ITANONG MO KAY PROF: COVID-19 at si Duterte
Panayam ng Kodao Productions kay Prof. Jose Maria Sison sa pamamagitan ni Prof. Sarah Raymundo ng BAYAN National hinggil sa COVID-19 at paano hinaharap ito ng pamahalaang Duterte.
______________________________________________________________________________
ITANONG MO KAY PROF
TOPIC: Covid-19
March 18, 2020
SARAH:
Opening: Kamusta sa ating mga tagapakinig! Sana ay nananatili tayong ligtas at nasa maayos na disposisyon sa gitna ng krisis pangkalusugan na dala ng bagong Corona Virus Disease na lumitaw noong 2019 o COVID-19. Sa mga nakaraang araw, nasaksihan at naranasan natin ang pagkadeklara ng COVID-19 bilang isang global pandemic, ibig sabihin ay kumakalat ito sa maraming bansa sa buong mundo. Isa sa mga dumagdag sa ating ligalig ay walang iba kundi ang naging tugon ng gobyernong Duterte rito.
Marami ang hindi naaabot ng ayuda ng gobyerno, o halos walang ayuda, matumal at hindi malinaw ang impormasyon hinggil sa COVID-19. Minarapat natin dito sa Itanong Mo Kay Prof na makasama kayong muli lalong-lalo na ang ating mga mahal na tagapakinig sa kanayunan at maralitang lungsod, na nananatiling kumakayod sa harap ng COVID-19.
Hindi nga ba, kung hindi lumalabas at magtatrabaho, walang gobyernong Duterte ang susuporta sa gitna ng kinakaharap nating sakuna?
Pag-uusapan at uunawain din natin ang nangyayari sa atin at sa buong mundo kasama na ang ilang mga hakbang na kaya nating pagtulungan. Kagaya ng lagi, kasama natin ang Chairperson Emeritus ng International League of Peoples’ Struggle at Chief Peace Consultant ng National Democratic Front of the Philippines si Professor Jose Maria Sison dito sa Itanong Mo Kay Prof.
Kamusta sa inyo, Prof. Joma?!
JMS: Maalab na makabayang pagbati sa inyo Prop. Sarah Raymundo at sa lahat ng ating kababayan.
Mga Tanong:
SR1: Prof Sison, ipaliwanag muna natin sa ating mga tagapakinig kung ano nga ba itong tinatawag na coronavirus o Covid-19.
JMS: Ang Covid-19 ay isang tipo ng sakit sa anyo ng virus na lumitaw sa Wuhan, China noong Disyembre 2019 at nailathala ito bilang epidemya sa Wuhan noong Enero 2020. Ang mga mayor na sintomas nito ay lagnat, ubong tuyo, hiráp sa paghinga at bulós. Nauuwi ito sa pneumonia na puedeng humantong sa kamatayan para sa 2 hanggang 5 por syento sa mga nagkakasakit ng Covid-19 sa ibat ibang bansa.
Mabilis makahawa ang virus na ito sa mga tao sa pamamagitan ng paghawak sa iba at paghawak sa hinawakan ng maysakit o may dala ng virus. Pinakabulnerable ang matatanda at dati nang may sakit sa baga. Madaling kumalat bilang epidemya sa isang bansa tulad sa Tsina kung saan nagsimula.
At dahil sa mga byaherong may dala ng sakit, kumalat na ang virus sa higit ng 160 countries at naging pandemya o epidemya sa maraming bansa. Ayon sa Worldometer noong Marso 18, 198, 739 na ang nagkasakit sa Covid-19, 107,971 ang recovered at 7,989 ang patay. Kabilang sa mga bansang may pandemya ng Covid-19 ay Tsina, Italy, Iran, South Korea, España, Estados Unidos at iba pa.
Unang nahalata ang virus sa Pilipinas noon pang Enero nang namatay sa virus na ito ang matandang lalake sa mag-asawang turistang Tsino. Nahawa pa ang ilang Pilipinong doktor na nag-asikaso sa kanila. Ayon sa Department of Health (DOH) noong Marso 18, 193 na ang nagkasakit sa Covid-19, 14 ang namatay at 4 ang recovered sa kanila. Hindi tumpak ang mga bilang na ito dahil sa kumalat na ang sakit sa buong Pilipinas sa nakaraang dalawang buwan at kung kailan lamang nag-umpisa ang bilangan sa mangilan-ngilang lugar.
