Posts

‘Hindi pwedeng ganito’

Gusto ko sanang abutin ang maraming pamilyang namatayan dahil sa COVID o mga pasyenteng nagka-COVID na nakaranas ng palpak na responde mula sa sistemang pangkalusugan ng bansa. Hindi dapat sila nagdusa, hindi sana tayo nagluluksa kung naging episyente lamang ang tugon sa atin.

Ni Man Hernando

Walang nag-akala na ang kuha sa litrato na ito ang magiging isa sa huling masasayang sandali natin bilang pamilya. Sana nilubos na natin. Sana nayakap ka namin.

Ang problema lang naman natin sa kalusugan mo ay ang pagiging makakalimutin mo. Minsan bibigyan ka ni nanay ng listahan ng mga dapat bilhin o dapat gawin para siguradong pagbalik mo ay gawa mo ang lahat ng ipinagagawa sa ‘yo. Pero babalik kang nagkakamot ng ulo dahil isa o ilan lang sa mga nakalista ang nagawa o nabili mo dahil nakalimutan mo kung saan mo nailagay ang listahan. May mga biyahe kayo ni nanay na nakakarating ka na sa malayong lugar bago mapagtanto na naiwan mo siya sa bahay dahil humarurot ka na sa pagpapatakbo ng motor nang hindi mo pa siya nai-aangkas. Ang ikinakatakot lang namin noon ay magka-Alzheimer’s ka.

Ang teorya namin, kaakibat na iyon ng iyong pagtanda at iniindang sakit na diabetes at mahinang baga. Pero bukod sa problemang iyan, kaya naman nating i-manage ang blood sugar at baga mo. Dahil na rin sa pandemic, tiniyak nating paborable ang nutrisyon at kaayusan sa bahay para sa inyo ni nanay. Regular ang pagdi-disinfect lalo na sa kwarto niyo. No Smoking Area ang buong bahay. At natuwa ako nang todo nang makumbinse ko kayong lahat na at least maging vegetarian. At pinakamahalaga, nakakakuha kayo ni nanay ng maraming energy kay Aully, Armee at iba niyong apo para manatiling malakas.

Unti-unting binalot ng kakaibang atmospera ang bahay nang nagsimula kang ubuhin. Napag-alaman natin kasunod na may nakatagpo kang isang kaibigang kalauna’y nagpositibo sa COVID. Sinikap natin kaagad noon na mapa-swab at mapatignan kayo pareho ni nanay sa isang klinika. Pero lahat ng subukan natin, mapa-publiko o pribadong pasilidad na malapit sa atin, ay ‘di kayo tinatanggap dahil mahaba ang pila at hindi tumatanggap ng walk-in. Kaya sinikap na lang namin, lalo ni nanay, na alagaan at pagalingin ka sa bahay.

Pero iba na ang pakiramdam mo nitong Martes. Lumala ang pag-ubo at nahirapan ka nang huminga. Hindi na rin kinakaya ni nanay kaya’t kahit walang appointment, nangahas na tayo na dalhin ka sa Bernardino General Hospital sa QC. Bandang alas-otso ito ng umaga. Doon, naigiit natin na i-x-ray at ma-test ka ng rapid antigen test. Agad na lumabas ang resulta. Positibo ka sa COVID at may pneumonia. Pero walang paglapat ng lunas na ginawa sayo o pagbibigay-gabay man lamang sa kasama mo kung paano ka magagamot. Ni hindi itinuro kung ano ang gagawin o paano ba ikino-koordina sa ibang pasilidad ang pang-gagamot sayo. Pinauwi ka ng ospital pagtapos magbayad ng limang libo.

Pag-uwi sa bahay, bandang alas-diyes, lalo ka nang nanghina. Kaya, sa payo ng kaibigang doktor, kumontak kami sa One Hospital Command Center (OHCC) at hotline ng Caloocan City Health Office (CCHO) para masundo at madala ka sa isang COVID facility. Wala tayong napala. Ni hindi makapasok ang tawag namin sa hotline ng OHCC. Palaging busy o cannot be reached ang kabilang linya.

