Ngalngal Sa Danas at Diskontento
Rebyu sa “Yawyaw ni JP” ng Sine Sanyata
Ni Giap Ivean
“Ang buhay po naming mga squatter ay isang malaking quarantine. Matagal na po kaming ihinawalay sa inyo. Tinatawag ko po itong squarantine.”
Mga barung-barong na napalilibutan ng pader at barbed wire. Sa isang karatula nakasulat ang This is Private Property. Ito ang pambungad na imahe ng maiksing vidyo na pinamagatang Yawyaw ni JP. Ito ang ikalabing-isang obra ng kolektibong Sine Sanyata na naging bahagi din ng nakaraang Indie Nation Shorts Program ng Cinemalaya Film Festival 2021.
Nabuo anim na buwan mula nang mag-umpisa ang pandemya, nakasentro ang Yawyaw ni JP sa karanasan ng maralitang Pilipino sa gitna ng krisis pangkalusugan ng Covid 19. Binabaybay ng likhang ito ang mga usapin ng kawalang katiyakan sa paninirahan, kawalang kabuhayan at kagutuman sa isang banda. Sa kabilang bahagi naman ay ang usapin ng korupsyon, pulitikal na panunupil, at ang inutil na militaristang pagtugon ng gobyerno sa krisis.
“May mga nagsasabi po na pabigat daw kami. Luh! Tignan nga po ninyo gaano kami kapayat.”
Sa halip na ilahad ang mga ito sa agresibong tono kagaya ng kalakhan sa mga agit prop na bidyo ng Sine Sanyata, epektibong pinadaloy ang bidyo sa pamamagitan ng isang lenggwaheng mahinahon, tila nakikiusap ngunit matalas ang sarkasmo. Ipinahahayag sa bidyo ang patung-patong na lebel ng karanasan ng maralita—ang umiiral na araw-araw na kahirapan, ang pangmamata sa kanila ng middle-class at ng mga grupong pribilihiyado sa lipunan, at kung papano sa huli’t huli sila ang pinakadehado sa gitna ng pandemya.
“Alam niyo naman kaming mahihirap. Kami ang gumagawa ng hindi niyo gusto.”
Bagamat may pahaging sa punto de bista ng panggitnang uri, inililinaw sa mga imahe na ang ultimong mastermind sa kalagayan ng mamamayan ay ang mga naghahari-harian sa estado poder.
Hindi karaniwang maiksing pelikulang animation ang Yawyaw ni JP. Natatangi din ito bilang isang eksperimental na kolaborasyon. Ang mga imaheng makikita sa buong pelikula ay mga ambag ng iba’t ibang visual artist, karamihan ay mga editorial cartoon na ang mga simpleng guhit ng kritisismo ay ihinabing mga anekdotang bumubuo ng isang payak ngunit matapat na kwento.
Ito ay kuwento ng danas at diskontento hindi lamang ni JP. Ayon sa Sine Sanyata, “Hindi lang tinig ni JP ang ating maririnig. Isinasakatauhan ni JP ang boses ng kay raming Filipino na naghihirap ngayong pandemya. Si JP ay ang masang Pilipino—inaalipusta, niloloko, nilalapastangan, at etsa-pwera ang pag-iral. Sa katunayan, tayong lahat si JP.” Tagos sa bituka ang nilalaman ng Yawyaw ni JP. Realistiko. Simple. Napapanahon. Nananatiling makabuluhan higit sa pinakamalawak na manonood na target abutin ng ganitong tipo ng mga obra.
Kagaya ng adhikain ng mga filmmaker sa likod ng Sine Sanyata, lagi’t laging pinatutunayan ng mga social realist na likhang gaya nito na may pandemya man o wala, may malubhang sakit ang lipunan na matagal nang kumikitil sa mamamayan. At ang natatanging gamot ay ang pagmumulat at pagkilos para baguhin ang ating kalagayan. #