Posts

Pagkaka-anyo ng wika

ANG wika ay lengwaheng nadidinig. Ihanay ito sa diwa ng John 1:14: “Ang Salita ay nagkalaman at nakipamuhay sa atin”, na pinaging payak ang simbolo ng paglikha. Ang susing-kataga, kung gayon, ay simbolo, na marahil ang tagong pinagmulan ng wika.

Limiing mabuti ang mga wikang umiiral sa ngayon. Hindi ba’t ang mga ito ay sumasagisag sa pagkakaintindihan ng mga tao na sa pagdaan ng panahon ay dahan-dahang nagka-anyo – at narinig? At naging instrumento ng pagkakaintindihan.

Mula pa sa kuwento ng Paglikha, may magpapatunay ba na wikang sinasabi, naririnig, at nauunawaan ang namagitan kina Eba, Adan, at dimonyo? Nagsidating at nagsilisan ang mga panahon, at nagsulputan ang iba’t ibang salik ng kasaysayan kasabay ng ebolusyon ng wika: mula sa mga senyasan ng mga hayop at tao, sa paglilok sa mga bato sa kuweba, hanggang masumpungan na lamang na hindi sila makukuntento sa pagse-senyasan lamang at “pag-uusap” sa pamamagitan ng ekspresyon ng mata. Natuklasan na lamang na maaari ding makapagtalastasan sa pamamagitan ng pag-ungol, pag-ngiti, pagtawa, at pag-iyak bilang ekspresyon ng tuwa, pagkamuhi, at iba pang emosyon. Hanggang sa masumpungan ng mga nilikha na ang mga senyasan at pagpapakita ng mga emosyon na iyon ay “pag-uusap”.

Sa patuloy ng pagtanda ng mundo at panahon, kusang nagkaanyo ang wika. Ang dating mga senyas at pagpapahayag sa pamamagitan ng ekspresyon ng mata at mukha, sa mga ungol, tawa at ismid, at iba pang paraan ng “pag-uusap” ay nagkaroon ng porma ang salita. “Ang salita ay nagkalaman.”

Sa pagdaan ng panahon, umunlad ang isip ng mga nilikha – kasama ang tao na itinuturing na pinakamataas na uring hayop. Dumating ang panahon ng karunungan. Patuloy na pinag-aaralan ng mga nilikha ang agimat ng komunikasyon at pagpapahayag. Pinagyaman ng mga lahi ang kanilang kinagisnang wika. Habang umiinog ang mundo, habang nagkakaedad ang mundo, habang nagkakaroon ng palitan ng salinlahi, habang dumarating ang mga kahanga-hangang teknolohiya – sumasabay ang pag-unlad ng mga wika sa pagbibigay-anyo sa lengwahe.

Kasama ang Wikang Pambansa ng Pilipinas, ang Filipino. #

(Paalaala: Hindi po inirerekomendang ituring na pangkasaysayan at walang maka-agham na salalayan ang sanaysay na ito).

Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.

Ang nakakaaliw, maindayog na Filipino

Ni Carlos Marquez

SINONG Pilipino ang hindi mamahalin at ipagmamalaki ang Pambansang Wika gayung bukod sa maindayog na pagbigkas nito ay hitik na hitik din sa mga kasabihan at idyoma. Mapaglaro at nakaaaliw din ang mga pantig nito. Halimbawa: Ang pantig na “ba”, kapag inulit ng apat na beses ay magbibigay ng kahulugan.

“Nariyan ba ang ate mo?”

“Nasa itaas po.”

“BABABA BA?”

“Opo.”

Isa pa, huwag bigyan ng literal na kahulugan ang pangkat ng maiikling salita kung gusto mong maintindihan. Kagaya ng “itaga mo sa bato.” Mahirap tagain ang bato – masisira ang itak. Ang ibig sabihin ng “itaga mo sa bato” ay “siguradung-sigurado”, isinusumpa ko”, “mangyayari ang sinabi ko”. (Kung minsan, pwede rin ang pabalbal na “peks man”).

Gayundin ang sawikain o idyoma (idiom). Ito ay di-tuwirang pagbibigay-kahulugan at pagpapakita ng kaisipan sa pamamagitan ng salita o pangkat ng mga salita. Kung bagito sa Filipino ang makakarinig sa mga sawikain ay maliligaw ng pang-unawa.

“Bungang-isip”, halimbawa. Ang ibig sabihin nito ay imahinasyon. “Bungang-tulog” o “bungantulog”, panaginip. (Pansinin ang pagkakabit ng dalawang salita na tinanggal ang titik na “g” sa “bungantulog”. May batas sa balarila na sumasaklaw sa ganito na i-reserba na lamang muna natin para sa bukod na pagtalakay).

Narito pa ang ilan sa maraming idyomang Filipino na kapwa nagpapakunot-noo at umaaliw sa mga nuon lamang nakakarinig.

“Butas ang bulsa”, walang pera; “ilaw ng tahanan”, ina; “alog na ang baba”, matanda na; “bahag ang buntot”, duwag; “bukas ang palad”, matulungin; “nagbibilang ng poste”, walang trabaho; “taingang kawali”, nagbibingi-bingihan;”balat-sibuyas”, mabilis masaktan; “pusong bakal”, hindi marunong magpatawad

Buto’t balat, payat; “magaan ang kamay o pingkok”, madaling magalit at manakit; “may daga sa dibdib”, takot, nerbyosos; “bulaklak ng dila”, maligoy magsalita; “makati ang dila”, tsismoso o tsismosa, madaldal.

Maraming-marami pa.

Ikaw, ano pa ang maidadagdag mo? #

(Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.)