SR 2.: Marami na pong mga bansa ang apektado ng kumakalat na Covid-19. Sa panahong tinatalakay natin ito sa ating programa, 14 na ang namatay at 187 at positibo sa COVID-19. Lockdown ang naging tugon ng gobyernong Duterte. Enhanced Community Quarantine ang utos niya sa lahat ng residente hindi lang sa National Capital Region kundi sa buong Luzon. Ano po ba ang ibig sabihin ng Enhanced Community Quarantine? At ano po ang inyong masasabi dito, Prof. Sison?
JMS: Kasalanan ni Duterte at kanyang buong rehimen na kumalat na ang Covid-19 sa buong Pilipinas, lampas sa opisyal na sinasabing bilang ng nagkasakit sa virus. Noong ikalawang linggo pa lang ng Enero, may alerto na ng World Health Organization tungkol sa epidemya ng COVID-19 sa Wuhan, Tsina. Pero pinayagan pa rin ni Duterte na pumasok sa Pilipinas ang mga biyaherong mula sa Tsina, higit sa 14,000 mula Wuhan at kalahating milyon mula sa buong Tsina. Katwiran niya na kailangan ang kita mula sa mga turistang Tsino at sa tinatawag na mga POGO o mga kasinong Tsino.
Militarista at pasistang katarantaduhan ang lockdown na ipinataw ni Duterte sa National Capital Region. 40,000 ang bilang ng militar at pulis na dineploy para harangin ang mga tao sa napakaraming checkpoint. Sinisita ang bawat isa para magpresenta ng ID at kunwari may isang gumagamit ng thermal scanner sa noo ng napakaraming tao. Ang masama pinagtitipon ang mga malusog at mga posibleng maysakit. Nagagambala ang hanapbuhay ng mga tao at lalong kakalat ang Covid-19 dahil pinaghahalo ang may dala ng sakit sa mga walang sakit.
Lalo pang masama ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) na sumasaklaw na sa buong Luzon. Ipinagbabawal na ang mga tren, bus, jeepney, taxi, SUV, P2P bus at tricycle. Lalong hindi nakakarating ang mga tao sa trabaho nila. Lalong patay ang ekonomya, mga pagawaan at mga serbisyo. Ang pinakamasama ay hindi makarating sa mga ospital at klinika ang mga may sakit ng Covid-19 o anupamang seryosong sakit. Pati mga doktor, nars at medikal supply ay mahirap o hindi makarating sa mga ospital, klinika o health center.
Katarantaduhan ang panghaharang ng mga armadong alipuris ni Duterte sa malulusog na tao, mga health professional at mga maysakit. Ginamit ang Covid-19 bilang dahilan para gambalain at takutin ang mga tao. Mas masahol pa ang Duterte virus sa Corona virus. Sa totoo lamang, nakapatay na ng higt sa 30,000 ang Duterte virus magmula pa 2016. Kung paghambingin, kakarampot pa lang ang pinapatay ng Covid-19.
SR 3: Sa unang araw ng mga checkpoints na ginawa ng mga pulis at sundalo, lumikha ito ng mahabang pila at trapik. Marami ang nagalit dahil sa nahuli sa trabaho ang maraming commuters. Ano po kaya ang marapat talagang gawin para sa maraming nagtatrabaho sa Metro Manila mula sa mga kalapit na probinsya, Prof. Sison?
JMS: Dapat medikal ang solusyon sa Covid-19, hindi militar. Antemano dapat nagdeploy ng mga doktor, nars, health attendants, face masks, personal protection equipment, thermal scanner, testing kit, mga oxygen tank, mga gamot at mga bed space para sa mga pasyenteng nasa malubhang kondisyon sa mga quarantine centers sa antas ng mga komunidad. At dapat libre ang testing at treatment. Nagawa ito sa Tsina, Vietnam , Cuba, Singapore, South Korea at iba pang bansa.
Sa gayon, naihihiwalay ang mga may sakit at malayang magbiyahe ang mga malulusog para makapunta sa kanilang mga trabaho. Masama na pinagbabawalang magbiyahe ang malulusog. Mamamatay sila sa gutom dahil walang kita. At babagsak ang ekonomya. Pinamakasama para sa mga may sakit na hindi sila makarating sa opspital, klinika o health center. O kaya ihinahalo sila sa mga walang sakit sa mga military at police checkpoints.
