Buwelta
By Sarah Raymundo
June 24, 2015
1.
Nasaan ang mga banal na alagad ng Dios sa mga oras ng magdamag na handang-handa na sana akong ipamukha sa kanila na bukas na bukas, sa totoo lang noong isang buwan pa, ay handang-handa na akong layasan ang tinamaan ng lintik na trabaho kong wala naman palang benepisyo o pakinabang ngayon, at lalong wala sa mga taong uugod-ugod na ako at wala nang pakinabang pa sa mundo? Nagkandasunog na’t lahat ang Casaa, Nariyang nag-Save Casaa ang mga aktibista. Nariyang sabihan akong huwag na huwag umugnay sa mga aktibista. Kung gusto ko pa ng kontratang walang koneksyon sa sarili kong utot, ni kulangot, “no employee-employer relation,” wala akong kinakantot! Saang sulok na lang pwedeng ma-inlab si Shirley? Sa Microtel sa may Ayala Technohub? Sa UP Town Center? Saang kamay ng Dios kukuha si Shirley ng salaping panlandi?
2.
Nasaan ang mga banal na alagad ng Dios sa mga oras ng magdamag na handang-handa na sana akong bilangin ulit kung ilang taon ba talaga ang siyam na taong pagkawala nina Karen at Sherlyn? Gusto kong bilangin ang milyong-milyong kinita at mga aspirasyong naglipana ng mga kasabayan nila.Gusto kong kwentahin ang ginastang pamasahe nina Concepcion at Erlinda sa pagala-gala, silang may mga nunal sa paang naghahanap pa rin. Di na rin masama ang kinita ng ilang NGO, karay-karay Karen&Sherlyn, mga susing pangalan, para-paraan.
3.
Pwes, iba ang hanap ko sa gabing ito. Nasaan ang mga banal na alagad ng Dios sa mga oras na ganito kahaba ang magdamag? Nasaan ang mga Palparan, Macapagal-Arroyo, Aquino’t kaAkbayan, mga dios-diosang alagad ng sukdulang sahol at salot? Hindi nalalayo sa mga dunung-dunungang turnilyo ng patakbuhing makina ng mga pantas. Naglalaho nang parang bula ang mga banal na alagad ng Dios sa mga oras ng magdamag na sila’y pinanggigigilan at akmang bubweltahan.
==========
Ilang anotasyon mula kay Sarah sa kanyang FB timeline: Sikat na awitin ng Eraserheads ang Shirley. Nakikpagholding hands siya sa CASAA. Sa Sabadong nasunog ang Casaan, sinabi sa akin ng kapatid kong si Dennis Raymundo na bakit hindi ako magsulat tungkol sa CASAA at gawing tungtungan si Shirley? Kagabi kausap ko si Ericson Acosta, unang beses daw niyang nakita ang Casaa matapos itong matupok. “Saan na tatambay si Shirley?” June 26, 2006 nang dukutin ng mga militar ang mga kasama kong aktibista na sina Karen at Sherlyn. Nakakaloka ang kontrakwalisasyon sa UP. Ang sarap ibagsak ng masahol na rehimeng Aquino, lalong masarap wafazin ang mga nagsasabing hindi niyo naman mapabagsak ang sinosoportahan naming rehimen. Daming gago sa mundo.