Ni Raymund B. Villanueva, Tagapangulo, Altermidya
GIMBAL ang aking naramdaman nang malaman na kasama si RJ sa mga pinaslang sa Toboso, Negros Occidental noong ika-labingsiyam ng Abril.
Tulad ng maraming naunang pangyayaring may kilala akong napabalitang namatay – kaibigan o kasama sa gawain o sa aktibismo, pinaslang o sa sakit man – hindi agad ako naniwala. Inisip kong baka naman, sana naman, ay hindi totoo.
Sa kasawiang palad, totoo ang balita. Dama ko pa rin ang lungkot. Sa aking palagay, lagi nang may lumbay tuwing maririnig o mababasa ang pangalang RJ Ledesma.
Si RJ na aking unang napansin dahil sa kapal ng bigote. Si RJ na laging malinis ang ulat, diretso at pirming panig sa mamamayan. Si RJ na delegado sa nakaraang dalawang pambansang asembliya ng Altermidya, tahimik na lumalahok, may pagkilalang naipapanalo dahil sa husay ng pagbabalita. Si RJ na nito lamang Enero ay sumakay sa aking sasakyan na kalahati ng katawan ay nakasampay sa bintana dahil pito kaming galing sa panonood ng pelikula tungkol sa mga aktibista ng Lambak ng Cagayan. Si RJ na pangiti-ngiti lamang na nakikinig sa aking mga kwento kung paano ang coverage noong wala pang internet. Si RJ na nakipag-kamay sa akin ng mahigpit noong ako ay nagpaalam nang umuwi ng gabing iyon.
Hindi bago sa atin sa Altermidya ang maging biktima ng karahasan, hindi makatarungang aresto, maging ang makulong ang ating mga kagawad. Gayon din, hindi bago sa atin ang iba pang anyo ng pang-uupat: cyberattack, pagpapasara ng website, pagkumpiska ng mga sipi ng dyaryo, panununog at pagpapasasara sa ating mga istasyon ng radyo, red-tagging, at iba pa. Sa lahat ng ito, tumugon tayo ng buong tatag at tapang upang sila ay palayain at ipaglaban ang hustisya. Ang katatagan at katapangang ito ang dahilan kumbakit tayo nananatili at nagpapalawak.
Ngunit si RJ ang unang kagawad na napaslang habang aktibo sa ating network. Walang kasimbigat na lungkot ang dulot ng pangyayaring ito sa atin.
Walang sinuman ang dapat magbuwis ng buhay dahil lamang nagbabahagi ng kwento ng inaaping mamamayan. Subalit ito ang siyang ginawa kay RJ, sampu ng iba pang mabubuting anak ng bayan na nag-alay ng buhay sa Negros.
Ibinilang siya sa lahatang bintang na sila ay armado ng araw na iyon. May inilabas pang larawan na may suot siyang bandolier. Alam natin, isinuot lamang sa kanya iyon. Hindi combatant si RJ.
Kung ang kanilang dahilan upang patayin si RJ ay naroon siya kung saan may mga armadong pwersa, napakaraming mamamahayag ang nauna nang gumawa noon. Hindi rin si RJ ang unang mamamahayag na nakipamuhay sa mga komunidad na pinagsasamantalahan. Trabaho natin iyon. Hindi nila maunawaan; ayaw nilang intindihin. Ang tanging dahilan, ayaw nila ng kwentong hindi panig sa makapangyarihan. Ayaw nila ng kwento ng maliliit, higit lalo ng kanilang pakikibaka.
Ang marapat tanungin: Bakit hindi lahat ng mamamahayag ay tulad ni RJ na may puso para sa karaniwan? Hindi ba ang lahat ng mamamahayag ay dapat may taglay na aktibismo upang maging tunay silang tagapag-balita ng bayan?
Malungkot ang dahilan ng ating pagtitipong ito. Ngunit walang dahilan kumbakit tayo huminto sa gawaing ipinagbuwis-buhay ni RJ. Hindi niya iyon nanaisin.
Ngayong gabi, tayo ay magdalamhati. Ngunit hindi bawal ang tumawa. Sapagkat bukas, magpapatuloy tayo sa ating gawain at simulain nang parang naririyan pa rin si RJ na ating kasa-kasama. Totoo naman. Hinding-hindi natin makakalimutan si RJ at lagi nating siyang kasama at ang kanyang legado sa ating bawat na iluluwal na ulat.
Mabuhay si RJ! Hustisya para sa Toboso 19! Mag-ulat, maglingkod, makibaka! #
= = = = =
Si RJ ay patnugot ng Paghimutad-Negros.
Binasa sa “A Tribute To A People’s Journalist, RJ Ledesma” sa Unibersidad ng Pilipinas, Mayo 1, 2026.







