Badyet sa 2025: Pahirap sa mamamayan, bitamina sa mga politikong korap
Ni Nuel M. Bacarra
Praktika higit ng maralitang mamamayan ang pagba-badyet araw-araw. Ilang kilong bigas ang bibilhin, ilang itlog, talbos ng kamote o kangkong, tuyo o daing, mantika, asin, kape, saridnas? Lalakarin na lamang ang pagpunta sa palengke para makatipid at sasabihin sa sariling ehersisyo na rin ito. Imbes na dumaan sa botika, bibili lamang ng ilang pirasong dahon ng oregano para sa ubo ni Ineng. Bandang alas dos ng hapon ay uuwi na lamang si Dayunyor sa bahay para sa pananghalian na hahainan ni Nanay sa pagitan ng paglalabada habang nagtutulak ng kariton si Tatay sa pamumulot ng samu’t-saring kalakal sa kalsada na pwedeng pang pakinabangan at maibenta.
Simple lamang naman ang kailangan ng mga maralita. Ang totoo ay madali lamang maglaan ng gastusin sa mga bagay na kailangan sa araw-araw. ‘Yun ay kung may perang ibabadyet. Sa isang pamilya na lima katao, ang family living wage ay ₱1,200.00 sapat lamang sa isang araw na pangangailangan.
Ang ganitong tagpo sa buhay ng maralitang pamilya na tila kabalintunaan kung ihahambing sa mahigit anim na trilyong pisong nais gastusin ng pamahalaan sa susunod na taon. Itong danas ng karamihan ay kabaligtaran ng buhay ng mga pulitiko at matataas na upisyal sa pamahalaan. Nakikita ang ganitong kalagayan ng mga maralita ng gubyerno at mga pulitiko dahil eleksyon na sa isang taon at nakasalang sa Konggreso ang panukalang badyet para sa susunod na taon. Ang badyet na ito ay malaking usapin kung paano ang panahon ng eleksyon ay pakikinabangan ng mga pulitiko gamit ang kalagayan ng maralitang mamamayan.
Imprastrakturang proyektong tabing
Lumalaki ang badyet taun-taon na inilaaan ng gubyerno para sa mga imprastrakturang proyekto. Sinasabing 30% ang SOP o standard operating procedure na minsan ang tawag ay “commitment” na ang kahulugan ay sangkatlo ng badyet ng kabuuang proyekto ay mapupunta sa bulsa ng pulitikong nagpanukala at mga kasabwat nito. Ang ganitong kairalan ay panahon pa ng diktadurang US-Marcos. Sa pambansa o lokal na antas ay ganito ang kalakaran at daang bilyong piso ang usapin dito.
Sariwa pa ang ibinalita sa SONA ni Pangulong Marcos Jr. na may nakumpleto nang 5,500 flood control projects sa kanyang termino at dalawang araw pagkatapos ipagyabang ito, hinagupit ang buong Metro Manila at iba pang karatig na prubinsya ng matinding baha, na ibayong naglagay sa mga mamamayan sa kalunus-lunos na kalagayan.
Naging tuntungan ito para singilin ang rehimen sa ipinagyabang na mga proyektong ito. May katwirang ukilkilin ng taumbayan ang bilyun-bilyong pondong ginastos dito at kung nasaan ang mga libu-libong proyektong ito na ginastusan ng ₱245 bilyon. Dahil sa laki ng pinsala sa buhay ng mamamayan, nangangalampag sila at naniningil sa may pananagutan dito laluna sa rehimeng Marcos Jr. Kumita na ang mga kawatan ng ₱73.5 bilyon (ang 30% katumbas na halaga) sa proyekto pa lamang kontra diumano sa baha. Sa pambansa at lokal na antas ay ganito ang lakad ng mga pulitiko at matataas na upisyal ng gubyerno.
