Posts

Liwayway at Bulaklak

HINDI maisaisantabi ang ambag ng mga magasing Tagalog na Liwayway at Bulaklak sa pagbukadkad ng Wikang Pambansa. Sabihin nang makaluma, pero walang pamalit sa karunungang isinalansan ng mga ito sa mga tao nuong dekada 40 hanggang sa mga unang bahagi ng dekada 60. Sa mga babasahing ito nakilala ang mga dakila sa panitikang Pilipino, kagaya nina Jose Corazon de Jesus, Florentino Collantes, Julian Cruz Balmaceda, Cecilio Apostol Borromeo, Lope K. Santos, Inigo Ed Regalado, Romualdo Ramos, Francisco Lacsamana, Fausto Galauran at Pedrito Reyes. Si Pedrito Reyes ay anak ni Severino Reyes na lalong kilala sa alyas na “Lola Basyang” dahil sa kanyang mga kuwentong pambata na sinubaybayan sa magasin at nang malaunan ay sa radyo.

Marahil ay hindi na ipagtatanong pa ang mga pangalang nangabanggit sa itaas lalo na ang mga may kaalaman sa panitikang Pilipino na itinuturo sa mataas na paaralan nuon. (Maliban marahil sa mga kabataan ngayon na bukod sa nahuhumaling sa gadyet ay tinapyasan pa ng karapatang malasahan ang alindog at aral ng wikang sabi nga ay sinuso pa sa ating mga ina.

Ang Liwayway, na itinatag ni Ramon Roces nuong dekada 30, ay binuo ng maiikling kuwento at nobela na may ilustrasyon. Ang mga serye ay sinubaybayan ng libu-libong mambabasa sa maraming dako ng Luzon (katulad rin ng pananabiki gabi-gabi at araw-araw sa mga sinusubaybayang teleserye ngayon sa telebisyon). Naglabas din ng mga bersyon ng babasahing ito upang makarating naman sa mga ibang rehiyon – ang Bisaya, Hiligaynon, Bikolano at Bannawag.

Samantala, ang Bulaklak, na unang inilimbag nuong 1947, ay nakipagparayawan sa pagbibigay ng aliw at karunungan sa Liwayway. Katulad rin ng Liwayway ang nilalaman ng Bulaklak na nagtampok ng mga maiikling kuwento, serye ng nobela, mga tula, balitang pang-artista, komiks, at iba pang mga kapaki-pakinabang na salik. Sa Bulaklak unang lumabas si Darna nuong mga dakong 1950.

Magaan ang buhay nuon. Ang karunungan ng mga tao ay nanggagaling sa tahanan, sa paaralan – at sa mga magasing Liwayway at Bulaklak. Hanggang sa nagsulputan ang iba pang magasin na ang pormat ay kumikiliti sa imahinasyong makamundo.

Kung mayroon man sa ngayon ang nakakaalaala pa sa Liwayway at Bulaklak, nakakasigurong malawak ang kaalaman nila lalo na sa pagpapahalaga sa Wikang Pambansa. #

(Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.)

Ang larawang ginamit ay hinango ng may akda sa Google at kanyang isinalansan.