Isang kwentong marino
Ni Nuel M. Bacarra
Kasabihan na sa ating mamamayan na lahat tayo ay may kamag-anak, kaibigan o kakilalang nagta-tratrabaho sa ibang bansa. Naging paniniwala na nga na maswerte silang nasa ibang bansa dahil malaki ang kanilang kita at higit na mapalad ang kani-kanilang mga pamilya dahil para rin sa kanila ang pangingibang-bayan ng kanilang mahal sa buhay. Katunayan, nagiging bahagi na nga ng ekonomiya ang pera- at karton-padala na nakatuntong sa pagsasakripisyo ng mga Pilipino sa ibayongdgat.
Ngunit hindi lahat ng kanilang kwento ay masaya. Maraming marino o maging land-based na Overseas Filipino Worker (OFW) ang nakaranas ng iba’t ibang uri ng pagsasamantala, pang-aapi, panlalait at mga pinsalang pisikal—aksidente man o bunga ng aktwal na pandarahas.
Ilan na ba ang mga dumanas ng kahalintulad na sinapit ni Flor Contemplacion na binitay sa Singapore noong 1995. Mayroong tulad ni Mary Jane Velasco na nasa death row ngayon sa Indonesia. Noong 2011, ang marinong si Farolito Vallega ay binaril at napatay ng mga piratang Somali habang sakay ng isang barkong pag-aari ng German.
Bukod sa mga ganito, marami pang OFW hindi lamang marino ang umuuwing may kapansanan na, biktima ng mga sindikato, dumanas ng pagmamalupit, at iba pa. Partikular sa mga marino o seafarer, napakahirap ng kanilang kalagayan kapag naglalayag. Lagi silang nakasuong sa panganib sa laot, at di na rin miminsan na di na nakakauwi, di na matagpuan.
Kahirapan at Sakripisyo
Hindi gugustuhin ng sinuman ang umalis at iwan ang pamilya para lamang magtrabaho sa ibang bansa. Ang pang-ekonomyang kalagayan na kulang o walang pantustos sa pamilya ay nagtutulak na batayan para maghanap ng trabaho sa labas ng bansa. Sa mas masaklaw na usapin, ang buong bansa ay nakasadlak sa kumunoy ng kawalan ng malikhang istable at matinong trabaho dahil sa imposisyon ng neoliberalismo habang walang tunay na reporma sa lupa para sa pinakamalaking sektor ng lipunan na pumapasan ng pagsasamantalang pyudal at malapyudal.
Sa kabilang banda, wala ring programa para sa industriyalisasyon dahil kung mas maralita ang mga Pilipino, mas pabor ito sa mga pulitikong nakikinabang sa pakikipagkutsabahan sa mga galamay ng imperyalismong US sa bansa.
Susuungin ng mga Pilipino ang anumang hirap at sakripisyo para lamang maiangat ang antas ng pamumuhay na meron sa Pilipinas. Titiisin ang lahat kahit isakripisyo ang buhay para lamang sa pamilya.
Kapag nakasampa sa barko, napalaking pag-angkop ang kailangan nilang gawin. Kailangan nilang umangkop sa napakalamig sa isang banda o sa napaka-init na lugar naman sa kabila, depende sa kung saan lumalayag ang kanilang barko. Sa mga panahon na maalon ang karagatan, ang hirap isipin kung paano umaangkop ang mga kababayan nating seafarer sa halos tumatalbog-talbog na pagkalalaking barko dahil sa mga dambuhalang alon at sa tila panunulay nila sa ibabaw ng mga ito.
Ang pagpapalabas sa bansa ng mga may kasanayan at murang lakas paggawa ay isinapatakaran ng estado dahil sa malaking ambag nila sa lokal na ekonomya mula pa noong panahon ng diktadurang US-Marcos hanggang ngayong nakaupo sa kapangyarihan ang anak ng diktador. Mula noon hanggang ngayon, signipikanteng bahagdan ng dolyar na pumapasok sa bansa ay mula sa mga OFW kabilang na ang mga seafarer.
Kargamento
Na-obligang magtrabaho ang mga seafarer kahit sila may karamdaman o naaksidente na sa aktwal na pagtatrabaho. Mapalad yaong ang kontrata ay sa ruta ng Europe dahil lungkot lamang ang karaniwang kalaban nila bagama’t kaunti rin lamang ang pahinga dahil sa tuluy-tuloy na trabaho. Kapag sa Asia at Africa naman, bukod sa sobrang bigat din, kulang ang probisyon sa pagkain at nakararanas sila ng pagkaantala ng kanilang sweldo.
Laging ikinababahala ng mga Pilipinong seafarer kapag naglalayag ang mga barkong pang-kargamento sa rehiyong sumasaklaw sa Gulf of Aden at sa Red Sea dahil sa maaaring madamay sila sa gera laluna kung ang barko ay pag-aari ng Israel. Nangyari na ito nang mabihag ng mga Houthi ng Yemen ang 17 Pilipinong seafarer at walo pang marino mula sa ibang bansa na mga tripulante ng cargo ship na MV Galaxy Leader. Ang barkong pangkargo ay pag-aari ng Great Britain at ginamit sa operasyon ng kumpanya ng Japan na may mahigpit na ugnayan sa isang negosyanteng Israeli. Ang mga Houthi ay sumusuporta sa Palestine na inookupa ng Israel at siyang naglulunsad naman ng henosidyong atake sa Palestine sa tulong ng imperyalismong US. Nagbabala na noon ang mga Houthi na huwag dumaan sa kanila ang mga barkong papunta sa Israel dahil magagamit lamang ang mga kargamento para sa okupasyon at henosidya sa Palestino, subalit namayani ang pagkagahaman sa tubo ng may-ari ng barko.