SR4: Ayon sa Alliance of Health Workers o AHW, kulang ang mga health workers at doktor ng mga tamang kagamitan para sa monitoring ng mga pasyenteng posibleng may Covid-19 . Face mask nga ay halos wala o tumatagal ng tatlong araw imbis na ilang oras na paggamit lamang sa isang araw. Dahil sa budget cut sa pangkalusugan kung bakit lalong gipit ang kalagayang ng mga health workers. Ano po ang inyong masasabi sa bagay na ito, Prof. Sison?
JMS: Totoo ang sabi ng Alliance of Health Workers o AHW, kulang ang mga health workers at doktor, mga tamang kagamitan para sa monitoring at testing ng mga pasyenteng posibleng may Covid-19. Pati face mask ay halos wala at kung mayroon, ginagamit ito nang maraming araw imbes na ilang oras lamang. Mas masahol pa ay walang sapat na public health workers at kagamitang panggamot sa mga positive sa COVID-19.
Ang ugat na dahilan kung bakit walang preparasyon at sapat na mga tauhan at kagamitan sa public health ay ang military overspending at korupsyon ng rehimeng Duterte. Kinaltasan nang malaki ang mga badyet ng Department of Health nang 14 bilyong piso, gayundin ang mga badyet sa public education at iba pang social service para mapalaki ang badyet para sa office of the president, sa militar at mga kagamitan nila , sa intelligence at discretionary funds at sa pork barrel ikinabubusog ng pamilya, mga kroni at mga kongresista ni Duterte.
SR5: Sa talumpati ni Pangulong Duterte, humihingi siya ng ceasefire sa New People’s Army. Ceasefire daw muna pareho habang hinaharap natin ang ganitong kalagayan. Ano po ang inyong opinyon sa kahilingan na ito ni Duterte, Prof. Sison?
JMS: Mahirap maniwala na sinsero o seryoso siya sa paghingi ng ceasefire sa New People’s Army o NDFP. Kung kailan lamang nag-utos siya sa kanyang mga militar na tapusin ang NPA at kilusang revolusyonaryo bago matapos ang term niya sa 2022. At ‘yong deployment ng militar at pulis sa mga lungsod ay hindi naman para lutasin ang problema ng Covid-19 kundi supilin ang legal na demokratikong kilusan at para palakasin ang kanyang tiraniya at mapili niya ang kapalit kung malubha na ang sakit niya mismo.
Maniniwala ang NDFP na talagang gusto niya ang ceasefire na masasang-ayunan nito kapag itigil ang pananalakay at panunipil sa mga legal na demokratikong pwersa sa mga lungsod at mga larangang gerilya ng demokratikong gobyerno ng mga manggagawa at magsasaka at palayain niya ang lahat ng bilanggong pulitikal sa pamamagitan ng general amnesty on humanitarian grounds tulad ng pagpalaya ng Iranian government sa mga gasampung libong political prisoner para hindi sila madali ng COVID-19 sa loob ng preso.
SR6: Sinabi rin ni Pangulong Duterte na pwedeng hulihin ng pulis ang sinumang lalabag sa panahon ng checkpoint. Ang sabi naman ni Atty Chel Diokno, hindi pwedeng hulihin ang taong gustong pumasok sa NCR para magtrabaho. Ano po ang inyong masasabi hinggil sa bagay na ito?
JMS: Tama ang sabi ni Atty Chel Diokno, hindi pwedeng hulihin ang taong gustong pumasok sa NCR para magtrabaho, magdala ng pagkain o sinumang may sakit na dapat pumunta sa doktor para magpagamot. Pananakot at pagmamalabís ang utos ni Duterte na arestuhin ang sinumang lalabag ng batas sa mga checkpoint. Natural na magalang ang karaniwang tao. Malisya ni Duterte ang kanyang ipinaparatang sa mga tao na basagulero sila, tulad niya.
SR7: Disyembre 2019 nang pumutok ang Covid-19 sa China. Pero ngayong Marso lang naalarma ang gobyerno matapos maitala ang mga naging biktima ng Covid-19. Meron po bang responsibilidad ang gobyerno sa pagkaantala ng paghahanda ng Pilipinas sa pagpasok ng Covid-19 sa bansa?
JMS: Tulad ng dati ko nang sinabi, malaking kasalanan or krimen ni Duterte at mga kasapakat niya sa rehimen ang pagkalat ng Covid-19 sa Pilipinas sa Enero pa lamang. Pinapasok ang 14, 000 Tsino mula sa Wuhan at 500,000 mula sa kabuan ng Tsina. At walang ginawa ang rehimen para maglaan ng mga tauhang pangkalusugan, mga rekurso at kagamitin para agapan at pigilin ang pagkalat ng COVID-19. Prayoridad ng mga may kappangyarihan ang pangungurakot ang pagpapabaya sa kalusugan at paglabag sa mga karaptan at interes ng mga mamamayan.
