Si Lian at mga manggagawa ng PEPMACO
Si Leandra Segunla o Lian, 31 taong gulang at anim na taon ng production helper sa Peerless Products Manufacturing Corporation, mas kilala sa pangalang PEPMACO, ay isa sa mga sumali sa welga simula noong Hunyo 24.
Ayon kay Lian, bukod sa mababang sahod at kontraktwalisasyon, kalunos-lunos din ang kanilang kalagayan sa loob ng pagawaan. Nariyan na haluin nila ang kemikal ng sabon na walang gloves at kanilang mga kamay lamang. Sinabi pa niya na halos wala nang paglagyan ng paltos ang kamay niya dahil sa sobrang init ng sabon na niluluto nila.
Marami din ang tinanggal ng magbuo sila ng unyon. Apat na araw mula ng maitayo nila ang welga, marahas silang sinalakay ng mga gwardya at goons ng kumpanya. Winasak ang kanilang mga kubol at marami ang nasaktan.
Sa kabila nito, determinado silang ituloy ang welga dahil bukod sa makatwiran ito. Ito rin ang sandata ng kanilang pagkakaisa para makamit ang kanilang minimithi.
Ang PEPMACO ay pagmamay-ari ng kapitalistang si Simeon Tiu. Ang mga kilalang produkto nito ay sabon na Champion, Hana shampoo, Calla detergent powder at Systema toothpaste.
Music: Tangerine Dream-Valley of Sun
Bidyo ni: Joseph Cuevas/ Kodao