Nitong Setyembre 3, ipinahayag ni Secretary Hans Leo Cacdac ng Department of Migrant Workers na ligtas ang 17 Pilipinong seafarer at tuluy-tuloy ang pakikipag-ugnay ng Department of Foreign Affairs para sa paglaya nila.
Ganito ang danas na panganib ng mga seafarer. Walang bagyo, walang tag-init. May sakit o wala ay kailangan silang magtrabaho, kung hindi ay bawas sweldo. Kahit sanay sa mabibigat na trabaho ang mga Pilipino sa kalahatan, hindi naman katanggap-tanggap na mas binibigyan ng halaga ang kargamento kahit magkasugat-sugat, mabalda o manganib ang buhay at kalagayan nila. Dapat tiyakin ang tama at sapat na kumpensasyon sa 17 MV Galaxy Leader seafarers, bukod sa kaligtasan nila at makauwi sa Pilipinas nang ligtas.
Magna Carta
Ang ganitong sitwasyon ng mga kababayan nating seafarer ang dahilan kung bakit kailangan ng proteksyon ng sektor. Hindi iilang beses nang dumulog ang mga seafarer sa konggreso, nagprotesta sa lansangan, naglunsad ng mga porum para itanghal ang kanilang gipit at hirap na kalagayan.
Sinuportahan sila ni Rep. Arlene Brosas ng GABRIELA Women’s Party sa Kongreso, kasama ang dalawa pang kinatawan ng Makabayan Coalition. Iginiit ni Rep. Brosas ang mga probisyon kaugnay ng mga proteksyon para sa mga marino sa Magna Carta of Seafarers laluna ang pagtatanggal ng escrow at execution bond. Ang escrow account ay ang kumpensasyon na dapat tanggapin ng seafarer sa naipanalong kaso laban sa may-ari na barko o manning agency sa pinsalang nakamit ng isang marinong nagtatrabaho sa barko pero binibimbin hanggang makaabot sa Korte Suprema ang kaso samantala, ang execution bond ay ang paglalagak ng pondo ng seafarer habang may dinidinig ang kaso.
Ang dalawang malaking usaping ito ang dahilan din kung bakit tatlong beses nang isinalang ang Magna Carta of Seafarers sa bicameral conference committee na ayon mismo kay Brosas ay hindi normal na nangyayari. Minsan na itong ibinalik ng Malacañang sa kongreso. Sa ikatlong botohan, ang Makabayan bloc ay bumoto kontra rito dahil nga na sa halip na maging batas ito para sa proteksyon nila, magiging dahilan pa ito para lalo silang pahirapan.
Nangingibabaw na interes
Ang dalawang usaping ito ang naglalantad sa maniobra ng mga may-ari ng barko at manning agencies kaya hindi talaga ito matatawag na Magna Carta of Seafarers. Hindi ito matatawag na konstitusyunal dahil hindi pantay na nagtatamasa ng proteksyon ng batas ang mga seafarer kumpara sa may-ari ng barko o manning agency.
Dahil nasa Malacañang na, malamang maging batas na nga ito. Pirmahan man ito o hindi ng pangulo, awtomatiko itong magiging batas dahil sa 60 araw na palugit sa pangulo. Aminin man o hindi, ang kamay ng mga may-ari ng barko at ng mga manning agency ang gumalaw sa batas na ito.
Ang isang seafarer na nakauwing naputulan ng dalawang daliri, napilayan, baldado, nabulag ang isang mata, nagkaroon ng malalang karamdaman dahil sa pagtatrabaho sa barko ay hindi na muli pang makakasakay ng barko para magtrabaho. Dahil ang batas na Magna Carta of Seafarers ay hindi para sa kanila.
Sa panig ng pamahalaan, hindi talaga uubrang ilagay sa isang batas ang lubos na proteksyon sa mga seafarer na naputulan ng daliri o nabulag. Mapanganib talaga ang gawain ng isang marino. At ang sakuna ay kakambal gawaing ito. Lampas ito sa usapin ng kumpensasyon, ang nagdudumilat na katotohanan dito ay mababawasan ang kikitain ng mga may-ari ng barko at mga manning agency kung puro bayad pinsala sa mga tripulante. Kaya protektado ang interes nila.
Hindi kakayanin ng gubyerno kung mababawasan ang mga kumpanyang magbibigay ng trabaho sa mga Pilipino. Mababawasan ang dolyar na papasok sa kabang-yaman ng bansa. Lalaki ang tantos ng kawalang-hanapbuhay sa bansa at lalong sasama ang imahe nito sa buong mundo.
Ito ang esensya ng labor export policy ng gubyerno. Mas gugutuhin nitong may magtrabahong mga Pilipino sa mga barko para makapagparami pa ng mga kumpanyang magbibigay ng trabaho. At sa usaping ito, lantad ang pagpapahalaga ng gubyerno sa mga barko at kargamento kaysa marinong Pilipino. #