Nakailang-tawag rin kami sa CCHO, naitatala ang ating request pero lagi lang sinasabi na maghintay. Naghintay tayo maghapon, pero walang dumating na tulong. Mabuti na lang at napakiusapan natin ang isang kakilala sa Barangay Hall ng Barangay 176 para magamit ang ambulansiya nila. Dumating sila alas kwatro ng hapon at kinuha ka, kasama si nanay. Pero hindi nila alam ang gagawin. Hindi pala naka-koordina iyon sa barangay at hindi rin naka-koordina ang barangay sa ospital na pagdadalhan.

Pagdating sa QC General Hospital, doon niyo nakita ang aktwal na kalagayan ng pandemya sa bansa: mahabang pila sa ER; hindi sapat na pasilidad; at over-burdened na mga medical frontliner. Nang lumapit kayo para humingi ng tulong, agaran ang tugon nila na hindi nila kayo magagamot sa mga oras na iyon. Una ay sinisi pa nila kayo kung bakit hindi kayo naka-coordinate. Ano nga bang malay natin na hindi pala tayo ikinordina ng barangay, hindi ba? Sinabi natin na huwag naman tayong pabayaan dahil lang sa hindi sila kinausap ng barangay. Nang maggiit tayo na huwag nila kayong tanggihan, saka lang nila sinabi na dapat kang mabigyan ng oxygen pero wala silang available. Mahaba raw ang pila at kailangang maghintay.

Pero tuloy-tuloy kang nagpapakita ng panghihina. Lumalalim na lalo ang paghinga mo at hindi na humihinto ang pag-ubo. Sa yugtong iyon, may isang kaibigang nagmagandang-loob na kumontak sa East Avenue Medical Center (EAMC) at nang malamang tumatanggap ng pasyente doon ay nagpasya tayong lumipat. Nagpaalam tayo sa QC Gen. Humingi sana ng kung anong coordination o endorsement pero wala silang ibinigay.

East Avenue Medical Center (larawan mula sa Wikipedia)

Pagdating sa EAMC, bandang alas nuwebe, ganoon rin ang sitwasyon. Walang tigil ang pagdating ng pasyente. Hirap na hirap ang mga frontliner. Walang sapat na pasilidad.

Gaya sa QC Gen, sinabi ulit sa atin na hindi tayo matatanggap dahil hindi tayo na-coordinate. Napaisip na ako nito. Bakit ganoon? Yung coordination, yung One Hospital Command Center ng DOH, imbes na makapagpadali sa proseso ng panggagamot sa mga pasyente ay nagiging burukratikong sagka pa para hindi nila gamutin ang tulad mo.

Sabi ng kausap natin sa triage, Lung Center of the Philippines(LCP) lang daw ang tumatanggap ng hindi naka-coordinate na pasyente. Dahil malapit lang, dali-dali kaming nag-inquire sa LCP. Pagdating doon bandang alas diyes ng gabi, sinabi sa information tent na hindi rin nila masasabi kung magagamot ka nila. Nagmamakaawa na kami sa kausap namin. Pero wala raw silang magagawa. Punuan ang pasilidad kaya’t wala silang maipangako.

Mabuti na lang sa oras ding iyon, naawa na sa kalagayan mo ang mga staff ng ER sa EAMC. Sa wakas, pinayagan ka na nilang pumasok sa loob ng ER. Habang tulak-tulak ko ang wheelchair mo paakyat sa ER kinakausap kita. Sabi ko sa yo: “Tatay, ito na, magagamot ka na. May mga doktor nang titingin sayo. Kaya tibayan mo lang loob mo, pagtutulungan nating lahat ang pagpapagaling mo.”

Pagdating sa pintuan, tinanong ko kung kumusta ka. Sumagot ka,” OK lang.” May kasamang thumbs up pa. Iyon na pala ang huli nating pag-uusap.

Bago pa man nila tingnan ang kalagayan mo, pinagsulat nila ako ng waiver na nagsasabing walang magiging pananagutan ang ospital sa kung ano man ang mangyari sa’yo. Desperado na kami. Hindi ka makakapasok hangga’t ‘di ako sumasang-ayon. Kaya kahit mabigat sa loob, isinulat ko ang idinikta nila.

