa kapangyarihan ay panatilihin ang umiiral na sistema sa kabila ng krisis. Kaya tinatakot at inaagawan nila ng buhay ang mga nagnanais baguhin ang sistema upang masolusyunan ang krisis. Habang sila ay papahina, nais din nila tayong maging mahina. Kaya’t nararapat lamang na tayo ay humugot ng lakas sa pagtitiwala sa kilusang masa.

Ito po si Sarah Raymundo ng Bagong Alyansang Makabayan at Unibersidad ng Pilipinas. Hanggang sa muli dito sa Itanong Mo Kay Prof.

End