SR8: Ano po ang inyong mensahe sa ating mga tagapakinig? Marami po sa ating mga kababayan ang tila hindi mapakali dahil hindi lamang ang Covid-19 ang kanilang inaalala, kundi ang pagkain sa mesa sa araw araw.
JMS: Dapat panagutin ang rehimeng Duterte sa pagpapasok at pagkakalat ng Covid-19 sa Pilipinas at sa kawalan ng wastong patakararan at mobilisasyon ng mga tauhang pangkalusugan at mga mamamayan para labanan ang pandemya . Kriminal na kapabayaan ito ni Duterte. Tuwirang kaugnay nito ang mga pangunahing interes ng rehimeng Duterte sa pagiging taksil sa bayan, tirano, berdugo, mandarambong at manggagantso.
Dapat ibayong patatagin ng sambayanang Pilipino ang kanilang pagkakaisa at kapasyahan para wakasan ang rehimeng Duterte. Dapat kumilos pa nang may ibayong militansya para ihiwalay at ugain ang rehimeng ito mula sa pundasyon hanggang sa atip. Dapat ibayong palakasin ang mga makabayan at demokratikong pwersa para ibagsak ang rehimeng ito sa lalong madaling panahon. At maisulong ang mga pwersang ito ng sambayanang Pilipino para sa ganap na independensiya, demokrasya, hustisya sosyal, lahatang panig na pag-unlad at makatarungang kapayapaan.
Sarah: Maraming salamat po Prof. Joma talagang kailangan natin, higit kailanman ang mensahe ng kritikal na pagsusuri sa sitwasyon, kabaligtaran ng “sumunod na lang kayo” na kalakaran ni Duterte. Mas mahalaga, ay ang mensaheng sama-sama nating aksyunan ang ating pagsusuri at napagkaisahan.
JMS: Ako po’y nagpapaalam kay Prop Sarah Raymundo at sa lahat ng tagapakinig. Umaasa akong makasama kayo muli sa ating susunod na panayam. Sa kritikal na kalagayan ng ating bayan, laging may malaking isyu na dapat pag-isipan, talakayin at aksyunan. Maasahan ninyong handa akong makipanayam tungkol sa anumang mahalagang isyu. Maraming salamat. Mabuhay kayo!
SARAH: Naririyan ang ating mga organizasyon na sa gitna ng panggigipit ng rehimen ay nakatayo pa rin at ibayong magpapakilos para sa ating mga pangangailangan sa kasalukuyan.
Mag-organisa, magtiwala sa mga kasama, abutin ang mga pinakanangangailangan sa pamamagitan ng ating mga grupong pangsimbahan, asosasyon, pederasyon, unyon, at iba pang porma ng organisasyon.
Maraming may pagtingin na lockdown o ang pag-kontrol sa kilos ng mga tao ang isa sa mga solüsyon para pababain ang pagtaas ng mga nahahawa at namamatay sa COVID-19.
Pero kung tayo ay may isang sistemang buhos ang resources sa pampublikong kalusugan, may mga sapat at libreng testing kits, hospital beds, at maging mga hospital, kung pampublikong serbisyo ang prioridad sa budget ng gobyerno na galing sa ating buwis, makatutugon ang gobyerno sa pangangailangan ng mamamayan kasaba ng pagprotekta nito sa frontliners, mapapaisip din tayo ng mga mas marangal, makatao, risonable, epektibong solusyon bukod sa lockdown.
Ang lilikha ng sistemang iyon ay walang iba kundi tayo. Kaya ang pagiging kritikal sa gobyerno sa panahong ito ay may layuning makaambag sa bagong sistemang tumutugon sa pangangailangan ng tao at hindi ganitong kumikitil sa laya at buhay ng sambayanan sa gitna ng pisang matiging krisis.
Salamat sa inyong pakikinig! Ibayong pag-iingat, pangalagaan ang ating mga komunidad laban sa COVID-19 at sa pasistang rehimeng Duterte. Hanggang sa muli, ito si Sarah Raymundo, aktibista ng Bagong Alyansang Makabayan o BAYAN at guro ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, kasama niyo at ni Prof Joma dito sa Itanong Mo Kay Prof!
END.