Inakala naming malulunasan ka na kaagad. Pero hindi pa rin pala.

Pagpasok sa iyo, natanaw ka namin sa malayo. Ipinwesto lang ang wheelchair mo sa isang gilid kasama ng hindi ko mabilang na kritikal na pasyente. Aligaga ang mga frontliner. Hirap na hirap sila sa sitwasyon. Kami, alam kong ikaw rin noon, umaasa ka na mapapansin at makakatanggap na ng oxygen. Pero wala raw available. Hindi nila masabi kung kailan ka mabibigyan. Anong gagawin namin? May waiver kaming pinirmahan.

Gumawa kami ng paraan. Nanawagan kami kung sino sa kakilala ang pwedeng magpahiram ng aparato para sa oxygen. Nakakuha tayo, ala-una ng madaling araw. Pero sa hindi namin maintindihang kadahilanan: hindi nila pinayagang magamit mo iyon.

Lumipas pa ang ilang oras bago ka unang makatikim ng hangin mula sa oxygen. Sabi ng (nurse na) bantay mo, nangingitim ka na noon. Sa pag-alala namin, kumilos kami para mailipat ka sa isang pasilidad kung saan ka matututukan. Lumapit kami sa lahat ng kaya naming lapitan. May tumugon na ilang kaibigan sa loob ng ospital. Dahil sa paggigiit natin sa ER at sa tulong nila, naiakyat ka sa ward, madaling araw ng Abril 1.

Pag-akyat doon, siguro dahil sa paga-alala mo kung nasaan ka at nasaan kami o marahil dala na rin ng pagdidiliryo dulot ng kakapusan ng oxygen sa katawan mo, naging agitated ka raw. May oxygen ka na ulit. Pero hindi na pala sasapat iyon.

Ilang oras lang, bumagsak sa 60% ang oxygen level sa katawan mo. Lubhang napakababa kaya dinesisyunan na nilang gamitan ka ng ventilator. Last resort na raw iyon. At mula sa puntong iyon ay wala na raw kasiguruhan ang susunod na mangyayari.

Kung anuman ang ibig sabihin noon, hindi namin lubos na gagap. Basta huling kita namin sa iyo malakas ka. Naga-alala, pero buo ang pag-asa namin noon na para iyon sa mabilis mong recovery.

Lumipas ang mga oras na intubated ka. Kahit ang (nurse na) bantay mo ay nagimbal sa mga nasasaksihan niya sa mga oras na iyon. Wala kang malay. May mga oras na may sobrang lalim at bagal ang paghinga mo. May panahong para kang nalulunod. Pero sa mas mahabang panahon, payapa ka. Kaya sabi namin, kaya mo ‘yan.

Google search. Batay sa mga medical articles na nabasa ko, naglalaro sa 30-40% ang global death rate ng mga ginamitan ng ventilator. Inisip ko, malakas ka eh. Siguradong pasok ka doon sa 60-70% na magsu-survive. Hawak namin ang pag-asa na iyon hanggang alas-onse y medya.

Sinagot ko ang tawag ng kapatid ko. Hinatid ng iyong (nurse na) bantay sa kaniya ang balita na wala ka na. Idineklara kang patay 11:10 pm. Sabi ng bantay mo, ilang minuto lang daw iyon pagkatapos mong marinig ang boses ni nanay sa cellphone na sinasabing hinihintay ka niya na gumaling agad. Na mahal na mahal ka niya. Pinipilit mo raw dumilat ng mga panahon na iyon. Gumalaw pa nga raw ang isa mong daliri. Pero pagkatapos noon ay naghabol ka na ng hininga hanggang sa malagot ito.

Si G. Joseph Rumbaua, ang namayapa at ama ng awtor.

