ITANONG MO KAY PROF
Panayam ng Kodao kay Prof. Jose Maria Sison
January 22, 2015
1. Ano po ang ibig sabihin ng First Quarter Storm o FQS ng 1970?
JMS:Pumutok ang First Quarter Storm noong Enero 26, 1970 nang sinalakay ng mga pulis ang mga 10,000 demostrador sa harap ng Kongreso nang natapos ang state of the nation address ni Marcos. Sa unang kwarto ng taong 1970, mula Enero hanggang Marso, bumalikwas ang mga kabataan at iba pang mamamayan para labanan ang mga anti-mamamayan, anti-nasyonal at anti-demokratikong patakaran ng rehimeng Marcos at Estados Unidos. Sa bawat linggo, 50,000 hanggang 100,000 ang nagtitipon sa ibat-iang assembly point sa national capital region, sa Bonifacio Monument sa Caloocan, Tondo, Quezon City, Sampaloc, Pasay, Pasig Makati at ibang lugar.
Nagmamartsa ang mga demostrador at dumadagsa sila sa converging point. Daan-daang libong mamamayan sa dinadaanan ng mga martsa ang nagbibibigay suporta sa mga demostrador. Madalas na dumagsa ang mga nagmamartsa sa Plaza Miranda at pagkatapos tumutuloy sa harap ng Kongreso, ng Malakanyang o embahada ng Estados Unidos. Ang Kabataang Makabayan ang tampok na namuno sa kabataan. Kahit na gumagamit ng dahas ang rehimen para guluhin at supilin ang mga marta at rali, lalong lumalakas ang kilos masa at ang propaganda sa pambansang saklaw at sa mga lokalidad.
(Malaking pasasalamat kay Mon Ramirez sa kanyang mga siniping larawan ng FQS mula sa kanyang pagsasaliksik.)