Hindi ang mga karaniwang mamamayan ang nakikinabang sa mga impraistrukturang proyektong ito. Ang mga expressway, tulay, daungan na ginagawa at pinupondondahan ay mas para sa mabilis na daloy ng produkto na mas pinakikinabangan ng mga kapitalista at negosyo na karaniwan ding kasabwat ng mga nasa gubyerno. Ang mga dam ay siguradong pagmumulan ng tubig para sa mga korporadong sakahan at mga distribyutor sa kabahayan. Ang mga nahukay mula sa mga kinakalbong bundok ay dumidiretso sa daanan, tulay patungong daungan para iluwas sa ibang bansa.
Ngayong nakasalang sa Konggreso ang pagtalakay sa pambansang badyet, asahang ang maniobra ng mga pulitiko para sigurado na ang milyun-milyong pondong puhunan para sa darating na eleksyon sa isang taon.
Tudla sa kawalan
Labas sa 30% kikbak sa mga impraistrukturang proyekto, ang confidential and intelligence fund (CIF) ng pangulo at bise niya mismo at iba pang ahensya ng gubyerno ay isang bagay na di pwedeng kwestyunin ang pinagkagastusan. Buhay na halimbawa rito ang ₱125 milyon ni Bise Presidente Sara Duterte na ginastos lamang sa loob ng labing-isang araw. Multi-milyong pondo ito ng bayan, na hindi iniuulat at lalong hindi pinananagutan.
Papalaki ang badyet ng Pilipinas taun-taon na tulak ng korupsyon. Maraming isinisingit na napakalalaking mga aytem sa panukalang badyet sa ilalim ng kategoryang “unprogrammed appropriations,” Sa panukalang badyet, papalaki ito nang papalaki at ito ang aytem na maaaring pagkunan din ng pondo ng mga pulitiko at kurap na upisyal ng gubyerno. Umabot na ito ngayon sa ₱731 bilyon mula sa dating 282 bilyon o 11.5% na ng panukalang pambansang badyet.
Maaaring mabago ito kung may nakikitang pagtutol laluna sa mga pagdinig sa Konggreso. Pero ang “milagro” ay nagaganap sa bicameral conference ng kapulungan ng Konggreso at Senado na nagpipinal ng panukala na labas na sa kabatiran ng mamamayan laluna ng mga organisadong grupo na nag-iingay kaugnay ng paggigiit ng prayoritisasyon ng serbisyong panlipunan sa badyet.
Para sa 2025, ang panukala ay aabot sa ₱6.352 trilyon na 10.1% mas malaki sa badyet ngayong 2024 at diumano ay katumbas ng 22% ng Gross Domestic Product ng bansa. Ayon mismo sa Department of Budget and Management, ito ay badyet na “taglay ang adyenda ng kasaganaan sa pamamagitan ng pagtugon sa mga pangangailangan at aspirasyon ng sambayanang Pilipino.” Puhunan diumano rito ang mga nakamit na tagumpay sa unang dalawang taon ng rehimeng Marcos Jr. na siyang giya sa transpormasyong ekonomiko at sosyal para sa isang masagana, inklusibo at matatag na lipunan.
Suntok sa buwan ang aspirasyong kasaganaan ng rehimeng Marcos Jr. para sa sambayanang Pilipino. Ang pangunahing pipigain dito ay ang mamamayan sa pamamagitan ng mga ipinapataw na buwis para makalikom ng pondo, pangungutang at pagbebenta ng mga ari-arian habang mas maliit na porsyento ang inilalaan sa serbisyong panlipunan.
Sa loob ng 23 buwan sa poder, nakapangutang ang rehimeng Marcos Jr. ng ₱204.7 bilyon. Mas mabilis at mas malaki ang nautang nito kaysa sa rehimeng Duterte na nakapangutang ng ₱95 bilyon sa loob ng anim na taong panunungkulan nito (o 72 buwan).
Ang sektor ng agrikultura ay nagrehistro ng pinakamababang bahagdan ng ambag sa ekonomya sa kasaysayan relatibo sa gross domestic product (pangkalahatang produktong nalikha ng bansa sa isang takdang panahon) habang ang bahagi naman ng manupaktura ay nasa pinakamababang antas sa loob ng 75 taon. Hindi maaninag sa ganitong larawan ng ekonomya kung paano ito pasisikarin kaya tiyak na di masasalamin sa panukalang badyet ang matinong plano para sa tunay na reporma sa lupa, industriyalisasyon at serbisyong panlipunan.
