Ni Carlos Marquez
HANGGANG sa kasalukuyan, lingid sa kaalaman ng
marami, kasama ang mga manunulat na taga-Nueva Ecija sa mga nagsipagmalasakit
sa Filipino bilang Wikang Pambansa. Nasa listahan ng mga manunulat ngayon na
taga-Nueva Ecija na kinikilala sa buong daigdig sina: (sa pagkakasunod ayon sa
alpabeto) Rony V. Diaz, Rogelio Mangahas, Maria Odulio De Guzman, Wilfredo
Pascual, at Rogelio Sicat.
Si
Diaz, ipinanganak sa Cabanatuan nuong Disyembre 2,
1932, ay isa pang premyadong manunulat, naging executive director ng Manila
Times School of Journalism, at awtor ng “The Centipede “.
Nakilala si Rogelio Mangahas, taga-Palasinan,
Cabiao, Nueva Ecija, sa kanyang akdang “Mga Duguang Plakard”, na nagkamit ng
unang gantimpala sa Gawad Palanca. Kinilala rin at hinangaan ang kanyang
kritika sa nobelang “Sa Mga Kuko ng Liwanag” ni Edgardo M. Reyes.
Awtor ng 16 na diksyunaryong English-Filipino at
Filipino-English si Maria Odulio de Guzman, na kauna-unahang babaeng guro sa
hayskul sa buong Pilipinas. Naging prinsipal siya sa Nueva Ecija High School.
Nagsalin din siya ng Noli Mi Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal mula sa
orihinal na Kastila sa Filipino.
Tubong San Jose City, Nueva Ecija, naman si Wilfredo
Pascual Jr., kinilala sa buong daigdig bilang manunulat ng sanaysay, dalawang
beses na nagkaroon ng Gawad Palanca, at kabilang sa Samahang Makasining, isang
organisasyon ng mga alagad ng sining.
Ipinanganak sa San Isidro, Nueva Ecija si Rogelio
Sicat na lubhang nakilala sa kanyang premyadong maikling kuwentong “Impeng Negro”.
Ang kuwentong ito na nagwagi ng Gawad Carlos Paalanca nuong 1962 ay tumatalakay
sa panduduro (bullying) at hindi patas na tingin sa lahi (racism) na
pangunahing isyung panlipunan sa bansa.
Sinulat din ni Ka Roger Sikat ang dulang
pantanghalang “Moses, Moses” na tumatalakay sa tagibang na paggagawad ng
hustisya ang paniniil ng mga politiko – na kabing-kabi sa kasalukuyang panahon.
Kilala ring guro si Sikat. Siya’s naging propesor at
dekano sa Kolehiyo ng Sining at Letra sa University of the Philippines. #
Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at
makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.