Duterte v. Marcos-Romualdez: Marurumi kontra madudungis
Ni Raymund B. Villanueva
Inaamin ko, nanonood ako ng mga pagdinig sa Senado at sa Kamara de Representante. Walang telenovela o tsismisan sa kanto ang mas ma-drama kaysa mga ito.
Kahapon lamang, dumating sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability si Bise Presidente Sara Duterte. Tulad ng inaasahan, nauwi sa kabalbalan ang sana’y imbestigasyon sa paggasta ng kanyang tanggapan sa confidential funds.
Una, hindi sumumpa si Duterte na ang kanyang sasabihin sa pagdinig ay “katotohanan at pawang katotohanan lamang.” Nagmatigas ito na ang mga witness lamang ang dapat manumpa, hindi ang mga tulad niyang “resource persons” tulad ng nasasaad sa rules ng Kamara. Ipinaliwanag naman ni committee chair Rep. Joel Chua na kahit witnesses lamang ang nabanggit, ang lahat ng tatanungin ay kailangang manumpa ng naayon sa kung paano nagsasagawa ng imbestigayon ang batasan.
Mabilis namang kumampi si Rep. Gloria Macapagal Arroyo kay Duterte at nakakagulat na tila handang-handa sa babanggiting jurispridence. Hinukay niya ang matagal nang nabanggit noon ng namayapang Sen. Miriam Defensor Santiago sa isang pagdinig sa Senado na iba ang kategorya ng resource person at witness at, magkagayon, ay hindi dapat pilitin ang sinuman na ipagkanulo ang sarili sa isang adversarial na proseso.
Sinigenduhan ito ng isa pa nilang kakampi na si Rep. Rodante Marcoleta na sinabing dapat ay hayaan na lamang si Duterte na isumite ang mga kulang na dokumentong hinahanap ng Notice of Disallowance ng Commission on Audit sa kanya.
Dito napikon si Rep. Benny Abante na inakusahan—tama naman—si Marcoleta na tila baga’y sinasaway na nito ang Komite. Pangalawang beses nang nabulyawan itong si Marcoleta ng kapwa kongresista, matapos siyang halos sugurin ng “palaging galit” na si Rep. Joseph Stephen Paduano noong nakaraang linggo. (Nakakita ng katapat itong sa Marcoleta sa mga kapwa siga na tulad nina Paduano, Abante, Rep. Romeo Acop at iba pa na magkakakampi naman sa pang-uusig sa mga Duterte at mga kasapakat nila tulad ng ngayo’y nagtatagong si Hermino “Harry” Roque, naka-oblo na Apollo Quiboloy at iba pa.)
Nauna rito, ipinaliwanag ni Rep. Gerville Luistro kumbakit responsibilidad ni Duterte na sumagot sa mga katanungan ng kongresista na may katiyakan na magsasabi ng katotohanan sa pamamagitan ng panunumpa.
Ngunit walang silbi ang pagtatalo ng magkakakampi sa kung ano ang tama. Matapos tumangging manumpa, binasa ni Sara ang kanyang pahayag na may akusasyong ang mga patawag sa kanya at ang hibo ng pagtatanong ay upang mabuo ang mga dahilan upang siya ay mahainan ng impeachment. Dagdag niya, ito ay upang durugin siya sa halalang presidensiyal sa 2028. At saka umalis ang bise presidente para hindi na siya mausisa.
Sa puntong pang-uusig ang mga patawag sa kanya, may tama naman si Sara.
Ang talumpati ni House Speaker Martin Romualdez kamakailan ay patungkol sa kanya. Hindi man tuwirang binanggit, may banta ito ng pagdurog sa kanya at sa dinastiyang Duterte na siya ngayong katunggali nila sa sabong ng mga trapo. Malas ng mga Duterte, nagsilitawan na ang patong-patong na ebidensiya ng maling paggasta nila sa mga pondong ipinagkatiwala sa kanila, sa Tanggapan ng Pangulo, sa Opisina ng Bise-Presidente, sa Kagawaran ng Edukasyon, sa Kamara, at sa Lungsod ng Davao.
Mukha rin naman siyang pinaghahandaan ng mga kakampi ng speaker at presidente. Wala na siyang masulingan kundi ang pagma-malditang hindi na sumagot o sumipot, o kaya’y bastusin ang mga kasapi ng Makabayan bloc na, bilang tunay na political opposition, ay walang pinapanigan sa mga nag-uumpugang shab…, heste, bato.
Huwag lang natin kalimutan: kasalanan din naman ito ng pangkating Marcos-Romualdez. Una, niligawan nila ang mga Duterte na magkampi-kampi sila noong nakaraang halalan. At walang kagatol-gatol nilang ibinigay ang mga kwestiyonableng pondo sa mga Duterte para sa taong 2023. Hindi ba’t si Rep. Sandro Marcos pa ang na nagpanukalang ibigay kay Sara ang kwestiyonableng “parliamentary courtesy” noong 2022 budget deliberations?
Tama rin si Sara na kasama si Romualdez sa may kontrol sa pananalapi ng bayan. Kuwestiyonable rin ang P731 bilyong “unprogrammed appropriations” sa panukalang 2024 general approproriations bill na sertipikadong urgent naman ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. Ito ang pinaka-malaking pork barrel ng rehimeng Marcos.
Nagtatawagang marumi ang parehong madungis. Pinapatunayan nito ang kabulukan ng politika sa Pilipinas na tinatawag na burukrata-kapitalismo ng mga aktibista.
Pinapanood ko sa telebisyon at social media at pinapakinggan ko rin sila sa radyo. Ito ay samantalang nag-iisip ako kung paano matutulungan ang aking bayan na mapatigil na ang mga salot na ito. #