Sustento sa pasismo at imperyalistang gera
Hindi na nagkapagtataka kung ang badyet sa depensa, National Task Force–To End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at iba pang ahensya para sa pasismo at gera ay tataasan. Ang batayan para rito ay nananatiling nariyan pa at nagiging mas klaro.
Bigo ang rehimeng Marcos Jr. na durugin ang armadong pakikibaka ng mga rebolusyonaryong pwersa ng New People’s Army (NPA) at wasakin ang mga baseng erya nito tulad ng hinangad at ipinamamarali nito. Tuluy-tuloy ang focused military operations ng Armed Forces of the Philippines sa iba’t ibang rehiyon at prubinsya. Tuluy-tuloy ang pambobomba sa mga komunidad ng mga pambansang minorya at mga opensibang operasyon sa mga komunidad ng mga magsasaka at mangingisda.
Tuluy-tuloy din ang operasyon ng NTF-ELCAC sa usapin ng red-tagging na libangan nito, pagsasagawa ng mga huwad na pagpapasuko ng diumanong mga rebelde na pinagkikitaan din ng mga upisyal militar, ng mga judicial harassment sa mga target na indibidwal at organisasyon, atbp.
Higit sa lahat, ang pagpapatianod ng rehimeng Marcos Jr. sa kapritso ng US na kaladkarin ang Pilipinas sa gera nito kontra sa China ay popondohan din ng rehimen. Kailangang bumili ang bansa ng mga armas at iba pang kagamitang pandigma sa US para malagay sa war footing ang Pilipinas. Magtuluy-tuloy ang mga pakanang ehersisyong militar na kinasasangkutan di na lamang ng mga tropa ng US kundi maging ng iba pang bansa. At gagastos ang bansa rito. Ang gastos sa yutilidad ng mga base militar ng US dito sa bansa ay kokonsumo ng kuryente, tubig, gatong at iba pa na paglalaanan ng pondo ng Pilipinas, bukod pa sa aaksayahing bala, pasabog, misayl, gas para mga barko at eroplano at iba’t ibang mga ehersisyong militar.
Walang ganansya ang mamamayan
Hindi dapat umaasa ang mga maralita sa isang milyong pabahay taun-taon. Tulad rin lamang ito ng pangakong ₱20 kada kilo ng bigas. Walang magaganap na pag-alwan sa buhay ng magsasaka dahil ipagpapatuloy lamang ng gubyerno ang todo-largang importasyon ng mga produktong agrikultural at lalong wala sa prayoridad ng rehimen ang tunay na repormang agraryo, Mananatili pa rin lamang ang Pilipinas na tagalikha ng pangangailangan ng ibang bansa hindi para sa lokal na konsumo ng mamamayang Pilipino. Gayundin ang kawalang-programa sa pambansang industriyalisasyon.
Mananatiling tagaluwas ng mga sanay na manggagawa ang Pilipinas habang binabarat ang sahod ng mga manggagawang lokal. Ang pondong kinukubra sa mga manggagawa, mga empleyado at iba pang mamamayan para sana sa serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng PhilHealth ay huhuthutin ng gubyerno para maging pondo ng mga pulitiko sa susunod na halalan. Habang ang kabataan at mga guro ay haharapin ang matinding krisis sa sistema ng edukasyon.
Biyaya para sa mga tradisyunal na nanunungkulang pulitiko ang panukalang badyet para sa isang taon laluna yaong nasa partido ng rehimeng Marcos Jr. sa pambansang antas man o lokal.
May ambag ang mamamayang Pilipino sa bawat pisong badyet. Tungkulin at karapatan nating ukilkilin ito kung saan ito napupunta. Mas marami ang naghihirap kaysa sa mga nagpapasarap sa pawis ng mga manggagawa at magsasaka, karaniwang empleyado o maliit na negosyante. At ang kasaysayan ng pagbabago ay iginuguhit kung paano nagpapasya ang mamamayan na baguhin ito sa anumang larangang epektibo. #