Hindi na namin alam kung ano talaga ang pahiwatig mo noon. Pero naniniwala ako na yun yung panahon na lubhang tumaas ang kagustuhan mong bumangon at makauwi pero nasa rurok na rin ng dominasyon sa katawan mo ang COVID. Lumaban ka hanggang huling hininga. Sana naramdaman mong nakipaglaban rin kami. Sadya lang talagang napakalupit ng kalaban natin at pinalalakas siya ng palpak na sistemang pangkalusugan sa bansa.

Sa pagpanaw mo, tatay, lalo kong naunawaan kung bakit natin iginigiit ang episyente at komprehensibong sistemang pangkalusugan. Kung sana naging masinsin ang sistema ng contact tracing at quarantine, pwedeng hindi ka na-expose sa COVID. Kung may accessible at maagap na testing, laboratoryo, at check up sa iyo, higit sana kaming mulat sa paga-alaga sa iyo. Kung malakas, nadaragdagan at napangangalagaan ang mga medical frontliner natin, may nakakatugon sana kaagad sa mga pangangailangan ng mga tulad mo. Kung may sapat na pasilidad lamang sana, hindi mo kailangang pumila ng matagal para madugtungan ang iyong hininga. Kung may episyente sanang polisiya at koordinasyon ang DOH at buong gobyerno para tuluyang wakasan ang pandemyang ito, siguro kasama ka pa namin ngayon.

Pero ayaw kong dito tapusin ang istorya mo. Hindi pwedeng ganito. Para sa iyo at iba pang tatay at nanay, lolo, lola at kapamilya, ipatigil na natin ito. Gusto ko sanang abutin ang maraming pamilyang namatayan dahil sa COVID o mga pasyenteng nagka-COVID na nakaranas ng palpak na responde mula sa sistemang pangkalusugan ng bansa. Hindi dapat sila nagdusa, hindi sana tayo nagluluksa kung naging episyente lamang ang tugon sa atin. Maaari tayong manghingi ng indemnipikasyon dahil sa kapalpakan nila. Higit doon, maaari nating ipanawagang palitan sila at ang nakamamatay nilang sistema. #

= = = = =

Si Man Hernando ay kasapi ng Migrante.

‘We are all victims of the gross neglect of the DOH and Duterte administration’

“We are saddened and angered by what happened to our dear colleague and other health workers who died fighting COVID-19. We are all victims of the gross neglect of the DOH and Duterte administration. This administration does not value health workers because even in (Duterte’s) 5th State of the Nation Address, he still did not lay down comprehensive, systematic and scientific measures on how to defeat the virus.” Cristy Donguines, President, Jose Reyes Memorial Medical Center Employees Union-Alliance of Health Workers

Record number of COVID-19 ‘recoveries’ mere window dressing, expert says

The decision by the Department of Health (DOH) to categorize coronavirus patients with no or mild symptoms as “recovered” is mere cherry picking and window dressing, a community medicine expert said.

University of the Philippines College of Medicine professor Gene Nisperos said the decision is problematic as it was applied to many cases a World Health Organization (WHO) guideline meant only for individual patients.

“The WHO guidelines were only meant for individual cases. What the DOH did was to apply it en masse,” the medical doctor explained.

“These recommendations are for individual patients who are assessed and cleared by physicians. Simply extrapolating this to massive data is problematic,” he said.

In its July 30 update on coronavirus cases in the Philippines, the DOH reported 38,075 recoveries in a day.

DOH case bulletin for July 30, 2020

Citing new protocols in the US and Europe, the DOH said Thursday it is now tagging patients with mild or no symptoms as “recovered” 14 days from the onset of symptoms or by the date of specimen collection.

With nearly 40 thousand new “recoveries”, the DOH said the Philippines now has 65,064 patients who have recovered from the virus on the day it reported a record number of new cases at 3,954, bringing the country’s total to 89,374.

Nisperos however said even if the new protocol is a new DOH data management style, it remains inconsistent as it leaves out from the list of active cases the number of validation backlog that currently stands at 37 thousand.

The DOH said there are 22,327 active COVID-19 cases in the country.

The medical doctor said the DOH is merely cherry picking and window dressing the data.

“The data is being presented to fit a narrative instead of the narrative being based on the data,” he added. # (Raymund B. Villanueva)