Utos ng Hari
ni R.B. Abiva
Halos sa pagtitinda ng tinapa binuhay ni Aling Ason ang kanyang mga anak. Sa kanyang pagkakatanda’y kulang apat na dekada na niya itong hanapbuhay. At dahil nga sa katatagan niyang hinarap ang lumuluray-puno ng pagpapasakit na ganti ng hirap at dusa, napagtapos niya lahat ang kanyang mga anak sa hasykul. Subalit hindi na sila kailanman nakatuntong sa kolehiyo sa kadahilanang inatake sa puso ang kapilas ng kanyang buhay, at sa kasamaang palad ay namatay ito na hindi man lamang nabigyan ng marangal na libing. Lahat ng kanilang impok ay nagamit sa pagpapagamot. Ang masama pa’y nagkandautang-utang sila nang may mataas na interes.
Mula nga noo’y nagkawatak-watak na ang pamilya ni Aling Ason. Namasukan bilang bodegero ng bigas at mais ang tatlo niyang mga anak na lalaki sa Siyudad ng San Jose, Nueva Ecija habang ang dalawa niyang anak na babae ay naging mga muchacha sa San Miguel, Bulakan na paglao’y napilitang mamasukan din bilang mga GRO sa isang kabaret na tambayan ng mga pahinante ng trak na nagluluwas ng kung anu-anong kalakal paloob-palabas ng Maynila. Puro panganay ang mga naging anak at nang malaman ito ng kanilang Ina, wala itong ibang naitugon kundi mabigat-makapal na hagulgol at pagkuyom sa dibdib na puno-mayaman sa pasakit. At mula nga noo’y sinisi na ni Aling Ason ang Diyos at ang kapalaran.
Hulyo 29 ng taong kasalukuyan, isang umagang tirik na tirik ang araw na sinasasabayan pa ng alingasaw ng sanga-sangang imburnal at alingasngas ng mga mamimili, ay umalingawngaw ang megaphone na hawak-hawak ng empleyado ng munisipyo. May kasama itong abugado, mga pulis, traffic aid, at eskirol. Inanunsiyo nitong lahat ng mga may puwesto sa gilid ng Pamilihang Bayan ng Tarlak ay papalayasin na at nakatakdang gibain ang kanilang mga puwesto kinabukasan. Ito raw ang utos ng Hari na nakatala sa Memorandum Circular 2019-121. Marami ang naalarma sa pabatid publiko. Marami ang nabahala kung saan na sila lulugar. Marami ang nag-isip kung paano na ang kanilang pamilya na sa mumong ganansiya lamang sa pagtitinda umaasa. Maraming katawan ang ngayo’y aligaga at hindi mapagsalubong ang katwiran ng utak at kalam ng tiyan!
Bago magtapos nga ang nasabing buwa’y naganap ang inaasahan. Maagang dumating sa Pamilihang Bayan ang empleyado ng munisipyo, ang abugado at ang bando ng mga armadong pulis na may kasamang kalalakihan na nasasandatahan ng maso, bareta, martilyo, at kabra. Totoo ngang babaklasin na nila ang mga istruktura na ayon sa kanilang Hari’y iligal ang pagkakatayo. Nang mga panahong yao’y nasa palengke na nga si Aling Ason kasama ng kanyang mga panindang tinapa.
Sa malas nga nama’y siya pa ang unang sinita. Sinigawan siyang umalis na sa kanyang kinapupuwestuhan kung ayaw niyang masamsam ang kaniyang mga paninda. Sa gulat ay hindi nakagalaw ang matanda at wala itong ibang naiganti kundi isang mukha na puno ng bagabag at pagmamaka-awa at tigalgal. Subalit bakal ang puso ng kanyang kaharap, linapitan lamang siya nito at hinablot nang malakas-pilit ang hawak nitong basket, na yari sa uway na puno ng tinapa. At dahil hamak na mas malakas ito sa matanda, bumagsak si Aling Ason kasama ng kanyang mga tinapa.
Dahil mahina-hina na ang tuhod ay unang lumagapak ang mukha sa marumi-basang sahig ng palengke, at nang i-angat ng matanda ang kanyang sarili’y tumambad sa madla ang duguan nitong ilong at bunganga. Nanginginig ang mga laylay na kalamnan nito habang lumuluha ang malabo na niyang mata. Usal niya sa may kapangyariha’y “ Parang awa niyo na, huwag niyong kunin itong aking paninda,” subalit ang tugon ng kaharap ay “ Katanda-tanda mo na’y hindi ka marunong sumunod sa batas! Mangmang! Hindi niyo na ba kami kinatatakutan?!” Akmang lalapit ang matanda subalit isang sampal-tulak ang kanyang natikman.
At ang mga sumunod na pangyayari’y naging laman nga ng balita. Nang umaga ngang yao’y nangagsisayaw ang mga anino, nag-iskrimahan ang mga braso-kamaong may hawak na kutsilyo-itak-tubo-kahoy, at umalimbukay sa mga kanal na tinangay naman ng hangin ang sanghaya ng dumanak na dugo ng mga anak ng araw.
At bago nga lumubog ang araw at ganap na isilang ang takipsilim sa langit na siyang saksi, pinulot ang mga tadtad-warak-tumimbuwang na katawan ng mga mahihirap ng kani-kanilang mga kaanak. Ang isang katawang nakasubsob-basag ang bungo-butas ang leeg sa gilid ng latang basuraha’y ang naka-barong, naka-slaks, at naka-sapatos nang makintab na abugado. Walang pumapansin sa kanya maliban sa pulutong ng bangaw at langaw na sa kaniya’y nagpipiging. #
Oktubre 19, 2019, Lungsod Quezon, Maynila