Huling Yakap ni Nanay Sonya
By Carlos Isagani T. Zarate
Namanhid na ang aking mga alaala:
mabilis na nag-agaw ang liwanag
at dilim sa aking gunita — sigaw
ng umalingawngaw na takot
at hambalos ng mainit na mga tingga!
Handa nang manibasib ang mga halimaw;
iwinawasiwas ang pabaong birtud ng poon!
Tanging sandata ay imbing mga kataga,
pananggalang ang mahigpit, mainit,
walang bitiw na mga yakap mo, Nanay!
Subalit sa pagitan ng isang kisapmata,
ang iyong mahigpit na yakap – ang tila pusod
na muling sa ati’y nag-ugnay, sa aki’y
nagbigay ng lakas at buhay — ay pinasabog
ng abuso, kahayupan at kalupitan!
Sa isang kisapmata, ang iyong humulagpos na yakap
at nabubuwal na hapong katawan aking nasilayan;
gusto kung sumigaw: ‘Wag mo akong bitawan, Nanay,
higpitan mo pa ang iyong mapag-aruga , mapag-adyang
mga yakap — labanan natin. Ang dilim!
caritaz. 21 disyembre 2020
(The poet is a third-term Bayan Muna Representative to the Philippine Congress)