Mga batingaw ng Balangiga
Tula ni Jose Maria Sison
Sabay sa repike, hudyat na malinaw
Ng mga batingaw ng Balangiga,
Sa dibdib ng bayan umalingawngaw
Ang nasang lumaban at lumaya.
Sinugod ang banyagang halimaw
Ng taumbayang nagbalikwas
Laban sa pananakop at pag-agaw
Sa kalayaan ng mahal na bayan.
Ang halimaw nagpasyang manira
Sa lahat ng pamayanan,
Sinunog ang mga tahanan.
Tinipong parang hayop ang mga tao
Pinahirapan at pinaslang
Ang kalalakihan sampu ng mga bata
Ginahasa ang mga kababaihan
Dinuro ang matatanda.
Inakyat at kinulimbat mula sa tore
Ang mga batingaw ng Balangiga,
Itinawid sa malawak na karagatan
Upang bihagin ang mga ito sa kuta
Sa kalooblooban ng imperyo.
Ipinagmamalaki na tropeo
Ng paglupig sa ibang bansa
At paglapastangan sa kasarinlan nito.
Ilang salinglahi na ang dumaan
At nanatili ang mga batingaw
Bilang bihag sa ibayong dagat.
Nais sikilin ng imperyalista ang tunog
Subalit lagging umuugong ito,
Umaalingawngaw sa sa puso’t diwa
Ng taumbayang patuloy sa pakikibaka
Para sa kanilang kalayaan.
9 Agosto 2009
Mula sa aklat ng mga tula, The Guerilla is Like a Poet
(The Hague, Ujtgeverij, 2013), pahina 201-203