BISIKLETA MO AT AKTIBISMO
(Alay kay Ka Eb Montes)
Ni Fabian G. Hallig
Akala ko libangan lang ang hilig mo sa pagpadyak
Dibersyon sa pagkabagot at hinaharap na problema
Hersisyong pangkatawang sa isip din ay pampatalas
Sinisikap pag-ugmain galaw ng bisig at paa
Subali’t para sa iyo’y hindi lang ganyan ang layon mo
Kundi paglingkurin ito sa pagtupad ng tungkulin
Matalino mong pinag-ugnay bisikleta’t aktibismo
Pandayan ng teorya’t praktikang nagsisilbi sa simulain
Sa bisikleta mo inaaral ang siyensya ng paggalaw
Ang ugnayan ng bagay-bagay at pangyayari sa paligid
Ang koordinasyon ng makina at pisikal na katawan
Kung kailan liliko, hihinto at muling bubuwelong mabilis
Di mo alintana ang pitig ng pagod na mga binti
Ang ngalay na mga braso’t kamay habang iyong tinatahak
Landas na palayo sa pugad ng mga buwayang kati
Na tinakasan na ng konsyensya habang nagpapakabundat
Ginto sa’yo bawa’t saglit na ginugugol sa pagmumulat
Sa pag-oorganisa’t pagpapakilos ng mga guro ng bayan
Mga masa at aktibistang sa Inang Bayan ay lumiyag
Namanatang maglilingkod sa guro at sambayanan
Mahalaga rin para saiyo ang gamit mong bisikleta
Batid mong bawa’t pagpadyak pag-usad ng kasaysayan
Ng pagsulong ng kilusang guro at ng malawak na masa
Tungo sa tunay na pagbabagong hangad ng buong sambayanan.
###